emo girl

28 3 1
                                    

"Emo girl!"

Ito ang naging tawag ko kay Margarette kinabukasan pagpasok. Salubong ang kilay niya nang lumingon sa akin samantalang tawang-tawa naman ako. Siguro sa isip-isip niya ay nanahimik siyang naglalakad tapos biglang may tatawag sa kaniya ng gano'n para mang-inis.

"Ang aga-aga, Ezra."

"Sorry na," natatawa kong sabi at inakbayan siya. Wala siyang sinabi.

Hinatid ko siya sa kaniyang klase na medyo badtrip sa akin. Pagpunta ko naman sa aking klase, nagsimula agad akong mag-review para sa isang quiz. Ewan ko ba. Kung kailan puyat ako, doon ako energetic kapag pumasok. Tapos kung kailan kumpleto naman ang tulog ko, madalas kapag nasa klase na ay inaantok ako.

"Sipag ni Ezra oh," asar ng iba kong mga kaklase nang madatnan akong nagre-review.

"Pakopyahin mo kami ah," sabi ni Monique. Goodluck kung makakopya siya. Ang layo-layo ng upuan niya sa'kin.

"Sana umabot sa amin ang sagot Ezra," sabi ng isa ko pang kaklase.

Nginitian ko na lang ang mga pang-aasar nila. Sana pati sa final exam ay ma-inspire ako. Madali na lang naman ngayong last sem dahil tapos na ang practicum at thesis. Kailangan na lang talaga maipasa ang natitirang mga subjects at magpakabait para hindi na sumablay.

Ang sunod kong subject ay isa't kalahating oras lang. Natapos ito nang hindi ko namamalayan. At dahil three hours ang vacant time pagkatapos, pumunta agad ako sa tambayan.

Pagdating na pagdating ko, itinigil ni Margarette ang ginagawa niya at sabay kaming kumain ng baon niya. Chopsuey ang baon niyang ulam ngayon.

"Ikaw ang nagluto?" tanong ko para mang-asar.

"Late na tayo umuwi kagabi, sa tingin mo makakapagluto ako pagkagising ko?" mataray niyang sabi.

"Badtrip ka pa rin?" Umirap lang siya. "Kiss mo ako, hindi na kita aasarin ng emo girl."

Ilang sandali ng katahimikan, tunog lang ng mga kutsara't tinidor ang maririnig. Maya-maya, bigla siyang napangisi.

"That sounds like a scam, Ezra."

Natawa ako. "Bakit? Wala ka bang tiwala na tutupad ako sa usapan?"

"Wala," mabilis niyang sabi.

Umiling ako at nagpatuloy kami sa pagkain. Pagkatapos kumain, pumunta ako saglit sa canteen para bumili ng tubig para sa kaniya. Pagbalik ko nagsisimula na ulit siya sa ginagawa niya. May laptop sa harap niya at may ilang libro at notebook na nasa magkabilang gilid nito.

Nilagyan ko ng tubig ang tumbler niya at pinagmasdan lang ang kaniyang ginagawa. Sana ganito kami palagi. Hindi ako magsasawang pagmasdan siya sa mga ganitong pagkakataon. Ewan ko nga, nag-aaral lang siya, pero hindi ako nabo-bored. O siguro dahil hindi rin naman ako 'yung tipo ng tao na sobrang active sa buhay kaya basta magkasama kami ay masaya na ako.

Seryoso talaga siya nung sinabi niyang mag-aaral siyang mabuti para maipasa ang dalawa niyang course, para wala nang masabi ang magulang niya sa relasyon namin. Kaya minsan nakokonsensya ako kapag naiisip kong makipaghiwalay sa kaniya dahil ang baba ng tingin ko sa sarili ko at masyado kong iniisip ang tingin ng ibang tao e.

"Anong iniisip mo, Ezra?" tanong niya nang hindi tinatanggal ang tingin mula sa kaniyang ginagawa.

"Wala naman..."

"Malapit na birthday ko Ezra. Subukan mong 'wag pumunta, magagalit talaga ako sa'yo at hindi na kita kakausapin," banta niya.

Ngumiti ako. Hindi clingy o demanding type si Margarette. Ngayon lang. Madalas kapag may gusto siyang gawin o hingin sa akin, dalawa lang yan: either sasama ako/ibibigay ko o hindi.

Pixie Girl 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon