Hi, pinutol ko po yung sa last na chapter masyado kasing mahaba hehehehe.
**********
Amalia's POVMatapos sumuko ng Pilipinas sa mga Hapon ay nabalitaan namin na pinaglakad ang mga sundalo mula Mariveles, Bataan hanggang sa Camp O'donell, Tarlac, dahil doon ay napagdesisyunan ni propesor Barbara na magpadala ng ilang mga nurse at doktor upang tulungan ang mga sundalong pinaglakad.
Kasalukuyan kaming nakasakay sa jeep kasama si Cecillia, si Ms.Williams, si doktora Alcaraz at ang iilang mga kawani ng ospital upang magbigay tulong sa mga sundalo. Kaunti lamang ang mga pupunta sa stasyon ng tren sa Angeles, Pampanga dahil isang jeep lamang ang sasakyan namin. Mabuti na lamang at may mga tao na nag-abot ng tulong sa amin kagaya ng mga medisina at pagkain na makakatulong para sa mga sundalo.
Higit walong oras na kaming bumabiyahe patungo sa stasyon ng Angeles dahil doon namin nabalitaan na isasakay ang mga sundalo.
"Ayos ka lang ba?" tanong sa akin ni Cecillia.
Makalipas ang ilang buwan matapos pumanaw si Lorena ay palaging nandiyan si Cecillia para sa akin, masasabi ko na paminsan-minsan ay napapagaan niya ang aking pakiramdam ngunit hindi pa rin maalis sa puso ko ang hinagpis dahil sa pagkawala ni Lorena.
"Ayos lang ako, huwag kang mag-alala," saad ko sabay ngiti ng mapait sa kaniya.
Habang palapit kami ng palapit sa stasyon ng Angeles, Pampanga ay pabilis din ng pabilis ang pagtibok ng aking puso. Hindi ko alam kung ano'ng mararamdaman ko kapag nakita ko si Danilo roon. Kalahati ng puso ko ay matutuwa dahil buhay siya ngunit kalahati rin ay malulungkot dahil sa kaniyang sinapit.
"Andito na tayo," saad ni Doktora Alcaraz sa amin.
Malalim ang gabi at tahimik ang buong paligid. Sinadya talaga namin na gabi pumunta rito upang mas madali kaming makapuslit, mabuti na lamang at may kaibigan si Doktora Alcaraz na isang Hapon kaya't natulungan kami sa pagpunta rito.
Nagbabaan kami isa-isa at dahan dahan kaming pumasok sa loob ng stasyon, walang katao-tao rito, tila ba abandonado ang buong lugar, umaalingawngaw sa buong stasyon ang bawat yapak namin. May iilang mga kawani ng tren ang narito ngunit hinayaan nila kaming papasukin dahil alam nila ang aming pakay.
"Makinig kayong lahat! Dito tayo magpapalipas ng gabi, bukas darating ang mga sundalo rito at siguraduhin niyo na mag-iingat kayo. Walang dapat na mapapahamak sa inyo, kapag may nakita kayong sugatan ay tulungan niyo, mapa-Amerikano, Pilipino o kahit Hapon pa iyan. Tandaan niyo na ang tungkulin natin ay tumulong!" mahinang saad sa amin ni Doktora Alcaraz.
Tumango kaming lahat saka namin inilapag ang mga gamit at pagkain na dala namin. Naglatag kami ng mga banig sa loob ng budega upang doon kami magpalipas ng gabi.
Kinabukasan, agad naming hinanda ang mga pang-unang lunas at mga pagkain, halos limang oras kaming naghintay sa stasyon bago namin marinig ang malakas na ugong ng tren at ang maitim na usok na nilalabas nito. Unang dumating ang ibang mga sundalong Hapon upang magmasid sa mga taong nag-aabang sa stasyon, bukod sa amin ay mayroon ding ibang kababaihan ang may dalang mga pagkain upang mag-abot ng tulong.
Huminto ang tren sa aming harapan at agad itong bumukas dahilan upang magsihulugan ang mga sundalong nasa loob, nanlaki ang aking mata nang masilayan ang kalagayan ng mga sundalo, sa tingin ko'y ang iba sa kanila ay hindi na humihinga dahil nakapikit ang kanilang mga mata at ang iba ay hinang-hina na.
Nanlalambot ang aking mga tuhod dahil sa aking nasilayan, nabitiwan ko ang aking hawak na mga gamit dahilan upang mapatingin sa akin ang iba kong mga kasama.
"Amalia, ayos ka lang ba?" nag-aalalang tanong ni Cecillia sa akin.
"A-ayos lang ako, huwag niyo akong problemahin." pinulot ko ang mga gamit na aking nabitiwan.
BINABASA MO ANG
Catastrophe Between Us (COMPLETED)
Historical FictionPangarap o pag-ibig? Pamilya o bayan? Sa gitna ng gyera at labanan, dalawang tao ang paghihiwalayin ng kapalaran. Dalawang taong nag-iibigan na kumakapit sa pangakong walang kasiguraduhan. *** Sa ilalim ng pamamalakad ng mga Amerikano sa Pilipinas a...