TAHIMIK lang kaming nakaupo ni Kael sa upuang kawayan dito sa bahay. Walang gustong magsalita sa amin. Ni hindi nagtatagpo ang mga paningin namin. Nakakailang ang katahimikan.
Kahit ang dami kong gustong itanong sa kanya, wala naman akong lakas ng loob para magsalita.
"Sorry, Ellis."
Siya ang unang bumasag sa mahabang katahimikan.
Nang lingunin ko siya, nakita kong nakayuko siya at pinaglalaruan ang mga daliri niya. Agad ko namang iniwas ang tingin ko nang inangatan niya ako ng tingin.
Hindi ako sumagot at hinintay lang siyang magpatuloy sa pagsasalita, tutal siya naman ang pumunta rito dahil may sasabihin daw siya sa akin. Kauuwi ko lang galing sa paaralan nang madatnan ko siyang naghihintay sa labas ng bahay.
"Sorry kung hindi ko sinabi na aalis ako." Malalim ang pinakawalan niyang hininga. "Si Papa... Gusto niyang tumira ako kasama niya sa bayan. Sabi niya, ii-enrol niya ako sa pinakamagandang high school sa bayan para raw madali akong makapasok sa Colegio de Gilmoré Brindaley. Naiintindihan ko naman na iniisip niya lang ang mas makabubuti sa akin. Pero ang daya lang niya para magdesisyon para sa kinabukasan ko nang hindi ako tinatanong kung gusto ko ba 'yon o hindi. Kasi hindi ko 'yon gusto.”
Napalingon ako sa kanya nang rumagalgal ang boses niya. Tumikhim siya at nagpatuloy sa pagsasalita habang pigil ang mga luha.
“Ayokong umalis dito, Ellis. Ayokong baguhin ang buhay ko. Ayokong iwanan ka. Kaya nang malaman ko ang plano ni Papa, umalis ako agad sa bahay niya para tumakas muna at pakalmahin ang sarili ko. At kaninang umaga, nang nag-usap kami nina Mama at Papa, sinabi ko sa kanila ang totoong nararamdaman ko. Hindi na rin nila ako pinilit sa hindi ko gusto. Naintindihan nila ako."
Hindi ko na pinairal pa ang pagtatampo ko kay Kael. Nilapitan ko siya at niyakap nang mahigpit.
"Ayos lang, Kael. Ayos lang."
"Ayoko lang na mag-alala ka sa ‘kin," sabi niya. Kumalas siya sa yakap at hinawakan ang magkabilang balikat ko. "Nagkita na ba kayo ni Perce?"
Sa naging tanong ni Kael, nakompirma kong siya nga ang nagsabi kay Perce tungkol kay Bryan Wale.
Hindi naman ako galit kay Kael. Naiintindihan ko naman na ayaw lang niyang mapahamak ako. Pero hindi ko lang mapigilan ang magtampo. Kung ito ba ay dahil pakiramdam ko wala siyang tiwala sa mga desisyon ko o dahil pakiramdam ko mas kinakampihan niya si Perce kesa sa akin, hindi ko alam. Pero alin man sa dalawang dahilan, o kung pareho man, alam kong hindi ko dapat iniisip ang mga ito. Iniisip lang naman niya ang kapakanan ko.
"Pasensya na kung sinabi ko sa kanya, Ellis. Bahagi iyon ng tungkulin ko." Halos ibinulong niya ang huling mga sinabi pero narinig ko ito nang klarong-klaro.
Tungkulin?
“Hindi mo kailangang magpasalamat, Ellis. Tungkulin ko iyon.”
"Kael, may hindi ka sinasabi sa akin," turan ko at maigi siyang tinitigan. Nang umiwas siya ng tingin, sigurado na akong may inililihim siya. "Anong tungkulin ang sinasabi mo, Kael?"
Tumikhim siya at inalis ang pagkakahawak sa mga balikat ko. Binuka-buka niya ang mga labi pero walang lumalabas na salita. Parang nagdadalawang isip siya kung sasabihin ba niya sa akin o hindi.
"Kael," seryoso kong pagtawag sa pangalan niya.
Ang totoo, kinakabahan at natatakot ako sa malalaman ko. Pero kailangan kong malaman ang katotohanan, lalo na mula sa taong itinuring kong pinakamatalik na kaibigan.
Humugot siya ng malalim na hininga bago muling humarap sa akin.
"Na... Nangako ako noon sa Tatay Eli mo na mananatili akong kaibigan mo, Ellis. Na ilalayo kita sa kahit anong panganib, hindi kita iiwanan at gagawin ko ang lahat ng makabubuti sa 'yo. At kay Perce. Nangako akong sasabihin ko sa kanya lahat ng nangyayari sa ‘yo. Kasi siya lang ang makakaprotekta sa 'yo, Ellis."
![](https://img.wattpad.com/cover/106038639-288-k296237.jpg)
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasíaTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...