04- Tracherous Dancing

188 57 285
                                    

Tuloy tuloy lang ang pang-eenganyo sa amin ng mga tao, wala na akong ibang nagawa kundi ang ipikit ang aking mga mata at hintayin ang mga labi ni Danilo.

Tila ba dahan-dahang huminto ang paligid nang dumampi ang kaniyang labi sa aking pisngi, laking gulat ko ng maramdaman ko ang malambot niyang labi.

Agad niya namang binawi ang kaniyang labi sa aking pisngi. Nang buksan ko ang aking mata ay nakahinga ako ng maluwag dahil inalis niya na ang kaniyang labi sa akin at binitiwan niya na rin ang aking bewang.

Natulala lamang ako rito habang ang lahat ay naghihiyawan dahil sa ginawa ni Danilo. Hindi ko akalain na ang unang taong makakahalik sa akin ay isang estranghero, paniguradong lagot ako kay inay kapag nalaman niyang nahalikan na ako ng isang lalaki.

Ipinatong ni Danilo ang kaniyang kaliwang kamay sa aking balikat dahilan upang matauhan ako, inaabot na pala sa amin ng lalaki ang premyo na aming napanalunan.

Inilahad ko ang aking kamay at tinanggap ang binibigay niyang salapi. Halos kuminang ang aking mata nang mahawakan ko ang sampung piso. Sulit ang kaba at kahihiyan na ginawa namin ni Danilo dahil nanalo kami.

"Ulit palakpakan natin ang dalawang ito!" sigaw pa ulit ng lalaki bago kami tuluyang umalis sa entablado.

Hinawakan ni Danilo ang aking pulsuhan at inalalayan niya akong maglakad. Nang makababa na kami sa entablado ay agad niya akong hinila papalayo.

"Saan tayo pupunta?" tanong ko habang patuloy lamang siya sa paglalakad na tila ba'y wala siyang naririnig. Napakalambot ng kaniyang mga kamay at animo'y sumasayaw ang kaniyang buhok habang hinahangin ito.

Nang medyo malayo na kami sa ingay at sa mga tao ay saka lamang siya huminto sa paglalakad. Humarap siya sa akin at binitiwan niya ang aking pulsuhan.

"Hindi mo ba naaalala? Naiwanan mo ang iyong bag doon sa upuan."

Agad naman akong napatingin sa aking kamay at laking gulat ko ng makita kong wala nga akong hawak na bag. Napabuntong hininga na lamang. Bakit ba kasi napaka-inutil ko, nanakaw na nga ang aking bag at ngayon ay naiwanan ko pa.

Nagpatuloy kami sa paglalakad patungo kung saan kami galing kanina. Nang makarating na kami sa lugar na tinambayan namin ay agad akong tumakbo papalapit sa upuan. Natatanaw ko ang aking bag na nakalapag doon.

Kinuha ko iyon at tinignan ko ang mga laman, sa kabutihang palad ay wala naman akong nakitang kulang. Mabuti't wala masyadong dumadaan dito kaya't walang nakakita at nagtangkang magnakaw.

"Mabuti na lang walang nakakuha niyan," saad niya sabay upo sa upuan. "Ang bilis mong maglakad," dagdag niya pa habang hinihingal.

"Pasensya na." umupo sa tabi niya habang hinahabol ko rin ang aking hininga.

Medyo madilim na ang paligid, ang kanina'y kulay kahel na langit ay nagsisimula ng maging kulay abo, madami na ring lamok ang naglilipadan sa amin.

"Alam mo ba kung saan ang daan pabalik sa tren?" tanong ko habang nakatitig lamang sa malayo.

"Alam ko ang daan ngunit hindi ko pa ito masyadong kabisado, pero naaalala ko naman kung paano makabalik."

"Bumalik na kaya tayo roon? Madilim na rin kasi at baka mahirapan tayong makabalik kung mamaya pa tayo maglalakad, mahirap pa namang dumaan sa kakahuyan kapag madilim na," pagpapaliwanag ko sa kanya. Nanahimik lamang siya at mukhang may iniisip.

"Tama ka. Tara na't bumalik na tayo bago pa tayo abutan ng dilim," saad niya sabay tayo sa kanyang kinauupuan.

Inilahad niya ang kanyang kamay sa akin upang tulungan akong tumayo ngunit inirapan ko lamang ang kamay niya at imbis na hawakan ko ito ay iniabot ko sa kaniya ang aking bag dahilan upang siya'y matawa.

Catastrophe Between Us (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon