"Sigurado ka ba na hindi mo na kailangan ng kasama?" tanong ni Lorena sa akin habang komportable siyang nakahiga sa kaniyang kama at pinapanuod akong mag-suot ng telang gwantes na umaabot hanggang siko.
Naglagay ako ng pulang kolorete (lipstick) at kinuha ang aking gantsilyong sumbrero (cochet hat) na kakulay rin ng aking bestida't gwantes.
"Ano ka ba, hindi na. Saka malapit lang naman ang aking pupuntahan," saad ko.
"Sige, mag-iingat ka ha? Ikumusta mo na lamang ako kay tatay Esteban," dagdag niya pa.
"Oo naman, sasabihin ko kay itay na hanapan ka ng mayamang binata upang makapangasawa ka na," biro ko sa kaniya.
Humagikhik naman siya aking biro. "Mabuti pa nga't sabihin mo 'yan sa kaniya at ng matuwa ako sa iyo."
"O'siya, sige mauna na ako. Mabilis lang naman ako roon," saad ko bago tuluyang makalabas sa aming silid.
"Mag-iingat ka," pahabol pa ni Lorena sa akin.
Pupunta ako ngayon sa Recto upang kitain ko si itay, bibigyan niya ako ng pera dahil naubos na ang salaping binigay niya noong nakaraan para pangastos ko.
Mabilis din akong nakarating sa Recto dahil kaagad naman akong nakasakay ng jeep at mabilis din ang daloy ng daan. Pumunta ako sa takdang tagpuan namin ni itay at nakita ko siyang nakatayo roon, nakasuot siya ng uniporme niyang pang-sundalo.
Maganda ang tindig ng katawan ng aking ama, matangkad at malaki ang kaniyang katawan. Ang moreno niyang kulay ay umaakma sa kaniyang matangos at makapal na kilay. Madami ang nagsasabi na nakuha ko raw ang mukha ng aking ama.
"Itay!" sigaw ko sa kaniya.
Agad akong tumakbo papalapit sa kaniya at niyakap ko siya.
"Ano ka ba Amalia, huwag ka masyadong magtata-takbo. Hindi dapat ganyan ang asal ng isang binibini," biro niya sa akin habang ginagaya niya ang tono ng pananalita ni inay, iyon kasi ang katagang laging sinasabi ni inay sa akin sa tuwing nagiging magaslaw ang aking mga kilos.
"Itay naman! Isusumbong kita kay inay!" pagbibiro ko rin sa kaniya.
Agad naman akong nakaramdam ng lungkot, siguro'y dahil nangungulila ako sa aking ina. magda-dalawang buwan na rin simula noong huli ko silang makita at mayakap.
"Naku! Ikaw talagang bata ka. Hindi ba't sinabi ko sa iyo na alas tres ang oras ng kita natin? Mag-aalas kwatro na bago ka dumating. Alam mo bang kanina pa ako naghihintay sa 'yo?" saad niya sabay tuktok ng mahina sa aking ulo.
"Pasensiya na po, medyo natagalan kasi ang tapos ng klase kaya't ngayon lang ako nakadating. Hindi niyo na po ba ako mapapatawad?" pinikit-pikit ko pa ang aking mga mata upang magpa-awa kay papa.
"O'siya sige, kunin mo na ito at tumigil ka na riyan sa iyong pagpapa-awa."
Inabot niya sa akin ang hawak niyang malaking supot at saka siya kumuha ng salapi sa kaniyang pitaka.
"Nagmamadali na ako dahil kanina pa naghihintay ang aming hukbo para lang sa akin."
Napatingin ako sa aking kaliwa upang makita ang mga malalaking kotse na puno ng mga Pilipino at Amerikanong sundalo, ang iba sa kanila ay kumakaway at ngumingiti sa akin ngunit hindi ko na lamang pinansin.
"Ano po ba ang mga laman nito?" tanong ko habang sinusuri ang laman ng malaking supot.
"Mga pagkain, biskwit at kape iyan, bigyan mo na lamang si Lorena kapag nais niya."
"Anak, ito panggastos mo. Kasya na ba 'yan para sa buong buwan?"
Inabot niya sa akin ang isang daang piso at agad ko itong kinuha at nilagay sa aking pitaka.
BINABASA MO ANG
Catastrophe Between Us (COMPLETED)
Historical FictionPangarap o pag-ibig? Pamilya o bayan? Sa gitna ng gyera at labanan, dalawang tao ang paghihiwalayin ng kapalaran. Dalawang taong nag-iibigan na kumakapit sa pangakong walang kasiguraduhan. *** Sa ilalim ng pamamalakad ng mga Amerikano sa Pilipinas a...