"UY, Ellis! Labas ka na riyan!"
Napasimangot na lang ako nang tawagin ulit ako ni Kael. Kanina pa niya binubulabog ang pintuan ng kwarto ko at kanina pa siya sigaw nang sigaw.
"Saglit lang!" ganting sigaw ko naman at mabilis na ipinusod ang mahaba kong buhok.
"Bilisan mo na! Hinihintay na ako ni Mama roon," aniya at nakailang ulit na kumatok.
Nang maayos ang mga gamit ko, nagtungo na ako sa pintuan ng kwarto. Binuksan ko iyon at bumungad sa 'kin ang nakabusangot na mukha ni Kael.
"Hay, buti naman at lumabas ka na rin sa lungga mo. Ang tagal mo, Ellis! Kanina pa dapat tayo nakaalis, eh," reklamo niya.
"Sorry na, Kael… Tinanghali kasi ako ng gising. Muntik ko na ring makalimutan na pupuntahan nga pala natin ang nanay mo ngayon," paliwanag ko at nauna nang lumabas ng bahay. Hinintay ko siyang makalabas bago sinarado ang pintuan.
Pasado alas diyes kagabi nang inihatid ako ni Tres sa bahay galing sa bayan. Dahil sa pagod sa pag-ensayo at paggala kagabi, napasarap ang tulog ko kaya tinanghali ako ng gising. Hindi ko na nga natulungan si Nanay sa paglilipat ng mga paninda kaninang umaga. Hindi rin kasi ako ginising ni Nanay kanina at hinayaan lang muna akong magpahinga.
"Oo na, oo na. Parati mo na lang kinakalimutan ang mga lakad natin," pangongonsensya niya. "Tara na, bilisan na natin nang makauwi tayo nang maaga. May ensayo ka pa mamayang hapon, 'di ba?"
Tumango na lang ako at mahinang humingi ng pasensiya. Hindi ko sinasadyang kaligtaan ang mga lakad namin ni Kael, pero dahil sa pagiging abala ko sa ensayo, nawawala iyon sa isip ko. Gusto ko sanang magpaliwanag sa kanya pero tumahimik na lang ako at sinabayan siya sa paglalakad.
Bitbit ang mga karne at gulay na pinabili ng mama niya, nagtungo kami sa sakayan ng tricycle at nagpahatid sa pinagtatrabahuang hotel ng kanyang ina bilang taga-luto. Pinamalengke niya pa ang mga ito sa kabilang bayan kahapon. Hindi na siya nagpasama pa sa akin kasi alam niyang may ensayo ako.
Nang makarating kami sa hotel, dumiretso kami sa kusina sa unang palapag kung saan nagluluto si Tita Cory. Ibinigay ni Kael ang mga pinamalengke niya sa kanyang ina.
"Ito na ba lahat, Kael?" aniya at inisa-isang inilabas ang laman ng basket.
"Opo, Ma. Tsaka ito po 'yong sukli n'yo." Inilapag ni Kael sa mesa ang ilang papel at baryang pera. Binilang iyon ni Tita Cory. May dinukot siyang pera sa bulsa niya at ibinigay iyon pati ang sukling binilang niya kay Kael.
"Ito, 'Nak, allowance mo. Bili na rin kayo ng pagkain ni Ellis bago kayo umuwi sa baryo. 'Wag magpapasaway kay Tiya mo, ha? Sige na at ako'y magluluto pa."
Tinanggap naman ni Kael ang pera. "Okay, Ma. Salamat po," sabi niya. "Una na po kami."
"Alis na po kami, Tita," paalam ko bago sinundan si Kael na palabas na ng kusina.
"Sige, mga anak. Mag-iingat kayo!"
Nakasunod lang ako kay Kael hanggang sa makalabas kami ng hotel. Huminto siya sa tabi ng kalsada at bumuntong-hininga. Hindi ko maiwasang makaramdam ng awa para sa kanya dahil sa nangyari sa pamilya niya. Hiwalay na ang mga magulang niya, at kahit hindi niya sabihin, ramdam kong nahihirapan pa rin siyang tanggapin na hindi na buo ang pamilya niya.
Tinapik-tapik ko ang balikat niya at malapad siyang nginitian. "Magda-drama na lang ba tayo rito, Kael? O susulitin natin ang dalawang oras bago umuwi sa baryo at harapin ulit ang mga buhay na sandali nating tinakasan?"
Kinunutan niya ako ng noo na parang naguguluhan sa sinabi ko pero agad din siyang napangisi at kinurot ang mga pisngi ko. Mabilis ko namang tinampal ang mga kamay niyang pinanggigigilan ang magkabilang pisngi ko. Masakit, eh!
"Syempre, magsasaya tayo! Saan mo gustong kumain? Libre ko," aniya.
"Hmm, gusto kong kumain ng espesyal na mami sa pamilihan ng Barrio 8. Doon lang 'yon sa kabilang kanto. Ano, tara?" aya ko.
"Sige!” sang-ayon niya. “Unahan tayo papunta roon, Ellis?"
Hindi ko siya sinagot at nauna nang tumakbo papalayo.
"Hoy, ang daya mo talaga, Ellis! Hintayin mo ‘ko!"
Nakita kong hinabol niya ako kaya tinawanan ko lang siya habang patuloy akong tumatakbo. Hanggang sa naabutan niya ako at nauwi kaming dalawa sa tawanan.
Mas okay na 'to, kasi kahit papaano gumaan-gaan ang pakiramdam ni Kael, kahit pa nakakapagod tumakbo.
PAUWI kami ng baryo nang may maramdaman akong mga nakakakilabot na presensya. Napahinto ako sa paglalakad at sandaling pinakiramdaman ang paligid.
Ang dami nila, ang bibilis nilang kumilos!
Sinundan ko ng tingin ang mga presensyang nararamdaman ko at nakitang palundag-lundag sila sa mga bubong ng mga kabahayan sa amin patungo sa kakahuyan. Parang kasing-gaan ng balahibo ng ibon ang bawat pagtapak nila sa bubong, hindi man lang gumagawa ng kalabog. Mukhang may hinahabol sila.
"Ellis, ayos ka lang? Ba't tulala ka riyan?"
Napaharap ako kay Kael nang bigla siyang nagsalita. Nakakunot ang noo niya, naguguluhan akong tinitigan.
"Kael, pwede mo bang puntahan ngayon si Nanay sa pamilihan? Siguraduhin mo lang na maayos siya, susunod ako sa 'yo roon maya-maya."
Hindi ko na siya hinintay pa na sumagot at mabilis akong nag-teleport patungo sa kakahuyan. Kaagad akong nagtago sa isang puno roon nang makita ko sa may kalayuan ang isang grupo ng mga lalaking nakasuot ng itim na kasuotan. Hindi ako pwedeng magkamali, sa itsura at presensya pa lang nila, tiyak mga alagad sila ng Director. Mga La Oscuridad!
Anong ginagawa nila sa baryo namin? Bakit sila nandito?
Sinubukan kong i-adjust ang pandinig ko para marinig ko ang mga pinag-uusapan nila.
"Nasaan na siya?!"
"Hindi ko na maramdaman ang presensya niya. Marahil nakatakas na ang traydor na iyon."
"Ano?! Mga inutil! Hanapin n'yo siya kung ayaw n'yong patayin kayong lahat ng panginoon!"
"Masusunod!"
Sa isang kisapmata, bigla na lang nawala sa paningin ko ang mga nilalang na iyon at naramdaman kong papalayo na sa kakahuyan ang nakakakilabot nilang mga presensya. May naramdaman akong isang panibagong presensya kaya lumabas ako sa pinagtataguan ko at hinarap siya.
"Perce," tawag pansin ko sa lalaking nakapamulsang nakasandal sa katabing puno na pinagtaguan ko. "Bakit sila nandito? Sinong traydor ang hinahanap nila?"
Umangat ang tingin niya sa 'kin at nginisihan ako. "Gusto mong malaman?"
Kinilabutan ako sa klase ng mga tingin niya kaya napaatras ako. Nakikita ko ang panganib sa mga mata niya, parang kating-kati siyang makipaglaban at pumatay ng tao ngayon. Bigla akong kinabahan. Ngayon ko na lang ulit siya nakitang ganito matapos noong sinisi niya ang sarili niya dahil hindi niya ako nailigtas noong nasa academy pa kami, noong First Leveling.
Napalunok ako at mabilis na nag-iwas ng tingin. "Ayokong malaman. K-kumalma ka muna, Perce. Tinatakot mo ako."
Narinig ko siyang tumawa nang mahina bago siya lumapit sa 'kin.
"Ellis, kung sakaling makita mo kung gaano ako kahalimaw, pakiusap, 'wag kang matatakot sa 'kin. Tandaan mong ako ang guardian mo at hindi kita sasaktan. Maliwanag ba 'yon, Ellis?"
Matagal ko siyang tinitigan bago ako tumango. Alam ko namang hindi niya ako sasaktan o ipapahamak, pero hindi ko lang talaga kayang iwasang makaramdam ng takot sa kanya lalo na tuwing ganito ang aura niya.
"Mabuti naman kung ganoon.” Nag-inat-inat siya ng katawan. “Mag-ensayo na tayo. You have to take this seriously, Ellis. I won't be easy on you this time. Handa ka na ba?" saad niya sa malalim na boses.
Napalunok na lang ulit ako at pilit tinapangan ang loob ko. "Oo, handa na."
Mukhang ang dami ko na namang magiging sugat ngayon, ah.
Wala na nga akong kawala.
•••
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasíaTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...