2| Chapter 27: Enemy's Lair

144 8 0
                                    

SA isang hakbang, ang kaninang nakakasilaw na liwanag ay napalitan ng iba’t ibang kulay. Malaki ang silid. Gawa sa batong may iba’t ibang hugis at kulay ang bawat pader, at naglalakihan at nagtataasan ang shelves na nakadikit sa dalawang magkatapat na pader. Walang bintana ngunit may lilang kurtina sa bawat kanto. Wala ring mga mesa at upuan ngunit may berdeng karpet sa gitna ng puti’t makintab na sahig. Naiilawan naman ng engrandeng chandelier ang buong silid.

Matapos mamangha sa ganda ng silid, sunod kong hinanap ang pintuan. Pero wala akong nakita. Mula sa malayo, natagpuan ko si Perce na nasa harapan ng batong pader habang nakadikit doon ang tainga niya. Magsasalita na sana ako nang maalala ang bilin niya kanina na sa isip lang kami maaaring mag-usap.

‘Perce, bakit walang pintuan dito?’ nagtatakang tanong ko sa isipan niya. Nilapitan ko siya at ginaya ang ginagawa niya. Pero wala akong naririnig na ingay o kaluskos sa kabilang banda. Wala rin akong nararamdamang ibang presensya.

‘Nakikita mo ang maliit na batong ito?’ Sinundan ko ng tingin ang nakataas niyang kanang kamay na tinuturo ang maliit na batong nasa ibabaw ng ulo niya. ‘Kapag pinindot ko ito, kusang bubukas ang tagong pintuan ng silid na ito.’

‘Ano pang hinihintay natin? Wala namang tao sa labas.’

‘Meron,’ salungat niya.

Muli kong idinikit ang tainga sa pader at maiging pinakinggan ang nasa labas. Wala pa rin akong naririnig na kahit ano, kahit paghinga ng isang tao.

‘Wala naman, Perc-’ Bigla siyang humarap sa akin at masama akong tinitigan kaya napatahimik ako. Ibinaling ko na lang ang tingin sa nakasalansang na mga libro sa shelves.

Ang daming libro! Nakapangkat ang mga ito base sa kulay ng pabalat. May ilang may nakasulat na titulo sa spine ng libro, may iba ring wala. Ngunit ang mas nakaagaw ng pansin ko ay ang kulay kahel na libro na nasa pinakaitaas ng shelf. Kumikinang ang libro, lalong-lalo na ang titulong nasa spine nito.

La Profecia.

Pamilyar sa akin ang pamagat nito. Saglit akong napaisip kung saan ko ito narinig pero wala akong maalala.

‘May dalawang kawal na nagbabantay sa pasilyong patungo sa silid na ito. Alas-syete magpapalit ng bantay. Sa tansiya ko, tatlong minutong mababakante ang bawat pasilyo bago makaakyat ang papalit na kawal. Kailangan nating makalabas at makababa patungong First Level. May alam akong lihim na daan pababa. Doon tayo tutungo pagkalabas dito.’

Gulat kong binalingan si Perce. Ang dami niyang alam sa lugar na ito.

‘First Level? Nasaang level ba tayo ngayon?’

‘Fifth Level. Hanggang walong level ang Guarida.’ Hinarap niya ako. ‘Nasabi ko na bang nasa ilalim ng lupa ang kahariang ito?’

Napataas ang mga kilay ko at napaawang ang mga labi dahil sa sinabi niya. “Ang Underworld…” nabulalas ko. Kaya ba sinabi sa itim na libro na nakakubli sa kapangyarihan ng ibang diyos ang Guarida dahil nasa teritoryo ito ng diyos ng Kadiliman?

‘Sorry.’ Agad kong natutop ang bibig ko nang mapagtanto ang ginawa ko. ‘Kung dito tayo pumasok, saan tayo makakalabas ng Guarida? Babalik ba tayo rito mamaya?’

‘Hindi. Gagamitin natin ang tagong lagusan patungong Void Dimension. Nasa Second Level ito, sa dulong pader ng panghuling kwarto. Walang nagbabantay sa pasilyong iyon kaya ligtas tayong makakalabas dito. Kung magagamit ko lang sana ang portal ko rito…’

Hindi ko naintindihan ang huling sinabi niya pero hindi na ako nangusisa.

Bumaba ang tingin niya sa relong pambisig. ‘Limang minuto mula ngayon, lalabas na tayo,’ sabi niya, ‘kaya ihanda mo na ang sarili mo.’

She is the Light (BOOK 1-3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon