Ang blooming ni Margarette ngayon. Nakaputing t-shirt siya na pinatungan ng kulay pastel purple na dress-sobrang soft ng kulay nito. Ang buhok niya ay maayos. Hindi ko naman sinasabing minsan ay hindi maayos ang buhok niya, pero may dagdag na ayos ngayon e. Hindi naman ito ang first time kong makita siyang magdress, may kakaiba lang sa aura niya. O dahil na rin siguro sa kulay ng suot niya. Masyadong malambing. Mukhang nagpapa-impress sa ka-blind date.
"Anong mayro'n?" tanong ko. Kinuha ko ang bag niya at binitbit iyon.
"Anong anong mayro'n?" balik niyang tanong, kunwari pang hindi alam ang tinutukoy ko.
"Bakit ang ayos ng porma mo ngayon?"
"Psh. Mabago lang nang kaunti ang porma, akala mo kung anong mayro'n na agad." Inirapan niya ako, pero ilang sandali rin naman ay sinabi niya kung bakit nakaporma siya ngayon. "I'm meeting with a friend later after class."
Makikipagkita lang pala sa kaibigan. Iyong porma naman niya kasi mukhang makikipagdate.
"Sino sa mga kaibigan mo?"
"Si Mary Rose."
"Ahh..." Tapos bigla kong naalala na late na ang tapos ng klase niya mamaya.
"Anong oras kayo magkikita?"
"Mga 9 pm. Don't worry. Magpapasundo ako mamaya."
Tumango-tango ako. Napanatag naman ang loob ko. Minsan nagtataka ako sa kaniya kung bakit hindi pa siya magpahatid-sundo kapag uwian. May kotse naman siya. Wala lang. Nag-aalala lang din ako lalo na sa mga araw na hindi ko siya nasasabayan.
"Bakit pala late na kayo magkikita?"
"Babalik na siya ng US at madaling araw ang flight niya. Gusto niya lang makipagkita bago siya umalis dahil matagal-tagal pa ulit bago kami magkita. Nasa Cebu kasi siya buong stay niya rito."
"Ahh..." Tumango-tango ako. "Pwede ba akong sumama?"
Pagkasabi ko no'n, gusto kong batukan ang sarili ko. Manggugulo pa ako sa pagkikita nila, e wala naman akong dapat ipag-alala. May kasama naman siya at may magsusundo sa kaniya pauwi.
"Hindi lang ako komportable na sobrang late na kayo magkikita," dahilan ko.
"Pwede naman," nakangiti niyang sabi. "But it's too late. May pasok pa bukas."
"Bakit? Ako lang ba ang may maagang pasok bukas? Ikaw din naman ah."
"Just saying. Baka may mahalaga kang mga gagawin sa first subject mo."
"Wala naman." Inisip kong maigi kung ano ba ang gagawin sa unang subject namin bukas. "Okay lang naman sa'kin ang magpuyat. Kaya ko naman bumangon pa rin nang maaga."
"Sige, sabi mo e."
"Bakit parang ayaw mo?"
Natawa siya. "Wala lang."
"Iyong porma mo naman kasi parang hindi kaibigan ang kikitain," pagsasabi ko ng totoo.
Hindi naman ako sobrang kinakabahan na baka lalaki ang katatagpuin niya, pero medyo kahina-hinala. Hindi nga siya nag-aayos ng ganito kapag maggagala kaming dalawa. Tuwing pupunta kami sa mall o sa park para maglakad-lakad, tamang ayos lang siya palagi.
"Sino pala sa tingin mo?" tanong niya.
"Basta," sabi ko lang.
"Ewan ko sa'yo, Ezra."
"Basta sama ako mamaya ah."
"Okay. I'll tell her."
Pagpunta ko sa klase, mukhang balik sa normal ang lahat. Wala namang pumansin sa pagdating ko. Pinakiramdaman ko si Monique kung galit ba siya o nagtatampo, pero mukhang hindi naman. Hindi naman siya nag-iwas ng tingin nang magkatinginan kami.

BINABASA MO ANG
Pixie Girl 2
RomanceEzra is not the perfect guy. He feels hopeless and a little bit insecure. He always feels like she's too perfect for him. And in the eyes of others, a perfect guy is meant to be with a perfect girl.