1| Chapter 13: Death

1.9K 65 1
                                    


NATAPOS ang pag-eensayo ko nang mas maaga kesa sa inaasahan. Ipinatawag ng Director ang Class A, kaya kahit hindi pa tapos ang oras ng pag-eensayo na nakalaan para sa amin ay umalis kaagad sila. Umupo muna ako sa upuan at pinanood ang mga kaklase ko na kasalukuyang nag-eensayo. Dahil wala akong malalang sugat sa katawan at panghihina lang ang nararamdaman ko, pinili ko na lang na ipahinga ito rito kesa pumunta pa sa Clinic.

Habang pinapanood ko ang mga kaklase ko ay may naramdaman akong kakaibang presensya. May kaunting pagkakatulad ito sa presensya ni Perce, pero mas malakas lang at mas mapanganib.

Napatayo ako nang makita ko ang tila aninong mabilis na dumaan sa harapan ng hall. Pinagmasdan ko ang paligid para sana alamin kung may nakapansin ba nito pero abala ang lahat sa kanya-kanya nilang ginagawa. Nilingon ko naman ang inuupuan ni Perce kanina pero wala siya roon ngayon. Class A rin ang kasama niyang nag-ensayo kanina kaya katulad ko ay tapos na rin siyang mag-ensayo at nagpapahinga na lang. Pero nasaan na siya?

Mabilis akong naglakad palabas ng hall at sinundan kung saan patungo ang presensyang iyon. Naglakad lang ako nang naglakad hanggang sa makarating ako sa likurang bahagi ng dorm ng mga lalaki. Wala akong ibang nakita roon kundi pader, at sa likod nito ay ang kakahuyan. Ngunit halos napatalon na lang ako sa gulat nang makarinig ako ng isang sigaw. At alam kong galing iyon sa kakahuyan!

Kinakabahang naglakad ako patungo sa may pader. Dahil hindi ito kataasan, kitang-kita ko ang isang nakaitim na lalaki na nasa kakahuyan. Bukod sa nakatagilid ang lalaki, hindi ko makita ang kabuoan ng mukha niya dahil natatakpan ng panyong itim ang kalahati ng mukha niya. Bumaba ang tingin ko sa kamay niya at napaatras ako nang makitang may hawak siyang kutsilyo at may dugong tumutulo mula sa bagay na iyon.

Ngunit ang mas nagpasindak sa akin ay ang lalaking estudyante na nakahandusay sa paanan niya at duguan. Nanginig ako sa takot nang makita ang kalunos-lunos na sinapit ng estudyante. Halos maligo na ito sa sarili niyang dugo matapos magtamo ng maraming saksak sa katawan. Nais kong sumigaw pero hindi ko magawa, hindi ko mahanap ang sariling boses dahil sa sobrang takot. Naramdaman ko na lang ang pagtulo ng mga luha ko pero nanatili lang akong nakatayo roon at nakatulalang pinagmamasdan ang duguang katawan ng estudyante. Ilang sandali pa ay biglang kumilos ang nakaitim na lalaki at dahan-dahang humarap sa gawi ko.

Nabalik ako sa katinuan ko dahil sa biglaan niyang pagkilos. Hindi ko alam ang gagawin ko ngunit nakita ko na lang ang sarili ko na nakaupo na sa lupa. May nagtakip ng bibig ko at hinila ako pababa. Bigla akong niyakap ng kung sinuman at imbes na pumalag pa ay tahimik akong umiyak sa balikat niya. Pakiramdam ko nawalan ako ng lakas dahil sa takot. Ilang minuto rin kaming nasa ganoong posisyon hanggang sa humiwalay siya sa pagkakayakap sa akin at sumilip siya sa kakahuyan. Napansin kong marahas siyang huminga.

"Hindi ka dapat pumunta rito, Ellis!" Rinig ko ang galit sa boses niya.

Napayakap na lang ako sa mga tuhod ko habang nakaupo pa rin sa lupa. Umiyak ako nang umiyak. Nanginginig pa rin ako dahil sa takot sa nakita ko. Ito ang unang beses na nakakita ako ng taong duguan at hindi maalis sa isipan ko ang imaheng iyon.

Buhay pa kaya ang estudyanteng iyon?

"Nakita ka ba niya?" tanong ni Perce, ngunit ngayo’y mahinahon na ang pagsasalita niya.

Mabilis akong umiling at pinunasan ang mga luha ko. “P-perce, ‘yong e-estudyante… b-buhay pa siya, 'di ba?”

Matagal niya akong tinitigan bago siya dahan-dahang umiling. Lalo akong nanlumo sa sinagot niya pero hindi ko na naman mahanap ang sariling boses para ipabawi sa kanya iyon. Masyado akong mahina sa mga sitwasyong ganito. Takot ang namamayani sa akin kahit pa pilitin ko mang magkunwaring matapang.

She is the Light (BOOK 1-3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon