NAKARAMDAM ako ng malamig na hangin na dumampi sa pisngi ko kaya marahan kong binuksan ang aking mga mata. Malabong imahe ang bumungad sa akin. Ilang ulit akong pumikit-pikit hanggang sa maaninag ko na nang may kalinawan ang paligid.
"Nasaan ako?" tahimik kong tanong sa sarili.
Inilibot ko ang paningin sa paligid. Malapit sa nakabukas na bintana ang kamang hinihigaan ko kaya siguro roon nanggaling ang malamig na hangin na gumising sa akin.
Nasa loob ako sa isang kwarto. Hindi ito katulad ng kwartong tinutuluyan ko sa dorm. Bagkus ay mas malaki ito kumpara roon at 'di hamak na mas kumpleto ang mga kagamitan sa loob. Para na rin itong isang bahay.
Mabilis na nagsisulputan sa isipan ko ang mga nangyari bago ako nawalan ng malay. Dahan-dahan akong umupo. Masakit pa rin ang katawan ko pero hindi ko na maramdaman pa ang hapdi mula sa mga sugat ko.
Dahil sa pagtataka, kaagad kong inalis ang kumot na nakabalot sa katawan ko at pinasadahan ng tingin ang mga sugat ko. Magaling na ang mga iyon pero nanatili ang mga pilat ng paglapat ng patalim sa balat ko. Ngunit hindi iyon ang mas nakapagpabigla sa akin. Iba na ang damit ko at hindi ko alam kung sino ang nagbihis sa akin.
Tumayo ako upang sana ay hanapin ang may-ari ng kwartong ito ngunit napaupo rin ako kaagad habang sapo ang ulo dahil sa biglaang pagkahilo. Tila hindi pa nakakabawi ng lakas ang katawan ko.
Nasaan ba ako?
Pilit kong inalala ang iba pang nangyari bago ako nawalan nang malay. Nagdulot iyon ng takot at kaba sa dibdib ko. Posible kayang nakuha nila ako? Posible kayang nandito ako sa lungga nila? Papatayin na ba nila ako?
Ang daming tanong ang bumabagabag sa akin.
Kung gusto nila akong patayin, sana hindi na nila ginamot pa ang mga sugat ko at hindi na nagmagandang loob pa na bihisan at alagaan ako habang wala akong malay. Dapat ay pinatay na nila ako kaagad noong may pagkakataon sila. Kaya imposibleng nakuha na nila ako.
At saka, bago pa man ako mawalan ng malay ay may naramdaman akong presensya na sa palagay ko ang siyang nagligtas sa akin.
Tama. May nagligtas sa akin. Sa palagay ko ay siya iyon.
Pinakiramdaman ko ang paligid. Nagtatakang napatayo ako dahil wala akong maramdamang presensya. Dahil kaya hindi pa ganoon kabuti ang pakiramdam ko?
Dahan-dahan akong naglakad patungo sa pintuan ng kwarto. Pilit kong nilakasan ang loob ko habang pinipihit ang siradora. Pagbukas ko ay may nakita akong dalawang lalaki na nakaupo sa upuan sa may sala. Pareho silang nakatalikod sa akin kaya hindi ko alam kung sino sila. Pero parang pamilyar ang hulma ng mga katawan nila.
Sabay na humarap sa akin ang dalawa. Nakahinga ako nang maluwag nang makilala kung sino ang mga ito. Kaagad nila akong nilapitan at inalalayan hanggang sa makaupo ako sa upuan.
"Ayos na ba ang pakiramdam mo?" tanong ni Perce. May bahid ng pag-aalala at pagkadismaya ang tono niya kaya mapalingon ako sa kaniya. Napako ang tingin ko sa sugat sa gilid ng kaniyang labi. Napaaway rin ba siya?
"Kasalanan ko. Hindi dapat ako lumabas ng paaralan kanina at iniwan ka rito. Kaya patawad," wika niya sa mahinang boses, puno ng pagsisisi. Lumabas siya ng paaralan? Bakit? Paano siya nakalabas?
"Huwag mong sisihin ang sarili mo. Ang mahalaga ay buhay pa ako." Nginitian ko siya.
Tinanguan niya ako at bumuntong hininga. Napansin ko ang mariing pagkuyom ng kaniyang mga kamay. Tila sinisisi niya ang sarili dahil hindi niya nagawa ang trabaho niya bilang guardian ko.
Nabaling naman ang tingin ko sa katabi niya. Mataman lang na nakikinig sa amin si Tres. Nang maramdaman niya na nakatitig ako sa kaniya, sinalubong niya ang mga tingin ko. Bahagya siyang ngumiti sa akin.
![](https://img.wattpad.com/cover/106038639-288-k296237.jpg)
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasyTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...