"MAG-FOCUS ka!"
Mabilis akong gumulong paatras para iwasan ang malaking batong dadagan sana sa 'kin. Tumayo ako nang hindi inaalintana ang mga galos at sugat na nakuha ko sa ilang ulit kong paggulong sa lupa. Kanina ko pa iniiwasan ang malalaking mga batong walang hinto niyang pinapagulong patungo sa pwesto ko.
Sinubukan kong bumuo ng malakas na enerhiya sa magkabilang palad ko at mabilis iyong itinutok sa dalawang malalaking bato na gumugulong papunta sa 'kin. Naging kapos ang unang tira ko kaya bumuwelo ako at buong lakas na dinoble ang enerhiyang pinapalabas ko. Nagtagumpay ako sa pagkakataong ito. Nagsitalsikan palayo ang pira-pirasong bahagi ng dalawang malalaking bato.
Hindi pa man ako nakakabawi sa panghihinang nararamdaman dahil sa enerhiyang pinalabas ko, may bigla na namang lumitaw na malalaking bato mula sa likuran ni Perce at itinapon niya ito sa 'kin.
Napamaang na lang ako at marahas na pinunasan ang pawisan kong mukha.
Kailan ba 'to titigil? Anong klaseng spell na naman ba ang ginamit niya para pahirapan ako?
"Huwag kang magreklamo, Ellis. Gamitin mo ang kapangyarihan mo. Walang saysay 'yan kung iiwasan mo na naman ang mga batong ito," saad ni Perce habang nanghahamon akong tinitigan.
Sinamaan ko lang siya ng tingin at hindi umimik.
Pareho silang dalawa ni Tres. Minsan talaga wala silang awa sa 'kin. Parang gusto nila akong patayin dahil sa hirap at delikado ng mga ensayo namin.
Pero ginusto ko naman 'to. Kailangan kong makontrol at masanay na gamitin ang kapangyarihan ko. Para rin naman 'to sa ikabubuti ko.
Nang malapit na naman akong madaganan ng isang malaking bato, nag-teleport ako pakaliwa para iwasan iyon at itinapon doon ang mga bola ng enerhiyang namuo sa mga palad ko. Hindi ko itinigil ang pagbabato ng mga enerhiya hangga't hindi sumabog at nagpira-piraso ang mga batong iyon. Mabilis akong gumulong nang may isang batong bigla na lang lumitaw sa tabi ko at muntikan na akong matamaan. Huminga ako nang malalim at pinag-isa ang enerhiya mula sa magkabila kong mga palad at buong lakas na itinapon iyon sa batong muntik nang pumatay sa 'kin. Sa lakas ng enerhiyang pinakawalan ko, nagkapira-piraso ang malaking bato sa harapan ko.
Hinihingal na napaupo ako sa lupa. Ang sakit ng katawan ko. Pakiramdam ko nasobrahan ang pagpapalabas ko ng enerhiya kasi nakaramdam na naman ako ng panghihina.
Isang tunog ang umagaw sa atensyon ko pero kaagad kong itinaas ang sugatan kong palad para pahintuin si Perce sa binabalak niyang pagpapalitaw na naman ng malalaking bato.
"Saglit lang, Perce..." pigil ko.
Hindi pa talaga ako sanay na ginagamit itong kapangyarihan ko kaya hindi pa rin nasasanay ang katawan ko sa panghihinang nararamdaman ko sa sobrang paggamit ng enerhiya. Tulad ng nangyari kahapon sa ensayo namin ni Tres. Pero ngayon, kahit papaano, nagagawa ko nang kontrolin ang paglabas ng enerhiya sa mga palad ko. Iyon nga lang, hindi ko matansya ang tamang lakas ng enerhiyang dapat kong ipalabas para maiwasan ang panghihina ng katawan.
"Ellis, sa isang labanan, hindi ka pagbibigay ng kalaban mo na magpahinga. Kailangan mong lumaban hanggang sa masiguro mong ligtas ka na. Walang time freeze, walang saglit. Dalawa lang ang pagpipilian mo... Lalaban ka o mamamatay ka," aniya. Lumapit siya at tumunghay sa 'kin. "Kaya tumayo ka na riyan. Hindi pa tapos ang pag-eensayo mo."
Imbes na sundin siya, nanatili akong nakaupo sa lupa. Mataman ko siyang tinitigan. Gumugulo pa rin sa akin ang nasaksihan kanina.
"Perce, mapagkakatiwalaan pa rin naman kita, 'di ba?" bigla kong naitanong.
Batid kong napakaraming sekreto ni Perce. Wala akong ibang alam tungkol sa kanya kundi ang pagiging guardian niya sa 'kin dahil sa naging kasunduan ng aming mga ama noon. Pero kung saan siya nagmula at kung nasaan ang pamilya niya? At kung bakit kapareho sila ng inilalabas na presensya ng mga lalaking naka-itim na humahabol sa 'kin noon? Wala akong alam. Hindi rin naman niya ako sinasagot kapag tinatanong ko siya tungkol sa pagkatao niya. Palaging tikom ang bibig niya.
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasyTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...