"DID you have fun?"
Nabalik kay Tres ang tingin ko nang magsalita siya. Malapad ko siyang nginitian at parang bata akong tumangu-tango.
Bata pa ako noong huli akong nakapunta sa lugar na ganito, noong buhay pa si Tatay. Tuwing fiesta kasi sa bayan noon, palaging lumuluwas sa bayan si Tatay para magbenta ng mga karne sa mga ihawan sa bayan. Palagi niya akong sinasama noon, at bago kami umuwi sa baryo namin, ipinapasyal niya ako sa mga amusement park o peryahan.
"Salamat, Tres," turan ko bago ipinagpatuloy ang pagkain.
Kasalukuyan kaming nasa isang ihawan matapos naming libutin ang buong parke. Marami kaming napanalunang mga stuff toy mula sa iba't ibang larong nilaro namin. Nasakyan na rin namin ang ilang rides na hindi masyadong nakakanginig ng mga tuhod. Tinawanan pa ako ni Tres kanina kasi halos mga bata ang kasabayan ko sa pagpila sa mga rides na iyon. Pero hindi na rin siya nakahindi nang hinila ko siya para sabayan ako.
Aaminin kong takot ako sa matataas na lugar. Kapag nga naghahamunan kami ni Kael dati na paunahang umakyat sa isang matayog na puno sa kakahuyan, siya palagi ang nananalo dahil palaging hanggang sa una o pangalawang sanga lang ng puno ang kaya kong akyatin, samantalang siya, nasa pinakaibabaw na.
Alam ni Kael na takot ako sa matataas na lugar. Madalas ko pa siyang asaring mandurugas kasi ginagamit niya ang kahinaan ko para manalo sa akin. Pero sa kabila no'n, nauunawaan kong paraan niya iyon upang tulungan akong labanan ang takot ko. Pero sa huli, wala pa ring pagbabago.
Napaangat ang paningin ko sa kaharap naming ferris wheel nang mapansin kong tumigil ito sa pag-ikot. Ang taas-taas ng ferris wheel. Nakakalula!
Kahit kailan, hindi ko pa nasubukang manatili sa isang napakataas na lugar. Tingalain ko pa lang kasi ito, nanginginig na ang mga tuhod ko at dinadaga na ang dibdib ko sa takot.
"You want to try that?"
Bumaba ang paningin ko kay Tres nang magsalita siya. Pinunasan niya ng tissue ang bibig niya bago humarap sa 'kin. Saka ko lang napansin na tapos na pala siyang kumain habang ako, nangangalahati pa lang.
Agad akong umiling bilang tugon sa tanong niya.
"Sa susunod na lang," sagot ko.
Siguro kapag nalabanan ko na ang takot ko sa matataas na lugar, siguro susubukan ko nang sumakay sa ferris wheel. Siguro.
Ipinagpatuloy ko na ang pagkain ko nang hindi siya sumagot. Hanggang sa natapos ako, tahimik lang na nakaupo sa harapan ko si Tres. Naiilang ako habang pinagmamasdan niya akong kumain kaya binilisan ko nang ubusin ang pagkain ko.
Habang sumisimsim ng inumin, hindi ko mapigilang muling ilibot ang paningin ko sa paligid. Ang ganda talaga ng parkeng ito, at ang dami pang tao. Sabagay, Sabado ngayon. May libreng oras ang mga tao para magliwaliw.
Pero sa dinami-rami ng mga tao sa paligid, tila napako ang paningin ko sa isang taong nakatayo sa gilid ng isang tindahan ng mga damit. Kahit kaunting porsyento pa lang ng kapangyarihan ko ang bumalik sa akin, naramdaman ko pa rin ang kakaibang presensya niya kahit suot-suot niya ang sing-sing na ginagamit niya para ikubli ang presensya niya tulad ng dati. Pero anong ginagawa niya rito? Ang huli kong balita ay nilitis siya ng Triad of Justice at hinatulan ng pagkakulong sa Diabolos Cavus, ang piitan ng mga masasamang may abilidad.
Nakikilala ko siya. Isa siya sa mga Security Personnel ng Gilmoré Academy. Siya ang nagpapasok dati sa isang La Oscuridad na nagtangkang patayin ang isang estudyante noon sa kakahuyan na naabutan namin ni Perce. Si Bryan Wale.
Palinga-linga siya sa paligid na parang may hinahanap. Mabilis kong iniwas ang tingin ko sa kanya nang lumingon siya sa gawi namin. Ngunit nang lingunin ko ulit ang kinatatayuan niya, wala na siya roon.
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasiTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...