warning

30 2 0
                                    

Buwan na ng Oktubre. Nalalapit na ang pag-uwi ni Margarette at hindi na ako makapaghintay na makita siya ulit. Kung pwede lang pabilisin ang oras, gagawin ko na e.

Sobrang namimiss ko na siya.

Gusto ko ring makita niya na ang mga pagbabago sa'kin. Dahil sa pagtatrabaho ko sa gym, medyo lumaki na ang katawan ko at nagkaroon ng muscles. Gusto kong makita kung anong magiging reaksyon. Iniisip ko pa lang, na-e-excite na ako.

Eksakto pa sa araw ng anniversary namin ang flight niya pauwi. Feeling ko sinadya niya 'yon. May pinaplano kaya siya?

Psh. Ewan ko kung bakit ito ang iniisip ko ngayon.

Nag-focus na ako sa dine-deliver kong order kay Ate. Tatlong package lang naman kaya inaasahan kong matatapos ko ito bago mag-alas dose. Hindi naman malalayo ang mga pinupuntahan kong lugar kapag nagde-deliver. Lahat naman ay within the area namin o kaya kalapit. Kapag masyadong malayo, pinapadala na ni Ate sa pamamagitan ng courier.

Nang matapos ko ang pagde-deliver, dumaan ako sa Mall para bumili ng regalo kay Margarette. May magandang relo akong nakita noong nakaraang buwan na gusto kong bilhin, pero wala pa akong budget no'n at kinailagan pang mag-ipon. Napangiti naman ako nang makita 'yung relo na naka-display pa.

Vintage ang datingan nung regalo kaya sigurado akong magugustuhan ito ni Margarette. Rose gold ang kulay nung plating tapos light brown leather ang strap nung relo. Bagay na bagay sa kulay ng balat niya.

"Pang regalo po ba sa girlfriend niyo, Sir?" nakangiting tanong sa'kin nung Sales lady.

Nahihiya naman akong tumango. "Miss, may stock pa ba kayo nito?" turo ko sa relo. "Iyong hindi itong nakalagay sa display ah."

"Yes, Sir. Kuhain ko po, saglit lang po."

Mabilis namang bumalik ang Sales lady bitbit ang isang maliit na kahon. Sinuri ko naman iyon kung katulad ba ang disenyo no'n sa naka-display at kung may depekto. Wala naman kaya hindi na ako nag-alinlangan pa at binili na 'yon dahil baka kapag pinatagal ko pa ay lalo akong maubusan.

Pag-uwi ko ng bahay, nadatnan ko naman si Mama na kumakain ng tanghalian kaya sinabayan ko na siya. Si Ella ay nasa eskwelahan pa kaya ang tahimik at payapa ng bahay.

"Kumusta na pala kayo ni Margarette?" biglang tanong ni Mama.

Kinukumusta naman niya ako paminsan tungkol sa estado ng relasyon namin ni Margarette, pero sobrang dalang kaya nakakagulat kapag bigla siyang nagtatanong.

"Okay naman po kami. Ngayong buwan na rin pala uwi niya," sabi ko. "Nagtatanong nga kagabi kung anong paborito ni Ella... sabi ko, 'wag na siyang mag-alala dahil baka lalong maging clingy 'yung isa sa kaniya."

"Paano ba kayo nagkakilala?" tanong niya.

Himala yatang naiba ang tanong niya pagkatapos ng 'kumusta na kayo?', pero masaya naman akong nagkuwento.

"Sa school ko lang din siya nakilala. Madalas siyang natataong sumakay sa jeep ni Kuya Maki, tapos ayun..."

"Akala ko may sasakyan at driver siya?"

"Ahh... mas gusto niyang nagco-commute noon kapag pumapasok kaysa magsasakyan e."

Tumango-tango si Mama. "E, ipinakilala ka na ba niya sa magulang niya?"

"Oo naman!" sabi ko. "Umpisa pa lang, pinakilala niya na talaga ako."

"Ano naman ang sinabi nila?"

"Wala naman..." mahina kong sabi.

Pero alam ko ang gustong ipahiwatig ni Mama. Kahit siguro siya'y iniisip na masyadong mataas si Margarette para sa akin. Kahit siguro siya ay may pagdududa na tanggap ako ng magulang ni Margarette para sa anak nila.

Pixie Girl 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon