2| Chapter 19: The Black Book, The White Book

175 12 0
                                    

ILANG ulit akong nagpakawala ng malalalim na hininga habang nakaupo sa upuang kawayan. Ang lakas ng tibok ng puso ko habang hawak ang mga lumang libro. Kinakabahan ako sa mababasa ko pero nasasabik na rin akong makita ang nilalaman ng mga ito.

Una kong binasa ang itim na libro. Pagbuklat ko ng unang pahina, biglang naglitawan ang mga salita sa unang linya. Nagniningning ang kulay gintong mga letra na nakasulat sa kursiba sa itim na papel.

“Ang Kapangyarihan ng Dilim…”

Agad naglaho ang mga salita matapos kong basahin nang tahimik at naglitawan ang mga salita sa sumunod na linya.

Mangha kong pinagmasdan ang mahikang bumabalot sa libro. Hindi ko alam na maglalaho agad ang mga salita pagkatapos itong basahin. Marahan kong hinagod ang hintuturo sa unang linya at naghintay ng posibleng mangyari. Akala ko magpapakita ulit ang mga naglahong salita pero nanatiling blanko ang unang linya.

Isang beses lang bang maaaring basahin ang nilalaman ng librong ito? 

Tama nga si Perce, mabigat ang spell na nakabalot sa libro. Makuha man ng ibang tao ang mga lumang libro, siniguro ng Director na walang makakabasa nito. Wala nang White Magic User sa bayan na tatanggal ng spell, at kung meron man, isang beses lang maaaring basahin ang libro. Mautak talaga ang Director.

“…ay biyayang ipinagkaloob ng diyos ng Kadiliman," pagbasa ko sa sumunod na linya.

Kusang lumipat ang pahina nang maglaho ang mga letra. Unti-unting lumitaw sa blankong itim na papel ang isang larawan. Sa itaas ng guhit na bilog, may korteng mga tao na nagkakagulo, parang naglalaban-laban. Ipinagpatuloy ko ang pagbabasa nang lumitaw ang gintong mga letra.

“Sa pag-aasam ng higit na kapangyarihan, kinalaban ng diyos ng Kadiliman ang lahat ng diyos sa sanlibutan. Tumagal ng ilang siglo ang labanan hanggang sa natalo ang diyos ng Kadiliman. Ipinatapon ito sa mundo ng mga tao at ipiniit sa kailaliman ng lupa.

Lingid sa kaalaman ng mga diyos, nagpakawala ito ng kapangyarihan at binasbasan ang ilang tao bilang bagong mga tagapangalaga. May gumamit ng kapangyarihan ng Kadiliman sa kabutihan at mayroong gumamit sa kasamaan.

Sa paghahasik ng lagim ng mga bagong tagapangalaga ng kapangyarihan ng Kadiliman, ibinahagi ng mga diyos ang kanilang kapangyarihan sa mundo ng mga tao. Biniyayaan nila ng angking kahusayan, kalakasan at kapangyarihan ang piling mga tao. Sinugpo ng mga ito ang masasamang nilalang at ibinalik ang kapayapaan sa mundo ng mga tao.

Ngunit sa pagpapalaya ng natitirang masasamang nilalang sa diyos ng Kadiliman, ito ay nagbigay daan upang muling umusbong ang kaguluhan sa mundo ng mga mortal.

Bumuo ng pangkat ang diyos ng Kadiliman na kung tawagin ay La Oscuridad. Gamit ang kapangyarihan, gumawa ito ng kaharian, Guarida, na nakakubli sa kapangyarihan ng ibang diyos.

Ang La Oscuridad ay lipon ng mga taong ginagamit para sa pansariling interes ang abilidad. Nagkaroon ito ng maraming kasapi. Pinapalakas nito ang pwersa sa paghihikayat ng mga may abilidad na umanib sa pangkat kapalit ang karagdagang kapangyarihan. Sa bawat makapangyarihang nilalang na napapatay, nadaragdagan ang kapangyarihan ng Kadiliman.

She is the Light (BOOK 1-3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon