NAGING mabagal ang pagtakbo ng oras habang nakasakay ako sa tren. Ang dalawang oras na biyahe, pakiramdam ko ay dumoble. Parang napakatagal ng pagtakbo ng oras lalo na ngayong nagmamadali ako.
Nang malapit nang huminto ang tren sa istasyon ng Gilmoré Brindaley, nag-teleport na ako patungo sa loob ng bahay namin. Iniwan ko ang bag sa kwarto at binuksan ang pintuan ng bahay. Sumilip muna ako sa maliit na siwang ng pintuan at inilibot ang paningin sa paligid. Wala akong nakikitang mga taong naglalakad sa daan pero nakabukas ang bintana at pintuan ng mga kapitbahay namin. Mataas na ang sikat ng araw kaya marahil nanananghalian sila ngayon. Pinakiramdaman ko rin ang paligid at nakahinga nang maluwag nang wala akong maramdamang kakaibang presensya sa baryo.
Paglabas ko ng bahay, dumeretso ako sa bahay nina Tiya Melda upang hanapin si Kael. Pero nakasirado ang buong bahay. Ilang ulit akong kumatok sa pintuan at tinawag si Kael pero walang sumasagot sa akin. Wala rin akong maramdamang presensya na nanggagaling sa loob ng bahay kaya kinakabahang tumakbo ako pabalik ng bahay namin.
Bakit walang tao sa kanila? May nangyari nga kaya kay Kael?
Napalunok ako at kinalma muna ang sarili bago nag-teleport patungo sa abandonadong bahay nina Kael. At ganoon na lang ang gulat ko nang makita ang loob ng bahay.
Natutop ko ang bibig nang madatnan ang magulong sala. Nakatumba ang mga upuan at mesa, nabasag ang lampara at mga paintings na dating nakasabit na dingding. Marumi ang sahig, maraming mga bakas ng maputik na sapatos.
Dali-dali kong sinundan ang mga bakas na patungo sa ikalawang palapag. Hanggang sa dalhin ako nito sa dating kwarto ni Kael. Nagulantang ako nang makitang mas magulo ang kwarto niya kesa sa sala. Basag ang lamparang tumilapon malapit sa kabinet at nagkalat sa sahig ang bubog mula rito. Katabi nito ang sirang mesa. Nasira rin ang katre na ngayo’y nasa gilid na ng kwarto at napunit ang mga larawang nakadikit sa dingding. Basag din ang lahat ng salaming bintana kaya napupuno ng liwanag ng araw ang kwarto. Kitang-kita ko ang gulong naiwan dito.
Saka ko lang naigalaw ang katawan nang mapansin ang nanunuyong mga patak ng marung likido sa sahig. Yumukod ako malapit dito. Ipinahid ko ang nanginginig na daliri sa likido at wala sa sariling inamoy ito.
Dugo.
Namimilog ang mga matang sinundan ko ng tingin ang mga patak hanggang sa makita ang sahig na maraming dugo. Nasa ilalim ito ng nalipat na sirang katre, at maging ang isang paa ng katre ay may bahid din ng dugo.
Napasalampak ako sa maruming sahig dahil sa panghihina. Mariin akong napapikit nang maglaro sa isipan ang mga imahe ng posibleng nangyari sa bahay na ito.
Lumaban si Kael. Sinubukan niyang takasan ang mga lalaking kumuha sa kaniya. Nasugatan siya. Nagpumiglas siya habang hawak ng mga ito.
Tahimik na tumulo ang mga luha ko dahil sa mga imaheng nakikita ko sa isipan ko. Mariin ko ring natakpan ang tenga nang muling marinig ang paghingi niya ng tulong. Palakas ito nang palakas. Nakakabingi. Nakakabuang.
Hindi ko mapigilang sisihin ang sarili ko dahil sa nangyari sa kaniya. Ipinagsawalang bahala ko lang ang naging panaginip ko. Hinintay ko pang mapanaginipan ulit ito bago ako kumilos. Pinabayaan ko si Kael. Pinahamak ko siya. Kasalanan ko ang lahat ng ito.
Sino ba ang kumuha sa kaniya? Ang La Oscuridad ba? Baka nalaman na nilang dito nagtago si Bryan Wale noon-
“Ellis…”
Napadilat ako nang marinig ang pamilyar na boses na iyon.
“P-perce?”
Inilibot ko ang paningin sa paligid pero hindi ko siya nakita. Hindi ko rin maramdaman ang presensya niya sa buong bahay.
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasyTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...