Hindi ako mapakali. Kahit text o reply, wala pa rin akong natatanggap mula sa kaniya. Hindi ako sanay. Tuwing may hindi kami pagkakaintindihan, siya pa ang nagkukusang mag-usap kami para maayos ito. Pero ngayon, hindi siya nagkukusa.
Gumagawa na nga ako ng paraan, pero mukhang iniiwasan niya ako. Hinintay ko siya kaninang umaga sa gate, pero hindi ko siya nakita hanggang sa sumuko na lang ako at pumasok na sa klase ko. Ayoko namang um-absent sa kahit anong subject ngayong araw dahil magiging utang na loob na naman 'to sa mga kaklase ko.
Medyo natatakot lang ako. Nag-aalala akong baka iyon ang maging kasunod nito–iyong isang bagay na kinatatakutan kong mangyari. Pero alam kong hindi ganoon si Margarette. Hindi naman siya basta-basta na lang magdedesisyon. Isa pa, hindi siya selosa at wala naman din siyang dapat ikaselos.
Pagdating ng una naming vacant time, lumapit ako kina Monique at isinauli na ang cellphone niya. Natahimik silang magkakaibigan sa pagkukuwentuhan dahil sa ginawa ko. Maya-maya inaya niya ako sa lumabas para mag-usap na kaming dalawa lang.
Hindi ko naman ine-expect na magiging madali ang pagsasauli sa kaniya ng cellphone niya.
"Bakit isinasauli mo na 'to?" seryoso niyang tanong.
"Nung outing ko pa dapat isasauli, pero nakalimot na ako," dahilan ko at napakamot sa ulo.
"Okay lang namang ibigay ko na sa'yo. Mukhang wala ka pang cellphone e," sabi niya.
"Okay na. Salamat pala. Malaki talaga naitulong niyan sa'kin nung bakasyon."
Muli niyang inabot sa'kin ang cellphone. Tumanggi ako at siniguradong hindi ko na iyon hahawakan.
"Okay na ako. May ipapahiram na cellphone sa'kin ang pinsan ko," dagdag ko, kahit wala naman talaga.
"Dahil ba 'to kay Margarette? Alam ba niya?" Seryoso lang ang tingin niya sa'kin. Nung hindi ako sumagot saka niya idinagdag, "siya lang naman ang pwede maging dahilan kung bakit isinasauli mo na. Ano? May cellphone din bang bigay sa'yo si Margarette? Mas maganda ba kaysa sa cellphone ko?"
Sa totoo lang, ako talaga ang may mali, pero hindi ko na talaga nagugustuhan ang tono ng pananalita niya.
"Ezra, wala naman akong hinihingi sa'yo. Hindi ko naman sinasabing makipaghiwalay ka sa girlfriend mo, ang sa akin lang naman ay sana napapansin mo rin ang mga effort ko."
Napabuntong hininga ako nang malalim. Ni hindi ako makapaniwala na sinasabi niya sa akin ito kaya hindi ako nag-react. Ayaw kong maging padalos-dalos sa mga sasabihin dahil ayaw ko ring masaktan siya.
"Gusto mo ba si Margarette dahil maganda at mayaman siya? Gaano ba karaming bagay ang binibigay niya sa'yo? Hindi ako kasing yaman niya, pero may kaya naman ako, Ezra. Kaya rin kitang buhayin kung binigyan mo lang din sana ako ng pagkakataon."
Napakunot ang noo ko sa mga sunod niyang sinabi. Mukha ba akong manggagamit? Naghihintay ng grasya mula sa ibang tao?
Naikuyom ko ang kamao ko para ipunin ang inis na nararamdaman ko.
"Gusto ko si Margarette dahil gusto ko siya, hindi dahil sa mayaman siya."
Iyon lang ang sinabi ko sa kaniya at bumalik na sa loob ng room. Pagkalipas ng ilang minuto, saka siya bumalik. Malungkot ang mukha niya at kaagad siyang inalo ng mga kaibigan. Hindi ko na pinakinggan ang pang-uusyoso ng ilang mga kaklase kung ano ang pinag-usapan namin at kung bakit siya malungkot.
Sa ngayon, mas maigi sigurong bigyan ko muna sila at ang sarili ko na oras para makapag-isip.
🌹

BINABASA MO ANG
Pixie Girl 2
RomansaEzra is not the perfect guy. He feels hopeless and a little bit insecure. He always feels like she's too perfect for him. And in the eyes of others, a perfect guy is meant to be with a perfect girl.