2| Chapter 20: Unexpected Guest

187 11 0
                                    

"NAGAGALAK akong muli kang makita, Ellis Henson."

"S-sino ka? Bakit kilala mo ako?"

Napaatras ako dahil sa takot. Bakit kilala niya ako? Bakit nakikita niya ako kahit nasa loob ako ng protective shield? Siya ba ang anak ng diyos ng Kadiliman? Sa anyo at lakas ng kapangyarihan niya, posibleng siya ang tinutukoy sa itim na libro.

Pero napailing din ako at kinontra ang iniisip ko. Bata ang tinutukoy sa libro. Pero kailan nga ba isinulat ang libro? Malamang matanda na ang batang tinutukoy nito. Sinabi niya ring muli, ibig bang sabihin nagkita na kami noon?

Mula nang mabasa ko ang itim na libro, kung anu-ano na ang naiisip ko at naging praning ako. Pati nga sa panaginip ko kagabi, napanaginipan ko ang lahat ng mga nabasa ko. Lalong-lalo na ang batang anak ng diyos ng Kadiliman, pero burado ang mukha nito.

Nabalik ako sa huwisyo nang biglang itinaas ng ginoo ang kaliwang kamay niya. Akala ko aatake siya kaya agad akong bumuo ng bola ng enerhiya sa magkabilang palad ko. Handa ko na sanang itapon iyon sa kaniya nang malakas na humuni ang agilang nakapatong sa isang sanga ng punong ilang metro ang layo sa kinatatayuan ko. Bigla itong lumipad patungo sa kinatatayuan ng ginoo at pumatong sa kanang balikat niya. May kalakihan ang ibon pero hindi man lang kumunot ang mukha niya. Nanatiling siyang seryoso habang nakatitig sa akin.

"Ang bagong sibol na tumataglay ng kapangyarihan ng Liwanag ay itinadhanang magbabalik ng kapayapaan sa sanlibutan. Ganap ang katiwasayan katulad ng agilang matayog ang lipad." Huminto siya at sinulyapan ang agilang nasa balikat. "Ah, sa wakas, narinig ko na ring humuni ang ibong ito. Ilang taon na nga ba, kaibigan?"

Namilog ang mga mata ko nang mawaring sinambit ng ginoo ang mga nakasulat sa puting libro.

"P-paano mo nalaman iyan?" kinakabahang tanong ko.

Nabasa rin kaya niya ang puting libro? Malamang may iba pang kopya ang mga lumang libro na naglalaman ng kasaysayan ng may abilidad.

"Nalalapit na ang takdang panahon upang mapasaiyo ang buong kapangyarihan mo, Ellis. Bilang nag-iisang tumataglay ng kapangyarihan ng Liwanag makalipas ang dalawang siglo, ito na ang panahon upang tuparin ang nakatadhana sa iyo," turan ng ginoo.

Nagulat ako sa sinabi ng ginoo. Bakit niya sinasabi sa akin ang mga ito? Kung siya ang anak ng diyos ng Kadiliman, dapat hindi niya sinasabi sa akin ang tungkol sa tadhana ko. Dapat sinusugod na niya ako ngayon at handa nang patayin. Pero hindi. Kalmado lang siyang nakatayo sa harapan ko, parang pinapaunawa sa akin ang mga nangyayari at mangyayari dahil sa kapangyarihang taglay ko. Hindi siya kaaway, pero hindi rin ako sigurado kung isa siyang kakampi. At marami siyang alam tungkol sa akin.

"A-ako ba ang tinutukoy na Light Controller ng puting libro?" naitanong ko. "Bakit ako? Bakit... Ito ba ang dahilan kaya bumalik ang kapangyarihan ko?"

"Batid ko ang iyong kaguluhan, Ellis. Hayaan mong sagutin ng panahon ang lahat ng iyong katanungan." Humakbang siya paabante kaya wala sa sariling napaatras ako. "Ngayong alam mo na ang iyong tadhana, ihanda mo na ang iyong sarili sa katuparan nito. Kailangan mo nang harapin ang responsibilidad ng pagkakasilang mo sa mundong ito."

Saglit akong napatahimik habang naglalaro sa isipan ang mga sinabi niya. Gumugulo rin sa isipan ko ang mga nalaman ko noong nakaraan.

"May isang tao ring nakatakdang papatay sa akin dahil sa tadhanang ito, 'di ba? Ako at ang kapangyarihan ko ang balakid para mapagharian nila ang buong mundo, 'di ba?" kinakabahang tanong ko.

Tumaas ang isang sulok ng labi ng ginoo habang nakatitig sa akin. Kinilabutan ako sa ngiting nakita sa mukha niya.

"Kung ayaw mong mamatay, kailangan mo siyang patayin," sagot niya. "Tapos na ang mahabang panahon ng pagtatago, Ellis."

She is the Light (BOOK 1-3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon