1| Chapter 3: The Beginning

3.1K 90 1
                                    

ITO na ang simula.

Gaya nga ng sinabi ni Kael, may dahilan ang lahat. May dahilan kung bakit isa ako sa napili. Kung bakit ako may abilidad. Kung bakit hindi ako normal katulad niya.

Nabuhay ako sa paniniwalang normal ako. Isang ordinaryong tao. Pero nagbago ang lahat noong naging anim na taong gulang ako. Noong mga panahong iyon, takot na takot ako. Hindi ko alam ang nangyayari sa sarili ko. Para akong sinasaniban ng kung anong ispirito at hindi ko makontrol ang sarili ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko dahil natatakot ako na baka makasakit ako ng kapwa o baka mapahamak ang mga magulang ko nang dahil sa akin.

Pero hindi ako sinukuan ng aking ina at ama noon, pati si Kael. Pinalakas nila ang loob ko at tinulungan nila akong labanan ang takot ko. Sila ang nagsilbing gabay para unti-unting mawala ang takot sa akin. Kahit nahihirapan at nasasaktan na sila sa tuwing hindi ko makontrol ang sarili ko, naroon pa rin sila. Hindi sila sumuko. Hindi nila ako sinukuan.

Palagi nilang sinasabi sa akin na biyaya ito.

Pero palagi ko ring tinatanong ang sarili ko, "Bakit ako?"

Ang nais ko lang naman ay normal na buhay. Normal na buhay kasama sila.

Pero ang lahat ay may dahilan. At umaasa akong ang dahilang ito ay malalaman ko sa paaralang ito. Ang paaralan kung saan nararapat ang mga tulad ko.

"Miss Henson, nandito na po tayo."

Nabaling ang tingin ko sa lalaking nagmaneho ng sasakyan at tumango ako sa kanya. Nandito na nga kami. Nagpasalamat ako sa kanya nang makababa na ako ng sasakyan at tahimik kong pinagmasdan ang pag-alis nito.

"Hingang malalim, Ellis. Kaya mo 'to," bulong ko sa sarili ko at huminga nang malalim.

Tama, kaya ko 'to!

Muli kong hinarap ang nagtataasang mga bakal na bakod ng paaralang ni sa hinagap ay hindi ko ninais na mapuntahan at mapasukan. Ngunit nandito na ako sa harapan nito, dito ako dinala ng tadhana ko. At dito sa paaralang ito magpapatuloy ang buhay ko.

Saglit kong inilibot ang paningin ko sa paligid. Malawak ang espasyo sa labas ng paaralan. Maraming sasakyang nakaparada sa gitna ng sementadong lugar na ito na napaliligiran pa ng nagtataasang poste ng mga ilaw na may mararanyang disenyo. Sa kinatatayuan ko, tanaw na tanaw ko ang naglalakihang mga puno na mayayabong ang mga dahon na animo'y alagang-alaga ng patubig na nasa magkabilang gilid ng daan patungo sa paaralan. Hindi ko iyon napansin kanina habang nasa loob ako ng sasakyan.

Ngunit sa kabila ng pagkamangha sa nakitang kagandahan ng paligid, hindi ko napigilang mapangiwi. Ang yaman-yaman nga ng paaralang ito na kahit sa labas pa lang ay ipinapamalas na nito ang angking yaman nito. Mas lalo lang akong napangiwi nang maalala ko ang estado ng aming baryo. Ni hindi man lang nila mapasemento ang kalsada namin doon ngunit dito, sobra-sobra ang ipinagkakaloob nila.

Napailing na lang ako. Hindi ko na dapat iniisip pa ang mga bagay na iyon. Ang mas dapat kong isipin ay ang kalagayan ko ngayon at ang magiging buhay ko pagpasok sa nagtataasang bakod sa harapan ko.

Binalingan ko ang ibang kabataang katulad kong may dala-dalang mga bagahe. Sila ang mga kasabayan kong bumaba sa kanya-kanyang sasakyang naghatid sa amin dito kani-kanina lang. At katulad ko, mukhang mga baguhan din sila. Hindi lumagpas sa paningin at pandinig ko ang reaksyon nila: buntong-hininga, sorpresa, pagkunot ng kilay, ngiti at saya. May mga nag-uusap-usap na nga at nagpapakilala. Sa unang tingin, parang normal na mga kabataan lang sila na papasok sa bagong paaralan. Walang ipinapakitang kakaiba sa panlabas na kaanyuan ngunit kakaiba ang mga presensya− katulad ko.

Hindi nagtagal ay umingit pabukas ang malaking gate. Nagsipasok na sila sa loob ng paaralan kaya sumunod ako sa kanila. Kailangan ko na ring pumasok sa loob. Kailangan.

She is the Light (BOOK 1-3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon