MAG-AALAS-SAIS na ng gabi at nagdito pa rin ako sa clinic, nagpapahinga. Matapos akong dalhin dito nina Demi kanina ay ginamot kaagad ni Aiga ang namamaga kong paa. Wala si Miss Shin kanina kasi may inaasikaso raw siya sa Faculty Office. Dahil na rin sa paggamot sa akin ni Aiga ay nakaramdam ako ng antok. Pinauna ko na muna sina Demi sa dorm at sabi ko ay ayos na ako rito at matutulog muna ako.
Umupo muna ako sa kama para magpalipas ng oras. Ang daming gumugulo sa isipan ko. Ilang beses kong tinanong ang sarili ko, ano bang dahilan kung bakit nila ako hinahanap? Alam na ba nila ang sekreto ko? Pero papaano? Aanhin ba nila iyon? Alam ba nila kung gaano ko kinakamuhian iyon? Kasi dahil sa abilidad na iyon kaya nalagay sa kapahamakan ang taong importante sa akin.
Tumingala ako para pigilan ang mga luha kong nagbabadya nang tumulo. Naaalala ko na naman ang nangyari dati. Kahit na hindi nila ako sinisisi sa nangyari ay alam kong masakit sa kanila ang nagawa ko. At hanggang ngayon ay sinisisi ko pa rin ang sarili ko dahil sa nangyari.
Tatayo na sana ako para umalis ngunit napaupo ako bigla dahil sa narinig. Sa palagay ko, nasa kabilang higaan ang nag-uusap. Dalawang boses ng lalaki ang naririnig ko.
"Ian, tara na. Gabi na at delikado. Alam mo bang may nakapasok ulit na itim na nilalang kanina rito sa academy? Kaya tumayo ka na r’yan. Kanina ka pa namin hinahanap," wika ng isa.
"Sus, parang hindi ka naman lalaki, eh. Anong silbi ng abilidad natin kung hindi natin gagamitin? ‘Wag ka ngang weak," sagot naman ng tinawag niyang Ian.
May nakapasok ulit? Paano siya nakapasok? At ano na naman ang pakay nila? Kailangan ko nang makaalis dito.
Minabuti kong kunin na ang bag ko at tinabig ang kurtinang naghihiwalay sa bawat higaan. Nadatnan ko si Miss Shin sa mesa niya kaya nagpasalamat ako at nagpaalam sa kanya. May sasabihin pa sana si Miss Shin pero nagmadali na akong lumabas.
Ilang hakbang pa lang ang nagagawa ko ay huminto kaagad ako at pinakiramdaman ang paligid. Ilang minuto akong nanatiling ganoon pero bakit wala akong maramdamang kakaibang presensya? Ang tanging nararamdaman ko lang ay ang kay Yllor.
Kay Yllor?
Napalingon ako sa kanan ko nang marinig ang mga yapak niya. Nakita ko siyang naglalakad patungo sa kinatatayuan ko. Huminto siya isang metro ang layo sa akin. Tinititigan niya lang ako kaya naman nagtataka ko siyang tinitigan pabalik. Anong kailangan ng isang Class A sa akin?
"What are you doing here?"
Tinitigan ko siya ng ilang segundo, nagugulumihanan. Alam kong hindi iyan ang nais niyang sabihin.
"Ah, galing akong clinic," sagot ko sa tanong niya kahit alam kong hindi siya interesado sa magiging sagot ko.
Ngumiti siya nang bahagya. Mukhang alam ko na ang gusto niyang sabihin.
"Stay away from Tres. Hindi mo kilala kung sinong kinakalaban mo.” Puno ng pagbabanta ang boses niya. Hindi ko alam pero napatawa ako nang mahina. Napataas naman ang kilay niya, tila hindi nagustuhan ang naging reaksyon ko.
"Wala naman akong balak kalabanin ka, Yllor. Pero oo, kilala kita. Ako ba, kilala mo?" sagot ko at ngumiti sa kanya nang matamis.
Si Tres? Hindi naman kami malapit sa isa’t isa. Tinuturuan niya lang ako. Imbes na ang nangyayari sa paaralan ang inaalala niya, mas inuna niya pa itong pagbibigay niya ng malisya sa amin ni Tres? Kakaiba talaga siya.
Hindi na siya nagsalita pang muli kaya umalis na ako roon at naglakad na pabalik sa dorm. Naramdaman ko rin ang presensya ni Tres sa paligid habang nag-uusap kami ni Yllor. At alam kong naramdaman din ni Yllor ang presensya ni Tres. Marahil sinadya niyang komprontahin ako habang nasa paligid lang si Tres upang marinig nito ang pinag-uusapan namin. Kung bakit niya iyon ginawa? Hindi rin ako sigurado. Kaya iniwan ko na sila roon, mas mabuti siguro na silang dalawa ang mag-usap.
![](https://img.wattpad.com/cover/106038639-288-k296237.jpg)
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasyTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...