"BAKIT…?"
Hindi ko napigilan ang pagtulo ng luha ko. Ganito pala kasakit ang matraydor ng taong itinuring mo nang kaibigan. Alam kong nasaktan ko siya dahil sa pagsisinungaling ko pero hindi ko inaasahan na ito pala ang igaganti niya. Mas mabuti na rin siguro ang naging desisyon ko noon na huwag siyang pagkatiwalaan ng lubos dahil ito rin pala ang kahahantungan ng lahat.
"Bakit, Demi!?" sigaw ko sa kaniya. Rinig ko ang panginginig sa tinig ko kaya tumikhim ako. Pinipigilan ko rin ang mga hikbi na lumabas sa bibig ko habang nilalakasan ang loob sa maaaring aaminin niya sa akin.
"I'm sorry, E-ellis," sagot niya sa mahinang boses.
Bigla kong naalala ang mga kinuwento niya sa akin noong inililibot niya ako sa buong academy. Sabi niya, hiwalay na ang mga magulang niya noong sanggol pa lang siya. Ibig bang sabihin, siya ang tinutukoy ng Director na anak niya sa unang asawa nito?
Nakita ko ang pag-iwas niya ng tingin sa akin. Sa isang buwan na nakasama ko siya, ang pag-iwas niya ng tingin ay nangangahulugang may kasalanan siya at nakokonsensya siya. Sinasabi ng mga mata niya na hindi niya sinasadya ang ginawa niya at wala siyang ibang pagpipilian. Natatakot siyang tingnan ako dahil ayaw niyang makita kung paano ko siya husgahan ngayon.
Sa katunayan, si Demi ang pinakamadaling basahin sa lahat ng nakilala ko. Pero bakit hindi ko nabatid ang pagtatraydor niya sa akin? Tinuring niya ba talaga akong kaibigan? Sana sinubukan kong basahin ng mabuti ang isipan niya noon at hindi na inisip pa ang privacy-privacy na iyan. Pero mukhang malabo rin. Mind controller ang tatay niya, kaya marahil may kung anong tricks itong ginawa sa utak ng anak niya.
Napansin ko ang pagdako ng tingin niya sa bandang braso ko. Punit-punit ang bahaging iyon ng damit ko. Dahil iyon sa pagkasunog ng marka ko.
May alaala na sumagi ulit sa isip ko. Tama, nakita niya noong nakaraang araw ang marka ko. Ibig bang sabihin nu’n ay nagkunwari lang siyang walang alam kahit ang totoo ay alam na alam niya kung para saan ang markang iyon? Kung ganoon nga, siya rin ang nagsabi at kumumpirma ng impormasyon na iyon sa Director.
Napangiti ako nang mapakla. Mas lalong sumakit ang puso ko. Hindi kayang tanggapin ng puso ko na sa ganito nahantong ang akala ko'y pagkakaibigan namin.
Kinalma ko ang sarili ko at tiningnan siyang muli at ang kaniyang ama. Ngayon, malinaw na sa akin kung sino ang tinutukoy niyang isa pang anak, si Demi pala iyon.
"Ano ba ang kailangan ninyo sa akin?" mahinahon kong tanong. Mas pinili kong pakalmahin ang sarili ko habang kaharap sila. Sa totoo lang, hindi ko na alam ang dapat kong maramdaman dahil naghalo-halo na ang iba’t ibang emosyon sa loob ko.
"K-kailangan namin ang kapangyarihan mo, Ellis, para gumaling at magising na ang aking ina," mahinang sagot ni Demi habang nakayuko.
Nabigla ako. Iyon lang ba? Para roon lang?
"Iyon lang ba, Demi? Bakit hindi mo na lang sinabi sa akin agad!? Bakit ang dami pang nadamay para lang dito? Pati si Cheska dinamay mo! Anong klase kang kaibigan, ha!? Sana noong una pa lang ay sinabi mo na sa akin 'yon. Papayag naman ako, eh!" Hindi ko mapigilan ang mapasigaw dahil sa nalaman. Kung kanina, gusto kong kumalma, ngayon naman gustong-gusto kong sumabog. Baka epekto ito ng kapangyarihan ko. Hindi ko pa alam kung papaano ito kontrolin, nararamdaman kong nagwawala ito sa loob ko. Kaya rin marahil hindi ko kayang kontrolin pati sarili ko.
Hindi ako makapaniwala. Para lang gumaling ang kanyang ina, ang dami pa nilang dinamay? Pwede naman siyang makiusap sa akin, eh. Bakit kailangan pang umabot sa ganito?Nagkatinginan sila ng Director dahil sa sinabi ko. Ibinaling niyang muli ang tingin niya sa akin at nagsalita.
"Hindi ganu’n kadali iyon, Ellis," may bahid ng pag-aalalang sabi niya. "Ang kapalit nu’n ay ang kapangyarihan mo. Magiging normal ka na lang kapag ginamot mo ang Mama ko. Masyadong… masyadong malakas ang spell na bumabalot sa Mama ko dahil nakalaban niya noon ang isang salamangkera habang inililigtas ako sa bingit ng kamatayan. At ang spell na iyon ang unti-unting pumapatay sa kaniya," pagpapatuloy niya.
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasíaTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...