KINABUKASAN, Sabado, pagkatapos naming tulungan ni Kael si Nanay sa pagbubukas ng tindahan sa pamilihan, nagtungo na kami sa kakahuyan para mangaso.
Tulad ng pangako ko kay Mang Jo noong nakaraan, kailangan kong makahuli ng matabang usa, para rin malaki-laki ang kita ko. Nag-iipon ako ngayon kasi balak kong mamasyal kami ni Nanay sa bayan sa kaarawan ko. Higit isang buwan pa ito mula ngayon kaya mahaba-haba pa ang oras na mayroon ako para mag-ipon.
"Ellis, narinig mo ba ang balita sa radyo kanina? May Penumbral Lunar Eclipse raw ngayong November 30. Sa mismong birthday mo!" biglang turan ni Kael habang pinaglalaruan ang taling hawak niya. Gagamitin namin iyon mamaya sa pagbitag ng huhulihin naming hayop.
"Penumbral Lunar Eclipse? Ano naman 'yon, Kael?" tanong ko. "Nasira ang radyo namin, eh. Ayaw nang gumana. Ipapagawa ko pa 'yon kay Mang Franklin bukas."
"Samahan na kita," alok niya. Tumango lang ako bilang tugon. "'Yong tinutukoy kong Penumbral Lunar Eclipse, ang sabi magiging malamlam daw ang liwanag ng bilog na buwan at magiging itim ang ibang bahagi nito. Hindi ito magiging pula tulad kapag Total Lunar Eclipse. Naalala mo ba 'yong sinabi ni Bb. Elizabeth na guro natin sa science? Tungkol sa mga eclipse?"
Tumango ulit ako pero hindi ako nagsalita. Hinayaan ko lang na ipaliwanag iyon ni Kael sa akin. Masyadong interesado si Kael sa mga bagay tungkol sa bibihirang mga pangyayari sa mundo. Kahit hindi ko maintindihan ang kahalagahan no'n sa buhay namin, sa buhay ko, pinapakinggan ko pa rin siya. Ayoko namang maging bastos at sirain ang kaligayahan niya.
"Dadaan sa hindi masyadong madilim na anino ng mundo ang buwan kaya nangyayari ang ganoong eclipse," paliwanag niya. "Nakakamangha, 'di ba? Pero ang sabi sa radyo, mahirap daw 'yong makita kapag titingnan lang ang buwan mula rito sa lupa. Kailangan daw may aparato," nanghihinayang na dugtong niya.
Hinanda ko na ang sarili ko sa magiging katapusan ng pagkukwento ni Kael. Palagi iyong nagtatapos sa, "Pero." Tulad lang ito no'ng kinuwento niya ang tungkol sa Meteor Shower na naganap sa kabilang bayan pero hindi niya nasaksihan. Madaling araw ito nangyari at hindi siya pinayagan ng tiyahin niya na gugulin ang buong gabi sa kabilang bayan.
"Ano ka ba, Kael? Pwede naman tayong umakyat sa pinakamataas na puno rito sa kakahuyan, ah. Mas magiging malapit tayo sa buwan no'n!" nakangiti kong suhesyon.
Natawa naman siya sa sinabi ko. Nawala na ang pagbusangot ng mukha niya.
"Sigurado ka ba riyan, Ellis? Aakyat ka nga hanggang sa tuktok ng puno? 'Di ka na natatakot?"
"Natatakot pa rin, syempre! Pero lahat naman ng takot, makakayang labanan, 'di ba?"
Ginulo niya ang buhok ko at tinawanan ako. "Naku! Malaki ka na nga, Ellis. Ang tapang-tapang mo na. Ipinagmamalaki kita!"
Pilit kong nginitian si Kael saka tumikhim. Parang may bumara sa lalamunan ko nang maalala ang mga masasamang lalaking napatay ko noon. Kahit masasama sila, tao pa rin sila. Pero hindi ko naman sila pinatay dahil trip ko lang, iniligtas ko lang naman ang sarili ko. Magkaiba naman 'yon, 'di ba?
Kaya hindi ko alam kung magiging masaya ba akong marinig ang magagandang salitang ito galing kay Kael ngayon. Kung alam kaya niya ang ginawa ko, ipagmamalaki pa rin kaya niya ako? At paano pa kapag malaman niyang inilihim ko sa kanya ang tungkol doon? Wala pa kasi akong lakas ng loob na sabihin sa kanya ang tungkol doon.
"Tara na nga, Kael! Kailangan na nating mangaso!" imbes ay sabi ko at nauna nang tumakbo patungo sa dulong bahagi ng kakahuyan.
May tamang panahon para sabihin iyon kay Kael, Ellis. Kailangan mo munang maging matapang, pagpanatag ko na lang sa sarili ko.
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasyTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...