NAALIMPUNGATAN ako at isang madilim na paligid ang bumati sa ‘kin. Sa sobrang dilim, wala akong maaninag na kahit ano. Walang ni katiting na ilaw sa paligid. Pero ramdam kong nakahiga pa rin ako sa kama kaya marahil ay nasa clinic pa rin ako. Pero bakit kaya walang ilaw?
Bumangon ako sa pagkakahiga at maingat na naglakad-lakad. Wala akong makita at wala rin akong mahawakang bagay nang kumapa-kapa ako. Parang naging blanko ang lugar at ako lang ang nandito. Sinubukan kong bumalik sa kamang hinigaan ko pero ‘di ko na ito mahanap. Mabilis akong nilukuban ng kaba nang iba’t ibang masasamang eksena na ang nagsilaruan sa isipan ko.
"Tao po? May tao po ba rito?"
Walang sumagot sa akin pero may naririnig akong mga yapak.
"Miss Shin? Ikaw po ba ‘yan? Ano po ba ang nangyayari? Bakit ang dilim?"
Walang sumagot sa ‘kin pero naririnig ko pa rin ang mga yapak ng mga paang papunta sa ‘kin. Bigla akong napayakap sa sarili ko nang umihip ang malamig na hangin. Nasaan ba ako? Kinilabutan ako bigla at hinigpitan ko pa lalo ang pagyakap sa sarili ko nang dumoble ang lamig ng hanging humampas sa ‘kin.
Biglang nawala ang tunog ng mga yapak na iyon at nabalot ng katahimikan ang lugar. Tahimik at madilim, parang nakapunta na ako rito. Parang pamilyar sa akin ang lugar na ito.
"Ellis."
Napaatras ako nang marinig ko ang malalim at malamig na boses na iyon.
S-sino iyon? Ano bang nangyayari? Nasaan ba ako?
"Void Dimension," turan niya matapos ang ilang minutong katahimikan.
"Void Dimension?" Napatahimik ako bigla. Ibig bang sabihin siya si…
Tumawa siya, malalim at nakakakilabot.
Siya nga iyon!
“Naalala mo pa pala ako, Ellis? Oo nga naman, bakit hindi? Dito mo nga itinapon ang mga bolang iyon, eh, 'di ba?” aniya at malakas na tumawa. Kinilabutan ako sa tunog ng tawa niya kaya napaatras ulit ako.
Bakit ako nandito? Panaginip pa rin ba 'to?
“P-pasensya na. Hindi ko kasi alam na rito mapupunta ang mga bolang ‘yon. Nakalimutan ko ang tungkol sa lugar na ito,” kinakabahan kong paliwanag.
"Iyan din ang sinabi mo noon. Hindi ka pa rin nagbabago, Ellis," natatawa niyang komento. Kumpara kanina, hindi na masyadong malalim ang boses niya. Pero kahit ganoon ay nakakakilabot pa rin ito.
Naiyuko ko na lang ang ulo ko dahil sa hiya at pangamba. Pinilit ko ring panatilihing blanko ang mukha ko kahit alam ko namang hindi niya ako nakikita dahil walang ilaw rito.
Nag-unahan sa isipan ko ang mga alaala ng nangyari noon. Walong taong gulang lamang ako no’n nang malaman kong kaya ko palang palahuin ang mga bagay. Aksidente lang ang nangyari kasi nataranta ako nang mahulog ang basong hawak ko. Imbes na mahulog ito at mabasag sa sahig ay bigla na lang itong naglaho na parang bula.
Hindi ko alam kung paano nangyari iyon. Nataranta kasi ako dahil iniisip ko na baka pagalitan ako ni Nanay 'pag nabasag ko 'yon, at napaupo na lang ako sa sahig nang bigla itong naglaho. Nang mahimasmasan ako ay pumunta ako kay Nanay at sinabi ko ang nangyari. Pati siya ay nabigla. Pati siya ay hindi alam ang nangyayari. Ang sinabi niya lang ay mag-ingat ako.
Kinagabihan noon ay maaga akong natulog. Tapos naalimpungatan ako; dilim at katahimikan ang bumati sa akin. Sinubukan kong maglakad sa paligid at tinawag sina Nanay at Tatay. Kaso walang sumagot sa akin. Nagsimula na akong makaramdam ng takot at kaba. Hindi ko kasi alam kung anong nangyayari at kung nasaan ako. Pero hindi naglaon ay may nagsalita. Isang lalaking may malamig at malalim na boses.
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasyTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...