first

34 3 0
                                    

Nakaupo ako ngayon sa tabi ni Margarette, pinapanood siya habang may ginagawang research paper kasabay ng pagre-review. Sobrang busy niya ngayon sa pag-aaral. Ang nakakapagtaka lang ay madalas siyang magpuyat, pero wala siyang eyebags. Minsan nga hindi ko alam kung tao pa ba siya. Ang dami niyang binabasa at sinusulat, pero hindi siya mukhang inaantok.

"Anong trip mo?" mataray niyang tanong nang bigla kong hawakan ang ilalim ng isang niyang mata.

Hindi siya naka-make up. Sa totoo lang, hindi talaga siya nagme-make-up. Never ko siya nakitang naka-lipstick o kaya ay may kulay ang pisngi. Mapula naman ang labi niya at hindi naman na niya kailangang magpaganda. Nakakamangha lang ang pagiging simple niya sa panahon ngayon. Kampante yata talagang 'di ako maghahanap ng iba.

"Wala may dumi lang," sabi ko.

"Bakit nakatingin ka sa'kin?" mas malumanay na ang boses niya ngayon.

Natutuwa ako sa kaniya kapag tatarayan niya ako, tapos maya-maya ay makokonsensya siya kaya bigla siyang babait. Pero mas madalas, naba-badtrip ako kapag ang seryoso niya. Hirap mapangiti.

"Magreview ka na para 'di sayang oras," sabi niya at ibinalik ang atensyon sa ginagawa.

"Oo na po, master!" sabi ko.

Ang totoo wala naman akong dapat review-hin. Gawa-gawa ko lang ang sinabi kong magre-review ako para payagan niya akong sumama sa pagre-review niya. Gusto niya kasing mapag-isa ngayon. Nadi-distract daw siya kapag kasama akong mag-aral.

Binuklat ko na ulit ang librong bitbit ko, tapos inihilig ang aking ulo sa lamesa para matitigan ulit ang mukha niya. Malapit na ang anniversary namin. Second anniversary na namin ito. Hindi ko alam kung ano ang ireregalo ko sa kaniya. Alam kong hindi niya na kailangan ng kung ano-anong mga pakulo, pero gusto kong maghanda.

Sinubukan ko namang mag-ipon ng pera, pero pipitsuging teddy bear lang ang mabibili ko at sa mumurahing kainan ko lang siya madadala.

Ayoko namang gumastos nang malaki dahil sa totoo lang, hindi lang siya ang pinaglalaanan ng ipon ko... kasama pati pamilya ko. Hindi rin naman gano'n kalaki ang naitatabi ko sa allowance na binibigay mula sa scholarship at sa pagsama ko kay Kuya Maki kapag namamasada siya.

Last year, hindi kami nagcelebrate. Hindi ko sure kung 'di lang ba niya alam dahil baka 'di niya hilig ang magcelebrate ng gano'n o sadyang kinalimutan niya. Ako? Sadyang kinalimutan ko dahil wala talaga akong alam kung paano siya sosorpresahin. Wala naman siyang sinabi tungkol dito, tuloy lang ang aming relasyon kaya hindi ko na binanggit.

Pero ngayon... gusto kong maalala niya. Mali—gusto kong malaman kung naaalala pa ba niyang may dapat kaming i-celebrate sa buwan na ito.

"Margarette, may gagawin ka ba sa susunod na Linggo?" Binigyan ko ng emphasis 'yung salitang Linggo para isipin niya talaga kung anong araw 'yon.

Tinignan niya muna ako bago kinuha ang cellphone at tumingin sa kalendaryo para tignan kung anong mga gagawin niya next week. Sobrang organize niya sa mga kailangang gawin kaya kapag inaaya ko siyang maggala, ipapakita niya muna sa akin ang kalendaryo niya at saka ako papipiliin ng araw na wala siyang gagawin.

"Wala naman. Bakit?"

"Ano—" Luminga-linga ako. Wala akong plano. Badtrip. "Kung wala kang gagawin, nood tayo sine," pa-cool kong sabi.

Sana maalala niya. Sana maalala niya. Sana maalala niya. Sana maalala niya.

"Ano 'to, celebration ng anniversary natin?"

Shit. Bakit alam niya?

"Bakit ayaw mo?" pagtataray ko. Hindi naman siya tunog nagtataray, trip ko lang ang magtaray.

Pixie Girl 2Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon