NAGISING ako nang maramdaman ko ang liwanag na tumatagos sa nakapikit kong mga mata. Ibinaling ko pakanan ang mukha ko bago iminulat ang mga mata. Nasapo ko ang ulo ko nang para akong nahilo nang bumangon ako mula sa pagkakahiga sa malamig na sahig.
"Anong nangyari? Nasaan ako?"
Pinagmasdan ko ang kwartong kinaroroonan ko. Walang ibang gamit sa loob maliban sa malaking aparador at basag na salamin. Mukhang wala nang gumagamit sa kwartong ito. Kupas na rin ang pinturang kayumanggi sa dingding nito.
Nahilamos ko ang palad ko sa mukha ko nang tila bumalik ako sa katinuan ko at naalala ang mga nangyari kagabi. Kusa akong sumama sa mga masasamang lalaking iyon. At ngayon, hindi ko alam kung nasaan ako.
"Huwag kang matakot, hindi ka nila papatayin."
Para namang sirang plakang umuukilkil sa pandinig ko ang sinabing iyon ni Perce kagabi.
Hindi nila ako papatayin? Anong pakay nila sa akin? Ang kapangyarihan ko?
Marahas akong napabuga ng hangin. Hindi ito ang inaasahan kong mangyayari sa akin nang unang tapak ko sa Gilmoré Academy. Kung alam ko siguro na mapapahamak lang ako, sana gumawa na lang ako ng paraan para hindi matuloy ang paglipat ko sa paaralang ito.
Tumayo ako at tumingala para tingnan ang bintana. Doon nagmula ang sinag ng araw. Ngunit nakapagtataka lang na masyadong mataas ang bintana. Kahit siguro gumamit ako ng patungan, hindi ko masisilip ang nasa labas.
Nagtungo ako sa pintuan at pinihit ang siradora ngunit hindi ito bumukas. Ilang ulit ko pang sinubukang buksan pero nakasirado pa rin. May maramdaman akong presensya na paparating kaya bumalik ako sa pwesto ko kanina at nagtulug-tulugan. Narinig ko ang pagkiskisan ng mga metal at ang pagbukas ng pintuan ng kwarto. Huminto ang mga yapak at naramdaman ko ang mahigpit na paglingkis ng makapal na tali sa mga pulsuhan ko. Nilagyan niya rin ng piring ang mga mata ko.
Maya-maya pa ay naramdaman kong umangat ang katawan ko sa ere. Nakabaliktad ng ulo ko sa likuran niya habang nakasabit ang tiyan ko sa balikat niya at hawak niya ang mga binti ko. Parang bumubuhat lang sya ng isang sakong bigas. Nakagat ko pa ang labi ko dahil sa pagkabigla. Hindi ako gumawa ng kahit anong ingay at labis ang pagpigil ko sa sarili na tumili.
Naramdaman ko na lang na naglalakad na siya nang walang kahirap-hirap palabas ng kwarto. Hindi ko alam kung masyado ba akong magaan o napakalakas lang talaga ng lalaking bumubuhat sa akin. Bumaba ang lalaki sa hagdanan, dahilan kaya nakagat kong muli ang labi ko nang maramdaman ang panandaliang hilo.
Saan niya ba kasi ako dadalhin?
Nang ilang hakbang pa lang ang nagagawa niya pababa ng hagdanan ay hindi ko na napigilan pang magsalita.
"Dahan-dahan naman," reklamo ko. Hindi pa rin nawawala ang epekto ng pampatulog na pinaamoy nila sa akin kagabi kaya nahihilo pa rin ako hanggang ngayon. Tapos dumagdag pa ang pagbaba namin ng hagdan habang nakabaliktad ako kaya mas lalo akong nahihilo.
Hindi siya nagulat nang magsalita ako, hindi rin niya ako sinagot. Pero nakahinga ako nang maluwag nang binagalan niya ang paglalakad. Mapakla akong napangiti dahil sa ginawa niya. Naaawa ba siya o nakokonsensya?
Nakarinig ako nang pagbukas ng isang pintuan sa harapan ko. Naramdaman kong pumasok siya roon at muling naglakad pababa sa isa na namang hagdan. Kahit hindi ko nakikita ang paligid, parang nahihinuha ko na kung saan niya ako dadalhin.
Nang makababa na siya ay nagpatuloy siya sa paglalakad. Malayu-layo rin ang tila pasilyong binagtas niya bago ko muling narinig ang paglangitngit ng pagbukas ng pintuan. Marahil napakalawak ng basement na ito.
BINABASA MO ANG
She is the Light (BOOK 1-3)
FantasyTHE LIGHT CHRONICLES BOOK 1: She is the Light (Completed) BOOK 2: Shadow of Light (Completed) BOOK 3: The Light: Girl of the Prophecy (On-going) All her life, Ellis Henson dreamed of being just an ordinary girl. But even having the greatest desire f...