from this moment

23 2 0
                                        

Matapos ang gala namin sa Tagaytay, balik sa realidad ng pagtatrabaho muna kami ni Margarette. Hindi kami nakapagkita ng halos isang linggo dahil pareho kaming abala. Ang natitirang oras namin sa isang buong araw ay gabi na kaya nagtatawagan na lang kami o kaya ay nagte-text.

Dumating ang bisperas ng Bagong Taon, nagda-drive kami ngayon papunta sa isang coffee shop sa Taguig kung saan napag-usapan nilang magkita ni Elirine kasama si Eli. Double date talaga ito. Triple date pa nga sana kaso hindi raw makakasama ang kaibigan nilang si Anna dahil abala ito sa trabaho.

Sa unang pagkakataon naman, nagsuot ako ng plain na puting t-shirt para malinis tignan at iniba ang istilo ng buhok ko. Ewan ko ba. Nung nag-iisip ako ng susuotin kagabi, pakiramdam ko ay kailangan kong magsuot ng malinis sa paningin ng ibang tao dahil nga magba-bagong taon na. Nung nakita kong may simpleng puting t-shirt sa mga damit na ibonebenta ni Ate, hiningi ko agad iyon. Hindi naman ipinagdamot ni Ate.

Hindi talaga ako nagsusuot ng mga puting damit, may disensyo man o wala, dahil dumihin. Kaunting talsik o kahit alikabok ay ang daling mahalata hindi tulad kapag nakasuot ng kulay itim o dark na damit. Pero ngayon ay makikipagsapalaran ako.

Sinundo ako ni Margarette sa sakayan ng bus. Nang sumakay ako, kakaiba ang aura niya. Para bang sobrang good mood niya. Ngayon ko lang nadatnan na siya ang mag-initiate na buksan ang radyo niya para makinig ng mga kanta. Kaso nasira ang mood niya nang tawagin ko siyang...

"Mahal, sorry ang tagal ko."

Talagang ang bilis naglaho nung mala-anghel niyang mukha kanina at napakunot agad ang noo.

"Tumigil ka nga diyan sa mahal na 'yan, Ezra."

"Bakit?" natatawa at pa-inosente kong tanong. "Makikipagkita tayo kay Elirine at Eli, nakakahiya naman kung hanggang ngayon ay wala pa rin tayong term of endearment."

"I'm sure they wouldn't mind," seryoso niyang sabi.

Natawa lang ako at hindi na siya kinulit tungkol doon dahil baka lalong ma-badtrip. Habang nakatingin ako sa labas, sa mga sasakyang nakikipagsabayan sa'min, may na-realize akong medyo nakakatawa. Nauna muna iyong tawa ko kaya pakiramdam ko ay inaasahan na niyang maiinis siya sa susunod kong sabihin.

"Margarette..." tawag ko sa kaniya, pero wala siyang naging tugon. Ipinagpatuloy ko naman ang sasabihin. "Ngayon ko lang na-realize, ito 'yung dalawang dahilan para mapikon ka—una ay tatawagin kitang mahal o kahit anong sweet na endearment at pangalawa ay tawagin kang emo girl."

Narinig ko ang pagbuntong-hininga niya at paghawak sa manibela nang mahigpit.

"Joke lang, ito naman. Sorry na. Na-realize ko lang naman," sabi ko, nagpipigil ng tawa.

"Don't even give Elirine an idea about that word later. Uuwi ka mag-isa," banta niya.

Kaya ko namang umuwi mag-isa at mag-commute, pero iyong pagkakasabi niya ay kinilabutan ako. Ganitong-ganito ang tono niya nung nakipag-break siya.

"Sige na, joke lang. Ikaw naman," pagsuyo ko, pero hindi niya ako pinansin. Minabuti kong manahimik na lang buong biyahe para makalimutan na niya at mawala ang inis niya.

Pagdating namin sa coffee shop, nandoon na ang dalawa. Lumapit ako kay Eli at nakipagkamay tapos tinapik niya ako sa balikat. Niyakap naman ni Elirine si Margarette at hindi pinakawalan hangga't hindi nagrereklamo 'yung isa.

"Triple date dapat 'to, pero masyadong busy 'yung isa. Iba talaga kapag entrepreneur," sabi ni Elirine kay Margarette.

Napangiti naman si Margarette sa sinabi niya. "Anna's taking my challenge seriously."

Pixie Girl 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon