unexpected meetings

23 2 0
                                    

Ngayon mas lalo kong nararamdaman na wala na talaga... tapos na talaga ang lahat sa amin ni Margarette. Hindi siya nagre-reply sa mga text ko, sini-seen niya lang ang mga chat ko, at ayaw niya akong kausapin nang maayos kapag magkasama kami.

Kalaunan ay itinigil ko na ang pangungulit sa kaniya. Tatahi-tahimik si Margarette, pero kapag nainis siya, baka tuluyan niya na talaga akong tanggalin sa buhay niya.

Unang Sabado ng Pebrero ngayon at kasama ko ang mga kapatid ko na mag-grocery. Kaka-regular lang ni Ate sa trabaho kaya napagpasiyahan niyang isama kami sa mall ni Ella. Ngayon na lang kami ulit umalis na kaming tatlo lang ang magkasama. Sinusulit naman ni Ella ang pagkakataon at kung ano-ano ang ipinabibili kay Ate. Pinagbibigyan naman siya ni Ate kahit anong paalala ko na hindi naman mahalaga ang ibang pinabibili ni Ella.

Matapos mag-grocery ng mga kailangan sa bahay, kumain kami sa isang fast food restaurant. Katatapos lang namin kumain, ito na naman si Ella at nagtuturo ng bagong gustong kainin. Ito naman ang ayaw ko kapag sumasama sa ganito. Hindi talaga mawawala sa buhay 'yung kapatid mong ang daming gustong bilhin, wala namang pera.

"Ate, bili tayo nito," turo ni Ella sa isang ice cream store.

"Tara!" pagpayag naman ni Ate. Wala naman akong nagawa kung hindi ang sundan sila sa loob ng store. Habang masayang pumipili si Ella ng kung anong gusto niya, lumingon sa akin si Ate Eileen. "Anong gusto mo rito, Ezra?"

"Okay na ako dito." Kumuha ako ng chocolate chip na nasa cup, katulad ito ng kinuha niya.

"Ate, pwede bang dalawa?" request pa ni Ella.

"Sige lang," tugon ni Ate.

Pagkatapos bayaran ang mga ice cream, kalalabas lang namin nung shop, e may panibagong problema na namang nagawa itong si Ella. Ewan ko naman sa kapatid kong 'to kung anong ginagawa, napakamaligalig kumilos.

Nilapitan ko agad siya. Kinuha ko ang bag niya at ang plastic, na ang laman ay iyong isang ice cream na pinabili niya, para matulungan niya ang babaeng natapunan niya ng ice cream. Pero nagulat ako nang makita kung sino iyon. Kahit nakayuko siya, kilalang-kilala ko ang ayos ng buhok niya.

"Sorry, Ate!" sabi ni Ella. Gamit ang isang maliit na piraso ng tissue na hawak niya, pinunasan niya ang braso ni Margarette.

Wala namang magawa si Margarette kung hindi ang titigan lang ang pinsala nung ice cream sa braso at damit niya. Nakatitig lang din naman ako sa kanila dahil hindi ko inaasahang makikita ko siya ngayon dito, tapos ganito pa ang nangyari, tapos kasama ko pa ang mga kapatid ko...

Hindi ko alam kung paano ako magre-react.

"Hala, sorry po talaga!" sabi ni Ella, ang mukha ay nagmamakaawa. "Y-yung damit mo po... sorry po."

"Ano ba namang kasing ginagawa mo Ella?" mahinahong sabi ni Ate Eileen sa kaniya. Lumapit siya sa dalawa at tinignan si Margarette.

"Ang hirap kasi buksan nung takip, e hindi ko napansin na pasalubong si Ate..." pangangatwiran ni Ella.

Pupunasan niya sana ang damit ni Margarette gamit ang wipes na inabot sa kaniya ni Ate Eileen, pero pinigilan ni Margarette ang kamay niya. Tumingin muna siya sa akin bago umatras palayo sa kapatid ko. Hindi ko alam kung paanong kalmado pa rin siya sa sitwasyong ganito.

"It's okay," sabi ni Margarette.

"Margarette!"

Napalingon si Margarette sa likod. Napatingin din naman ako kung sino ang tumawag sa kaniya at nakaramdam ng pagkataranta. Hindi ko inaasahang kasama niya ang Mama niya. Kasama niya rin kaya ang Papa niya? Anong sasabihin ko kapag napansin ako ni Tita?

Gusto kong magtago dahil nahihiya akong makita ang magulang niya. Hindi pa naman ako napapansin ni Tita ang kaso mas nakakahiya kung mahuli ako o bigla na lang ako na umalis.

"Ma..."

"What happened here?" tanong ni Tita.

"Hala, sorry po..." mahinang sabi ni Ella. Mas kinabahan siya sa pagdating ni Tita katulad ko.

As usual, ngumiti si Tita. "It's okay. I know it's not intentional. Don't worry about it." Tumingin si Tita kay Margarette. "Come on, let's just buy you a new dress."

Ngumiti rin si Ate Eileen, mukhang nakahinga nang maluwag. "Thank you po. Sorry ulit sa nangyari. Mapapabili pa kayo ng bagong damit."

"It's okay. Huwag ka na kabahan," nakangiting sabi ni Tita kay Ella.

"Opo. Thank you po ulit," sabi ni Ella.

Nabaling ang tingin ni Tita kay Ate para tumango at magpaalam. Akala ko doon na matatapos ang lahat, pero bumaling pa ang tingin ni Tita sa akin. Halata ang pagkagulat sa reaksyon niya nang makita ako. Napahinto siya sa paglalakad at tumingin kay Margarette.

"You're also here, Ezra. Are you supposed to see each other today?" tanong ni Tita.

Ako na ang sumagot para kay Margarette. Hindi ko alam kung bakit kanina pa siya nanahimik. "Hindi naman po. Kasama ko po mga kapatid ko ngayon."

"Ahh..."

"Sorry po sa nangyari. Hindi lang po napansin ng kapatid ko," dagdag ko.

"It's okay, it's okay—"

"Mauna na kami. Tara na, Ma." Nagmamadaling iginaya paalis ni Margarette ang Mama niya at wala namang nagawa si Tita. Sinundan ko sila ng tingin. Doon ko na-realize na hindi pa nasasabi ni Margarette sa magulang niya na break na kami.

"Kilala mo 'yung magandang babae na 'yon?" tanong ni Ella.

"Sino 'yon?" tanong naman ni Ate Eileen.

Nag-iisip pa lang ako ng magandang sagot, nakuha na agad ni Ella ang tamang sagot.

"Iyon ba 'yung girlfriend mo?"

Sinamaan ko siya ng tingin. Ang lakas ng boses. Kulang na lang ay ianunsyo niya sa lahat ng tao na nasa mall ngayon.

"Tsk. Kilala ko siya dahil schoolmate ko siya, okay ka na?" Binigyan niya ako ng 'di naniniwalang tingin. "Tara na at umuwi."

Nauna na akong maglakad. Sumunod naman silang dalawa.

"Ka-schoolmate lang, pero kilala 'yung magulang?" parinig ni Ate Eileen. Hindi ko pinansin ang sinabi niya. Ito namang si Ella ay sinabayan ako ng lakad.

"Siya 'yung girlfriend mo na nagbigay ng sapatos?" 'di makapaniwalang tanong niya.

"Talaga?" gulat na reaksyon ni Ate Eileen. Ngayon ay pinagigitnaan na nila akong dalawa.

"Oo, Ate. Naaalala mo 'yung mga chocolates na binigay sa kaniya as birthday gift. May kasama 'yung sapatos."

"Hinaan mo naman boses mo Ella," sita ko. Ang hyper magkwento. May kasalanan pa nga siya do'n sa tao.

"Bakit hindi mo pinapakilala sa'min, Ezra?" kalmadong tanong ni Ate.

"Eh..." Wala akong maibigay na dahilan sa kaniya.

"Nahiya ka pa!" sabi ni Ate at tinapik ako nang mahina sa balikat. "Pero in fairness, ang bait ng Mama niya. Ang kalmado at pala-ngiti."

"Pero bakit parang 'di ka naman niya kilala? Hindi ka man lang binati."

Gusto kong sanang sabihin sa kanilang break na kami, pero hindi ko magawang sabihin.

"Paano ako mababati nang maayos, e natapunan mo ng ice cream? Saka hindi naman kami nag-usap na magkikita ngayon..."

Sa isang iglap, biglang kinabahan na naman ang itsura niya. "Nakakahiya sa girlfriend mo, Ezra."

"Psh. 'Wag ka mag-aalala, mabait 'yon. Hindi 'yon magagalit dahil lang natapunan mo siya ng ice cream."

Nagulat ako nang bigla niya akong pinalo sa braso. "Ayaw mo pang umamin na girlfriend mo, pero kung umasta, akala mo kilalang-kilala."

Hindi ko na binigyang pansin ang komento niya.

Pagdating sa bahay, tinext ko agad si Margarette.

💬
Kumusta ka? Sorry pala sa nangyari kanina.

Tulad ng iba kong mga text sa kaniya, wala rin siyang naging reply.

Pixie Girl 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon