WALA kaming sinayang na oras. Matapos mag-impake at masigurong nakasirado lahat ng bintana at pintuan ng bahay, nag-teleport kami patungo sa cr ng istasyon ng tren. Madali sana kaming makakalabas ng bayan kung kakayanin ng abilidad kong maglaho ng higit singkwenta kilometrong layo. Kaso kababalik lang ng abilidad ko kaya may limitasyon ito.
Balak naming magtungo sa bayan ng Gorseville. Higit dalawang oras ang biyahe patungo roon mula Gilmoré Brindaley. Minsan na akong nakapunta roon nang sinamahan ko si Kael na bilhin ang espesyal na karne na pinabibili ng mama niya. Isang beses lang iyon at sinagot ni Tita Cory ang pamasahe ko. May kamahalan nga ang pasahe kahit sa tren kaya kung walang sadya roon ay hindi luluwas ang mamamayan ng Gilmoré.
“’Nak, paano ang pag-aaral mo? Balik klase na bukas,” naalala kong tanong ni Nanay kanina nang sabihin kong aalis kami sa bayan.
“’Wag n’yo na pong alalahanin ‘yon, ‘nay. Magpapadala po ako ng sulat sa paaralan pagdating natin sa kabilang bayan.”
Magpapadala rin ako ng sulat kay Kael na umalis kami ni Nanay sa bayan. Ayoko munang sabihin sa kanya ang totoong dahilan ng pag-alis namin at kung saan kami pumunta. Tiyak kasi na susunod siya sa amin kahit saang lupalop pa kami ng mundo magtungo.
“Dalawang ticket ho. Station 22.”
Inabot ko ang bayad saka tinanggap ang ibinigay na dalawang ticket ng babae sa akin. Ibinigay ko rin agad sa nagbabantay ang mga ticket at pinapasok niya kami sa loob ng tren na patungong Gorseville. May iilan ng pasahero sa loob kaya naghanap kami ng walang katao-taong pwesto at doon umupo.
“’Nay, ‘wag ka pong mabibigla kung magsasalita ako sa isipan mo,” bulong ko kay Nanay na nasa tabi ko. Nang tumango siya, nagsalita ako sa isipan niya. ‘Mapanganib po kung tutuloy tayo sa pinsan mo, ‘nay. May paupahan naman po sa harapan ng pamilihan. Doon na lang po tayo tumuloy.’
“Sige, ‘nak,” sang-ayon niya at hinawakan ang kamay ko.
Naging tahimik ang biyahe patungong Gorseville. Makalipas ang mahigit dalawang oras na biyahe, narating na namin ang bayan. Pagkalabas ng istasyon ng tren, sumakay kami ng tricycle ni Nanay patungong pamilihan. Agad kaming pumasok sa gusaling kaharap nito at umupa ng isang kwarto. Mura lang ang renta para sa isang buwan at may kalakihan ang silid. Mayroon itong isang katre, maliit na kabinet, mesa at isang upuan, lababo, at banyo. Nasa gilid ng gusali ang kwarto kaya may dalawang bintana sa magkabilang dingding.
“Mamalengke tayo pagkatapos nating magligpit, ‘nak.”
Tinanguan ko si Nanay at tinulungan siyang ayusin ang tig-dadalawang plato, baso at kubyertos sa lababo. Nagrenta rin kami sa may-ari ng saingan at kalan para makapagluto kami.
Nang pumasok sa banyo si Nanay, inilabas ko sa bagahe ang itim at puting libro at ipinasok ito sa bag ko. Dala ko rin ang gamot na ibinigay ni Perce kung sakaling may hindi magandang mangyari. Hindi rin pala ako nakapagpaalam sa kaniya na aalis ako. Nawala rin sa isipan ko na sabihin sa kaniya na nagpakita ang kaniyang ama sa akin kaninang umaga, maging ang sinabi nitong natukoy na ang takdang panahon. Siguradong pagagalitan na naman niya ako sa paglilihim sa kaniya at sa mga padalos-dalos kong desisyon.
Matapos mamalengke at magluto, hindi na namin hinintay na lumubog ang araw para maghapunan. Sa dami ng nangyari ngayon araw, maaga rin kaming natulog dahil sa pagod. Bukas ko na lilibutin ang bayan para maghanap ng trabaho o ibang mapagkakaabalahan. Kahit gaano pa man kasi kabigat ang problema namin, kahit kamatayan pa, hindi hihinto sa pag-inog ang mundo kaya kailangan naming magpatuloy sa buhay. Iyon ang natutunan ko noong nawala si Tatay.
“ELLIS, naipadala mo na ba ang mga sulat?” bungad ni Nanay nang makabalik ako sa kwarto.
“Opo, ‘nay. Hindi ko po pinalagyan ng selyo ng Gorseville kaya doble ang siningil nila sa ‘kin.” Inilabas ko mula sa bag ang kwadernong sinulatan ko ng mga nadaanan kong tindahan at gusaling nangangailangan ng tao. Inabot ko ito kay Nanay at ipinakita sa kaniya ang listahan. “Marami pong bakanteng trabaho sa kalyeng ito, ‘nay. Ilang minutong lakaran lang at mababait naman ang nakausap kong mga may-ari kanina.”
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasyTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...