1| Chapter 23: The Protector

1.4K 46 0
                                    

TULALANG nakatitig ako sa kisame nang maalimpungatan mula sa pagkakaidlip. Sariwa pa sa alaala ko ang mga nangyari kanina. Akala ko makakalimutan ko ang lahat sa pagtulog ko pero hindi pala.

Napapaisip ako habang binabalikan ko ang mga nangyari kanina. Kung ang palasong dapat tatama sa akin ay nasalo ni Tres sa bandang braso, malamang sa bandang balikat ko iyon tatama kung sakaling hindi niya ako itinulak. At ang katotohanang walang halong lason ang palaso nang sinuri ito ng ilang healer na maalam sa mga lason ay nagbigay sa akin ng ideya na hindi nila ako balak patayin.

Ngunit bakit?

Kasi kung may balak silang patayin ako, dapat direkta nilang pinana ang bandang puso ko at hinaluan ng nakamamatay na lason ang palasong iyon.

Ginulo ko ang buhok ko nang bumubuo na naman ng panibagong mga katanungan ang isipan ko. Nakakapagod na rin ang masyadong pag-iisip ng mga bagay-bagay. Pasalamat nga ako kasi buhay pa ako hanggang ngayon.

Bumangon ako at malalim na bumuntong hininga. Hindi dapat ako magpaapekto sa mga nangyayari. Kung kilala man nila ako o hindi, o kung may balak man silang patayin ako o wala, hindi dapat ako papayag na makuha nila.

Kailangan kong lakasan ang loob ko at maging matapang. Kailangan kong magtiwala sa kakayahan ko para hindi na maulit pa ang nangyari kanina. Kailangan ko ring pagkatiwalaan si Perce dahil alam kong siya lang ang makakatulong sa akin.

Nagpalit ako ng damit na pang-ensayo at tinalian ang buhok ko. May kalahating oras pa bago bumalik sina Demi rito sa dorm kaya may oras pa ako para mag-ensayo.

Ipinikit ko ang mata ko at sinubukang kausapin siya sa isip ko. Tinanong ko siya kung nasaan siya at sumagot siya na nasa kakahuyan siya, doon mismo sa pinangyarihan ng insidente kanina.

Nag-teleport ako papunta sa kakahuyan. Dati ang kakahuyan ang nagpapaalala sa akin na kahit papaano ay normal ako. Saksi ito sa lahat ng sakit at saya na naramdaman ko. Para ko na itong tahanan. Pero ngayon, nabahiran na ito ng takot at kaba. Kada nakikita ko ang kakahuyan, hindi ko maiwasang maalala ang nangyaring patayan dito. Pilitin ko mang kalimutan ang mga nasaksihan ko ay hindi ko magawa.

Nakita ko siyang nakaupo sa ugat ng isang malaking kahoy. Nakapikit ang mga mata niya at ang inosente ng mukha niya habang natutulog. Lumapit pa ako ng ilang hakbang habang nakatitig lang ako sa kaniya.

Naalala ko noon, takot na takot ako kapag natatanaw ko siya sa malayo na parang nagmamasid sa akin. Ang talim kasi ng mga tingin niya, pakiramdam ko galit siya sa akin at parang pinapatay niya ako sa isip niya. Nakakatakot din ang presensya niya, nakakakilabot. Tinanong ko siya dati kung bakit nararamdaman ko pa rin ang presensya niya kasi minsan ko nang nakitang may suot din siyang kwintas na katulad ng ibinigay niya sa akin na tinatago niya rin sa loob ng damit niya. Ang sagot niya lang sa akin ay dahil guardian ko siya.

Dahil guardian ko siya... Iyon din ang dahilan kung bakit pinagkakatiwalaan ko siya.

"I can hear your thoughts, Ellis," wika niya habang nakapikit pa rin ang mga mata.

Mahina akong tumawa. Hindi na ako nabigla dahil ramdam ko kanina na hindi talaga siya natutulog. "Sinadya ko 'yon para dumilat ka," sagot ko at hinila siya patayo.

Tumayo naman siya kaya ngayon ay magkaharapan na kami. Mas matangkad siya sa akin kaya napatingala ako nang kaunti.

"Kailangan ko ng tulong mo, Perce. Gusto ko nang palabasin ang kapangyarihan ko."

Tahimik niya lang akong tinitingnan. Umiling siya na tila hindi nagustuhan ang sinabi ko.

"Bakit, Perce? Hindi ba't Magic User ka? Edi, ibig sabihin, kaya mong tanggalin ang spell na bumabalot sa katawan ko gamit ang spell na pangontra nito, 'di ba?" puno nang pag-asa kong tanong.

She is the Light (BOOK 1-3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon