cool off

23 2 0
                                        

Pinipilit ako ng mga kaklase ko na sumama sa kanilang pumunta sa bahay nila Monique ngayon. Dalawang araw na siyang hindi pumapasok at nag-aalala na ang mga kaibigan niya sa kaniya. Aaminin kong medyo nag-aalala rin naman ako dahil ayokong ako ang maging dahilan kung lumala ang kalagayan niya.

Kahit hindi sabihin ng mga kaibigan niya, alam kong ako ang iniisip nilang dahilan kung bakit ayaw pumasok ni Monique kaya sa dinami-rami nilang magkakaibigan, ako ang pinipilit nilang sumama. Kung isang normal na araw lang 'to, magvo-volunteer pa akong sumama sa kanila at hindi ganitong napipilitan lang. Ewan ko ba kung kailan nagsimulang maging kumplikado ang lahat.

Bakit ba gano'n?

Kapag hindi mo kayang suklian ang atensyon at effort na ibinibigay ng isang tao sa'yo, ikaw ang lalabas na masama. Ikaw ang hindi marunong makiramdam. Ikaw ang masamang tao sa mata ng mga kaibigan niya. Ikaw ang mali dahil tatanggapin mo na lang, inaayawan mo pa.

Isang tao pa lang ang narinig kong nagbigay simpatiya sa taong taga-tanggap—si Margarette.

Pero tama naman siya. Mahirap din naman na ikaw ang taga-tanggap, pero hindi mo kayang suklian ang ibinibigay sa'yo. Nakakakonsensya. Nakakalungkot dahil ikaw ang kontrabida.

Sa huli, pumayag na akong sumama sa kanila. Hindi naman mahirap gawin ang request nila. Natatakot lang akong iba ang maging dating ng aming pagbisita kay Monique. Baka isipin niyang pahiwatig. Baka mas lalo pa siyang umasa.

Palabas na kami ng room nang biglang huminto ang mga kaklase ko sa paglalakad. Bumagal at humina ang kanilang pag-uusap. Tinignan ko naman kung ano ang dahilan, pero hindi pala ano kung 'di sino.

Si Margarette.

"Una na kayo," sabi ko sa kanila at nilapitan si Margarette.

Hindi ko na pinansin ang mga kaklase ko kung nauna na ba silang maglakad paalis o nagpapaligoy-ligoy para pakinggan kung ano ang pag-uusapan namin. Kay Margarette lang naka-focus ang tingin ko.

Ang weird sa pakiramdam na makita siya ngayon. Pakiramdam ko dalawang linggo ko na siyang hindi nakikita. Na-miss ko na siya, pero...

"Is it not a good time for us to talk?" tanong niya.

Napakamot ako ng ulo. Kung kailan naman desidido na akong bibisitahin 'yung isa para wala ng masabi ang mga kaklase ko, saka siya dumarating.

"Margarette—" simula ko, pero muli siyang nagtanong.

"Saan kayo pupunta?"

Napatitig lang ako sa kaniya. Nababasa kaya niya ang nasa isip ko? Na ngayo'y bibisitahin ko si Monique imbes na kausapin siya ngayong may pagkakataon na kami at siya pa ang pumunta rito?

"Did something happen? Nasaan si Monique?" tanong niya.

"Absent. May sakit. Dalawang araw na," tugon ko.

"Pupuntahan niyo siya?"

Tumango ako habang nagkakamot ng ulo. "Mag-usap tayo bukas, huh? Promise. Bukas. Hintayin kita pagkatapos ng klase."

"You should set things straight with her, Ezra."

"A-anong ibig mong sabihin?"

"Ezra!" tawag sa akin nila Victoria.

Napatingin ako kay Margarette, tapos sa kanila, tapos kay Margarette ulit.

"Bukas talaga, Margarette. Promise! Kailangan ko lang pagbigyan ang request ng mga kaklase ko dahil naka-oo na ako."

Ngumiti siya at tumango. "Okay, bukas."

Pagkasabi niya no'n ay umalis agad siya. Naiwan akong nagtataka sa naging reaksyon niya. Hindi ko mawari kung anong ibig sabihin ng pagngiti niya. Ngiti ba natutuwa sa pangyayari o ngiti na nalulungkot?

Sa puntong iyon, gusto kong bawiin ang pasya ko at kausapin na lang si Margarette. Pero alam kong huli na nag lahat para do'n.

Pagdating kina Monique, mukhang mas okay pa sa okay ang kalagayan niya kaysa sa kin. Masigla naman siya nang salubungin kami at masigla naman siya habang nakikipagkwentuhan sa mga kaibigan nang kumain kami ng hapunan.

Pero may kung anong mabigat sa puso ko...

Pagsisisi ba 'to? O pagkainis?

Inaasahan ko ng mangyayari 'to, pero ito ang pinili ko kaya dapat lang na pagtiisan ko. Pero habang pinapanood at pinapakinggan ko ang mga kaklase ko na magkwentuhan, iba ang tumatakbo sa isip ko.

Nag-usap na lang sana kami ni Margarette.

Pakiramdam ko ay lalo lang kaming napalayo sa isa't isa sa espasyong inilaan ko.

🌹

Ang cool off lang sana para maging kalmado siya kapag nag-usap na kami, kung ituring na ni Margarette ngayon ay break up. Binura niya na lahat ng posts na may kinalaman sa'kin at pictures naming dalawa sa facebook. Marami tuloy ang naghihinala at nagpapakalat ng balita na hiwalay na nga kami.

Pagpasok kinabukasan, panay ang tanong ng mga kaklase ko kung hiwalay na ba talaga kami. Ang bilis kumalat ng balita at ang bilis ng mga nagpapakalat. Ni hindi ko nga alam kung saan nila agad nakuha ang ganoong konklusyon—na hiwalay na kami.

Si Monique ay pumasok na muli at wala ng sakit. Maingay at masigla na ulit ang buong klase. Kung ano-ano na ang mga planong naririnig kong binubuo.

Nagtext ako kay Margarette para makapag-usap kami ng vacant time niya. Ang tagal pa niya mag-reply. Gusto ko na lang siya puntahan kaso kapag in-absent-an ko ang subject na 'to o kaya magpa-late, baka gawing pangonsensya na naman ito sa'kin nila Monique kaya hindi ko itinuloy at tinyaga na maghintay sa reply niya.

💬
Margarette, mag-usap nga tayo.

Panay kamot ng ulo at naiiritang remark ang naririnig sa akin ng katabi ko kaya panay ang tanong niya kung okay lang ba ako.

Mas maganda nang maayos 'to habang hindi pa talaga lumalala. Muli akong nagtext sa kaniya, nagmamakaawa na mag-usap kami, tulad ng napag-usapan kagabi, pero wala siyang reply. Kahit sa mga chat ko ay wala siyang reply.

Habang lumilipas ang bawat minuto, nadadagdagan ang kaba ko. Bawat hakbang ko ay patungo sa resultang hindi ko gusto. At naiinis ako sa sarili kung bakit pinaabot ko pa sa ganito.

"Ezra, totoo ba 'yung balita?" tanong sa akin ni Camille. "Hiwalay na raw kayo ni Margarette?"

Sa isang iglap, nandito na silang magkakaibigan sa tabi ko—si Monique, Victoria, Camille, Janna at Kat.

"Sikat na sikat kayo kaya ang daming nag-uusap tungkol sa relasyon ninyo," sabi ni Victoria

"Iyong mga nagpapakalat ng balitang 'yon, gusto lang talaga na maghiwalay kami," sabi ko. "Pero nakita niyo naman, 'di ba? Nandito siya kagabi."

Nagkatinginan muna silang lima. Hindi ko alam kung anong pahiwatig ng mga tingin nila sa isa't iss, pero hindi ko na pinag-aksayahang isipin pa 'yon.

"Pero bakit parang mayro'n kayong 'di pagkakaunawaan?" tanong pa ni Victoria.

"Dahil ba 'to sa cellphone?" tanong ni Monique. "Gusto mong kausapin ko si Margarette tungkol do'n? Nagseselos ba siya sa akin?"

Bigla akong natawa sa sinabi niya. Ang taas ng tingin ko dati kay Monique. Sa lahat ng mga kaklase ko, para sa akin, siya ang pinaka-cool dahil magaling siyang leader. Pero ngayon, para siyang isang malaking biro.

"Nagseselos? Ano namang pagseselosan niya sa'yo?" natatawa kong sabi. "Wala namang namamagitan sa atin Monique."

Seryoso siyang napatingin sa akin. Masakit, pero kailangan niyang tanggapin.

"E, kung gano'n, bakit niya binura mga pictures ninyo sa facebook?" tanong niya.

"Ano bang gusto niyo makumpirma? Kung hiwalay na kami? Hindi pa kami hiwalay. Porket binura ang mga pictures sa facebook, ibig sabihin hiwalay na agad?" naiirita kong sabi.

"Ano, magkaaway lang Ezra?" nakangising tanong ni Camille saka idinagdag, "hiwalayan din ang patutunguhan ng relasyon niyo e."

Napailing na lang ako. Napatingin ako sa cellphone at sa huling message ko kay Margarette na hanggang ngayon ay wala pa ring reply.

Pixie Girl 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon