IPINATAWAG ang lahat ng mga estudyante ng Gilmoré Academy sa auditorium kinahapunan. Kasalukuyan kaming nasa kwarto nang marinig namin ang pag-anunsyo kaya nagbihis muna kami bago pumunta sa auditorium. Nasa hilagang-silangang bahagi ito ng paaralan, malapit sa Laboratory Room. Halos puno na ang auditorium nang makarating kami roon kaya umupo na lang kami sa likurang bahagi kung saan bakante pa.
Hindi pa man nagsisimula ay alam na namin kung para saan ang pagtitipon na ito. Naroon sa stage ang Director, ilang opisyal ng paaralan, at ilang mga guro, nakaupo sa mga upuang nakalaan sa kanila. Nakaupo naman sa harapang bahagi ang mga Class A ng bawat baitang. Nakapalibot din sa amin ang Security Team ng paaralan kaya naman nakakailang dahil nasa gilid ako nakaupo at may nakatayong isang mula sa Security Team sa tabi ko.
Tumayo ang Director kaya natahimik ang buong silid. Ilang minuto siyang tumayo lang sa harapan habang pinagmamasdan kami bago siya nagsalita. Natahimik pa lalo ang lahat dahil sa mga binitawan niyang salita.
"Students, please, listen. The problem we have right now is nothing serious. So don't worry, we have the whole situation under control. We are still tracking the perpetrator and with the help of your fellow students' abilities, we are half way in knowing how the thief entered the academy. But I need all of you to cooperate. Be vigilant, students. Report to the Student Affairs anything you see that is suspicious. We strengthened the security all over the premises of the academy, especially in the dormitories. We also impose curfew hours, and if possible, no one should roam around the academy alone late at night.
"Although we will not let this incident to happen again, we do not want to lose another student so please understand. Please do accordingly. This is for your own safety."
Matapos magsalita ng Director ay bumalik na ito sa upuan niya. Tumayo naman ang katabi niyang opisyal at siya naman ang nagsalita. Sinabi niya na saktong alas nuwebe ng gabi ay dapat nasa loob na kami ng mga dorm namin. Asahan din namin na may mga Security Personnel na maglilibot sa paaralan, class hours man o hindi. At sa gabi rin ay maglilibot sila para sa kaligtasan ng lahat.
Habang nagsasalita ang opisyal ay may isang lalaki na dali-daling umakyat sa may gilid ng stage at pumunta sa kinaroroonan ng Director. May ibinulong ito sa kanya at nababakas ang gulat sa mukha ng Director.
Tiningnan ko ang katabi kong si Cheska pero parang hindi niya napansin ang nakita ko bagkus ay taimtim siyang nakikinig sa opisyal. Sunod ko namang nilingon si Taylor at napansin niya sigurong tinitingnan ko siya kaya humarap siya sa akin. At sa pagtama ng mga mata namin ay alam kong nakita niya ang pag-iba ng ekspresyon ng Director.
Huli kong tiningnan si Demi. Hindi ko alam kong napansin niya ba ang gurong umakyat sa stage at narinig niya ba ang pinag-uusapan nila ng Director kasi blangko lang ang mukha niya habang nakatitig sa opisyal na nagsasalita.
Masyadong malayo ang stage sa amin at nasa likurang bahagi pa kami kaya nahihirapan akong pakinggan kung anuman ang ibinulong ng guro sa Director. Kahit pa enhanced na ang pandinig ko, limitado pa rin ang naaabot nito. Pero may pakiramdam ako na may kinalaman sa nangyayari ang ibinulong ng lalaking iyon. Gusto kong malaman kung anong nangyayari.
Matapos magsalita ng opisyal ay ang isang opisyal naman ang nagsalita. Mga paalala at mga dapat gawin at hindi dapat gawin ang tinalakay niya. Napatigil siya sa pagsasalita nang tumayo ang Director at nagpaalam dahil may aasikasuhin muna raw siya. May kutob akong may kinalaman ito sa ibinulong ng lalaki sa kanya. Sabay silang lumabas ng lalaki at nagpatuloy naman ang opisyal sa mga paalala niya.
Maya-maya pa ay napansin kong palihim ding lumabas si Tres. Dahil nasa dulo siya nakaupo malapit sa fire exit sa pinakaunang upuan ay hindi ito kaagad mapapansin lalo na’t may nagbabantay rin doon na isang security personnel. Pero hindi iyon nakatakas sa paningin ko dahil kalinya ko siya sa dulo. Tatayo na rin sana ako nang may nagsalita sa isip ko na nagpatigil sa akin.
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasyTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...