2| Chapter 23: Believe, Ellis

127 12 0
                                    

INIWAN ko si Lucy na nagpupuyos sa galit at nag-teleport ako patungo sa pwestong pinagtataguan ng lalaki kanina nang itinapon niya ang bato. Tiningnan kong maigi ang bakas ng mga yapak sa maputik na lupa at patungo ang mga yapak sa isang makipot na eskinita. Nag-teleport ulit ako patungo sa dulo ng eskinitang iyon saka inilibot ang paningin sa paligid.

Wala nang mga gusali sa bahaging ito ng bayan. Mausok pero natatanaw ko ang masukal na kagubatan sa dulo ng bakanteng loteng puno ng halamang gorse. Hindi gaanong makapal ang usok sa paligid pero sapat na upang mahirapan akong gamitin ang enhance senses ko. Maanghang sa mata at nakakasulasok ang amoy ng usok. Makati rin ito sa lalamunan.

Takip-takip ang ilong at nagpipigil ng ubo, tumakbo ako tungo sa lugar na hindi masyadong mausok. Pumikit ako at pinakiramdaman ang paligid. Bukod sa usok, may naramdaman akong gumalaw sa hangin. Napadilat ako at nilingon ang kanan ko. Mabilis na dumaan ang lalaki. Anino na lang ang nahagip ng mga mata ko at nawala na siya nang tuluyan sa kagubatan.

Agad akong tumakbo para habulin ang lalaki. Papasok na sana ako sa masukal na kagubatan nang mapahinto ako nang bumulaga sa harapan ko si Han Meffon. Sa gulat ko, muntikan na akong mawalan ng balanse sa biglaang paghinto sa pagtakbo. Hindi ko napansin kung saan siya galing, basta bigla na lang siyang lumitaw sa harapan ko.

“Sinusundan mo ba ako?” asik ko, hapo habang sapo ang dibdib. “Tumabi ka, Han Meffon. May hinahabol pa ako.”

“Ang hininga mo ang dapat mong habulin, Ellis.” Tinuro niya ang kagubatan. “That guy? Ako na ang bahala sa kaniya. Hindi ko siya papatayin, don’t worry.”

Hindi ko pinansin ang sinabi niya at lalampasan na sana nang harangan niya ulit ako. Nakadipa ang mga braso niya kaya tinulak ko ito. Pero mabilis niyang hinawakan ang braso ko nang nilampasan ko siya kaya napahinto ulit ako.

“Ano ba?!”

Napapikit ako nang mapagtantong napagtaasan ko siya ng boses. Pilit kong kinalma ang sarili ko sa kabila nang inis ko sa nangyayari. Makakalayo na ng tuluyan ang lalaking iyon dahil sa pamimigil ni Han Meffon.

Nagpakawala ako ng malalim na hininga bago siya hinarap. “Ano bang kailangan mo sa akin? Na sinusundan mo ako hanggang dito sa Gorseville? Utos ba ito ni Sir Lexter?”

“Alam mo ang kailangan namin sa ‘yo, Ellis. We have to ensure your safety for you to fulfill your destiny,” kalmadong sagot niya.

“Destiny?” Hindi ko napigilang tumawa nang sarkastiko. “Dahil sa destiny na ‘yan, ang gulo-gulo ng buhay ko. Ang gusto ko lang naman ay tahimik na buhay… Isang normal na buhay! Kaya bakit ako? Bakit kailangang ako ang pumasan sa napakabigat na responsibilidad para sa buong mundo? Bakit kailangang itaya ko ang buhay ko para sa kaligtasan ng lahat? Bakit kailangang ako?”

Ang tawa ay napalitan ng mga hikbi. Sa pagkakataong ito, tuluyan nang sumabog ang naipong bigat ng loob at takot mula pa noong mga nagdaang araw. Ngayon ko sabay-sabay na nararamdaman ang lahat ng emosyong pilit kong isinasantabi dahil ayokong panghinaan ako ng loob. Pinilit kong maging matapang pero ang totoo, takot na takot ako. Kada may nakakasalamuha akong tao, pakiramdam ko siya na ang taong papatay sa akin. Kahit sa pagtulog ko, binibisita ako ng masamang panaginip.

Nakakabalisa.

Pero kailangan kong ipakitang ayos lang ako kahit gusto ko na lang na magkulong sa kwarto hanggang sa matapos ang lahat ng ito. Gusto kong takasan ito kasi hindi ko kayang harapin.

Hindi ko pala kaya. Natatakot ako.

“Ellis…”

Naramdaman ko na lang ang paghagod ni Han Meffon sa likod ko. Dumidilim ang paligid pero kita ko ang awa at pag-aalala sa mukha niya. Mabilis kong tumalikod habang sinusubukang pakalmahin ang sarili. Pero ayaw tumigil sa pag-agos ng mga luha ko. Mas lumakas pa lalo ang pahikbi ko.

She is the Light (BOOK 1-3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon