HUWEBES ng umaga, maaga kaming pumasok sa paaralan ni Kael. Bitbit niya ang proyekto naming miniature ng Statue of Liberty. Gawa ito sa sabon, inukit-ukit hanggang sa kumorte na tulad ng estatwa.
Ito ang napili naming ipasa sa Arts. Natapos ito sa loob lang ng tatlong araw sa tulong ng malikhaing kamay ni Kael. Sa susunod na Biyernes pa ang pasahan pero minadali niya itong ipasa. Mas mataas kasi ang puntos ng unang magpapasa.
Proyekto namin ito bago ang sembreak. Sabi niya, makatutulong ang puntos na iyon upang hilain pataas ang grado ko, lalo na at nahuli ako ng pagpasok sa school year na ito.
“Salamat, Kael,” sabi ko matapos mai-check ng guard ang school ID ko.
“Para saan naman, Ellis?”
“Para sa pagiging mabuting kaibigan, Kael.” Nginitian ko siya.
“Hindi mo kailangang magpasalamat, Ellis. Tungkulin ko iyon.” Ginulo niya ang buhok ko bago naunang maglakad.
Hinabol ko naman siya agad. “Anong tungkulin ang sinasabi mo, Kael?” naguguluhan kong tanong. Paatras akong naglakad upang makita ang ekspresyon ng mukha niya.
Saglit siyang natahimik at naging malikot ang mga mata. Mas naguluhan ako sa inakto niya. Nagduda.
Gusto ko sanang basahin ang isipan niya pero pinigilan ko ang sarili. Ayos lang na gawin ko iyon sa ibang tao pero pagdating kina Nanay at Kael, pakiramdam ko nakagagawa ako ng napakabigat na kasalanan. Ang dating sa ‘kin, parang wala akong tiwala sa kanila. Isipin ko pa lang na babasahin ko ang isipan nila, nakokonsensya na ako. Kaya kapag pakiramdam ko may inililihim sila sa ‘kin, hinihintay ko na lang ang araw na handa na silang sabihin sa ‘kin ang tungkol doon.
“Ikaw talaga, Ellis! Masyadong big deal sa iyo ang lahat,” kalauna’y sagot ni Kael saka malakas na tumawa. “Umayos ka nga sa paglalakad, baka madapa ka pa riyan.”
Napalabi na lang ako at umayos na sa paglalakad. Hindi na rin ako nangusisa. Pero siguro nga, masyado lang akong nag-iisip ng kahulugan sa lahat ng bagay na hindi ko maintindihan.
Nang makarating kami sa silid aralan, dumeretso kami sa hulihang linya ng upuan malapit sa bintana. Magkatabi kami ni Kael. Paglipat ko rito, wala nang ibang bakanteng upuan kundi sa tabi niya. Maliit lamang ang bilang ng mga estudyante rito sa paaralan namin kaya tig-iisang seksyon lang ang bawat baitang.
Ipina-enrol akong muli ni Nanay sa dati kong paaralan dito sa baryo makalipas ang isang linggong pagbabalik ko. At makalipas ang isa pang linggo, nakabalik na ako sa pag-aaral rito. Lahat ng iyon ay dahil sa tulong ni Mr. Colfer. Siya ang nag-process ng paglilipat ko.
Sa totoo lang, hindi naging madali para sa akin ang muling pag-aaral sa paaralan ng mga ordinaryo. Hindi lang iyon dahil paminsan-minsang lumalabas ang kapangyarihan ko at kailangan ko iyong itago mula sa ibang tao, kundi dahil hindi ko alam kung paano ko pakikisamahan ang dating kamag-aral ko.
Kahit pa sabihing tanggap ang mga tulad kong may abilidad sa lipunan, hindi nakaligtas sa pandinig at paningin ko ang panghuhusga at pangamba ng ibang estudyante. Palagi silang umiilag sa akin na parang may nakakahawa akong sakit. Kapag kinakausap ko sila, kung hindi nakayuko, magsisi-alisan kaagad. Mas mabuti pa ngang wala silang pakialam sa akin tulad ng pagtrato nila noong mga nakaraang taon. Kesa ngayon, dumapo lang ang paningin ko sa kanila, takot na takot na sila.
Hindi na ako nagtaka kung paano nalaman ng ibang estudyante ang tungkol sa pag-aaral ko sa Gilmoré Academy. Dahil na rin sa mga nagagawing mamahaling sasakyan sa bahay at pagkawala ko ng higit isang buwan, tiyak ang namuong konklusyon sa isipan ng mga taga-Barrio 7 ay mayroon akong abilidad at sinundo ako upang ilagay sa nararapat kong paglagyan. Sabi pa ni Kael, ang testimoniya ng isang guro sa paaralan namin ang nagpatunay sa mga haka-haka nila ukol sa pag-alis ko sa baryo.
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasyTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...