1| Chapter 27: The Chasing

1.2K 42 2
                                    

KAHIT madilim ang paligid, naaaninag pa rin namin ang aming nilalakaran. May pag-iingat kaming naglakad sa kakahuyan. Hindi ko alam kung malapit na ba kami o malayo pa sa dulo dahil kanina pa kami naglalakad. Hindi ko rin alam kung nasaang bahagi na kami.

Ilang minuto na ang lumipas ngunit wala pa kaming nasasagupa na mga bagong kalaban. Tahimik lang rin ang mga kasama ko habang naglalakad.

Ngunit ang katahimikang iyon ay naging magulo nang may biglang sumulpot na lalaki sa gilid ko. Napasigaw ako dahil sa pagkabigla. Nakuha nu'n ang atensyon ng mga kasama ko at wala pang isang segundo ay naging abo na ang lalaki. Kaagad siyang tinapunan ni Tres ng patalim sa bandang puso.

Kinalma ko ang sarili ko. Dapat maging alerto ako. Hindi dapat ang takot at kaba ang pairalin ko.

"Bakit hindi ko naramdaman ang presensya niya?" wala sa sariling nasambit ko. Tinitigan nila akong dalawa kaya napatakip ako sa bibig ko. Nasabi ko ba nang malakas? Dapat sa isip ko lang iyon, eh.

"Maging alerto kayo. Marami-rami ang susugod sa atin," babala ni Perce.

Nagtataka man dahil wala akong maramdaman na ibang presensya ay inihanda ko na rin ang sarili ko. Hindi ko alam kung ano ang nangyayari sa akin pero wala akong maramdaman.

"One of them has the ability to hide their presence. They are wiser than we thought," wika ni Tres.

Tumango na lang ako biglang tugon. Kaya naman pala. At tama siya, hindi sila basta-basta.

Ilang minuto pa ang lumipas nang may nagsulputang mga lalaki sa paligid. Ang dami nila. Pinapalibutan na nila kami.

Hindi ba sila nauubos? Gaano ba sila karami?

Mahigpit kong hinawakan ang espada at pinasadahan ng tingin ang mga ito. Naaninag ko ang ngisi sa kanilang mga labi dahil hindi natatakpan ng itim na panyo ang mukha nila. Kahit hindi ko makita nang malinaw ang mga mata nila, ramdam ko ang matatalim nilang mga titig.

Napalunok ako. Parang ang mga tingin nila ay nagsasabi na hindi na nila kami bubuhayin at maya-maya lang ay malalamig na bangkay na kami.

Napahakbang ako paatras dahil doon. Nabangga ko si Perce kaya napalingon siya sa akin at mataman akong tinitigan. Nag-iwas kaagad ako ng tingin dahil baka mabasa niya ang takot at kaba ko sa mga mata ko. Pero huli na dahil pinuna niya ito.

"'Wag kang matakot, Ellis. Basta 'wag ka lang lalayo sa akin," mahina ngunit seryoso niyang sabi.

Nakahinga ako nang maluwag. Kahit papaano ay napanatag ako.

Nagsimula na ang laban. Sumugod sa amin ang mga lalaki. Panay ang ilag ko at pagwasiwas ng espadang hawak ko. Hindi ako lumayo kay Perce tulad ng sabi niya. Nagtulungan kami para patumbahin ang mga sumusugod sa amin. Samantala, si Tres naman ay mag-isang nilalabanan ang mga sumusugod sa pwesto niya.

Halos maubos na ang mga kalaban at marami na rin ang mga sugat na natamo namin. Hindi naman ito malalalim, daplis lang ang mga ito. Ramdam na rin namin ang pagod dahil sa dami ng mga kalaban namin.

Makakahinga na sana ako nang maluwag nang naging abo ang huling dalawang kalaban. Ngunit segundo lang ang pagitan, napalibutan na naman kami ng mga kalaban. Mas marami na ang bilang nila ngayon.

Kelan ba sila mauubos? Dala ng inis at pagod, napasigaw na lang ako sa isip ko.

Nagsimula na silang sumugod kaya wala kaming nagawa kundi ang ihanda ang aming mga sarili para sa laban. Bakas sa mga mukha namin ang pagod, hingal at asar dahil parang hindi sila maubus-ubos. Kahit naman malalakas ang mga kasama ko ay napapagod din naman sila lalo pa't kanina pa kami nakikipaglaban.

She is the Light (BOOK 1-3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon