HINDI ko na nasundan ang pagdaan ng oras, at hindi ko na alam kung ilang araw na akong nandito. Hindi ko alam kung kailan lumubog ang araw o kung kailan ito sumikat. Nanatiling malamlam ang liwanag sa buong selda. Walang pagbabago.
Ang naging palatandaan ko lang ng pagtakbo ng oras ay ang maghahatid ni Mori Saints ng kapsulang pagkain sa akin. Hindi ko alam kung saan gawa iyon ngunit nasusolusyunan nito ang pagkalam ng sikmura ko at pagka-uhaw ko, at siguro, dahil rin doon kaya hindi ko kinailangang magbanyo. Ngunit hindi ko pa rin alam kung ang pagkaing iyon ay para sa agahan, tanghalian o hapunan. Sumatutal, ngayon ang pang-apat na kapsulang ibinigay niya. Ipinagpalagay ko na lang na pang-apat na araw ko na ito rito.
“Nag-aral ka sa Gilmoré Academy?”
“Oo.”
Matapos kong sagutin ang tanong niya, umalis na rin siya agad. Ganoon ang palaging nangyayari kapag pumupunta siya rito. Tahimik ko na lang na nginuya ang puting kapsula at muling pinakiramdaman ang buong paligid.
Noong una, nahirapan ako dahil nasasagap lahat ng enhanced senses ko ang narito sa lugar na ito. Pero kalaunan, nagawa ko ring salain ang gusto kong marinig sa kabila ng maraming ingay, kontrolin ang naaamoy ng ilong ko, at nai-adjust ang katawan sa lamig ng paligid kaya nakakapag-focus ako. Pero wala pa rin akong nakalap na impormasyon mula sa mga kawal na nagbabantay at rumuronda sa seldang ito. Ni hindi ko narinig na nagsalita ang isa sa kanila.
Sa nakalipas na mga araw, hindi ko na mabilang kung ilang beses kong narinig ang pagbukas at pagsara ng ibang selda, mga kalampag ng pagpupumiglas, mga sigaw at hikbi, maging ang pag-angil ng halimaw na tiyak kong nasa malapit lang.
Ang bakas na iniwan ng halimaw ay inalis nila at binalik sa dati ang makakapal na rehas ng selda ko. Nang umalis si Tres kasama ang halimaw, maya-maya noon ay dumating si Mori Saints at isang lalaki. Ang huli ang umayos ng selda at binigyan ako ni Mori ng herbal para sa mga sugat ko. At simula noon, hindi na bumalik dito si Tres, maging si Sir Senji, at tanging si Mori na lang ang pumupunta rito para maghatid ng kapsula sa akin.
At sa lumipas rin na mga araw, hindi dumating si Perce para iligtas ako.
Napabuntong hininga na lang ako at napasandal sa pader.
‘Perce, nasaan ka na?’
Ilang beses ko nang sinubukang magpadala ng mensahe kay Perce sa isipan ko pero wala akong nakukuhang sagot mula sa kaniya. Hindi niya ba ako naririnig? Dahil kaya ito sa kapangyarihang bumabalot sa Guarida kaya hindi gumagana ang telepathy sa pagitan namin ng guardian ko? O baka pinabayaan na ako ni Perce dito?
Mabilis akong umiling at kinontra ang iniisip ko. Ayokong mag-isip ng negatibo.
Hindi. Ililigtas ako ni Perce. Hindi niya ako pababayaan dito. May tiwala ako sa kaniya.
Natigil ako sa pagmumuni-muni nang makarinig ng kalampag sa katabing selda. Pinapalo ng nakapiit ang pader sa pagitan namin. Sa pagkakaalala ko, kamakailan lang siya ipiniit doon. Siya ang pumalit sa selda ng namatay na bilanggo.
“Ikaw nga ba ang Light Controller?” rinig kong namamaos na sabi ng isang babae sa kabilang selda.
Kahit hindi ko ilapit ang tainga sa pader, malakas at klarong-klaro sa pandinig ko ang sinabi niya.
“Paano mo nalaman?” gulat kong tanong sa babae. Saan niya narinig ang tungkol sa akin? Kilala niya rin ba ako?
“Ramdam ko ang presensya mo.”
Agad kong kinapa ang dibdib at natagpuan roon ang kwintas. Suot ko ang kwintas na nagkukubli sa presensya ko. Kaya paano niya naramdaman ito?
“Sino ka? May abilidad ka rin ba?”
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasyTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...