34- Devastated

57 20 82
                                    

Nakakuyom ang aking mga kamay habang tahimik kaming naglalakad ni Danilo papunta sa kweba ng marilag dahil ngayon ang araw ng kaniyang paglisan. Bitbit niya ang kaniyang bag na puno ng mga gamit at bitbit ko rin ang aking bag dahil pansamantala muna akong mananatili kila inay habang wala si Danilo.

Sa aking bawat hakbang ay lalong bumibigat ang aking paghinga. Nais ko siyang pigilan at magmaka-awa sa kaniya na huwag na lamang siyang tumuloy ngunit alam kong wala rin iyong bisa.

Nang makarating kami sa tagpuan ay nadatnan namin si Samuel na nakatayo roon at may hawak din siyang malaking bag. Tumigil kami sa paglalakad ni Danilo at nilapag niya ang hawak niyang bag sa lupa upang mahawakan ang aking kamay.

"A-aalis na ako," saad niya habang pinipisil-pisil niya ang aking kamay.

Nakayuko lamang ako at hindi ako makatingin ng diretso sa kaniya dahil alam ko na sa oras na magtama ang aming paningin ay hindi ko mapipigilan ang aking emosyon.

Pinagdikit niya ang aming mga noo dahilan upang magtagpo ang aming paningin. Kita ko sa mga mata niya ang labis na kalungkutan.

"Babalik ako, pangako iyan," mahina niyang saad.

Pinikit ko ang aking mata at hinawakan ko ang hugis ng kaniyang mukha, mula sa kaniyang ilong hanggang sa kaniyang mata, labi, pisngi at panga. Lahat iyon ay inisa-isa kong hawakan habang nakapikit ako dahil nais kong kabisaduhin ang bawat parte ng kaniyang hitsura.

Nais kong itatak sa aking isip ang kaniyang mga ngiti na nagpapabilis ng pintig ng aking puso, ang kaniyang mga labi at lahat ng mayroon siya dahil natatakot ako na baka'y matagalan siyang bumalik o baka'y hindi na siya makabalik. Ayoko mang isipin ang mga ganoong bagay ngunit alam kong may posibilidad na mangyari iyon.

Binuksan ko ang aking mata at hindi ko namalayan na pumapatak na pala ang aking luha. Marahan niyang pinunasan ang mga iyon.

"Huwag kang masayadong mag-alala dahil walang mangyayaring masama sa akin. Babalik ako at bubuo tayo ng masayang pamilya, kaya't huwag ka ng lumuha."

Hinigit niya ako palapit sa kaniya saka niya panandaliang inangkin ang aking mga labi. Sa pagkakataong ito ay hindi ko naramdaman ang kakaibang pakiramdam sa tuwing hinahalikan niya ako.

Samantala'y naninikip ang aking dibdib at lalong bumibigat ang aking paghinga. Hindi ko yata kayang magpaalam sa kaniya.

"Mag-iingat ka," saad ko habang patuloy na pumapatak ang aking mga luha.

Agad na nangilid ang luha sa kaniyang mata nang sinabi ko ang mga katagang iyon.

Inalis ko ang pagkakahawak niya sa akin. "Paalam, mahal na mahal kita," saad ko bago ko tuluyang binitiwan ang kaniyang mga kamay.

Tanaw ko sa kaniya ang kalungkutan ngunit tinalikuran ko na siya at naglakad ako palayo dahil kapag nagtagal ako sa posisyon na ganoon ay baka hindi ko mapigilan ang aking sarili na magmaka-awa ako sa kaniya.

"Magkikita rin ulit kayo," rinig kong saad ni Samuel kay Danilo sa aking likuran.

Napapikit na lamang ako habang humahakbang ako palayo, nanlalabo na ang aking paningin dahil sa mga luhang nagsisibagsakan sa aking mata.

Nais kong lumingon kay Danilo ngunit pinipigilan ako ng aking isip. Nais ko siyang yakapin at halikan pa sa huling pagkakataon ngunit alam kong mas higit akong masasaktan kapag ginawa ko iyon. Ayokong pahirapan siya at ang aking sarili.

Huminga ako ng malalim at nagpatuloy ako sa paglalakad, maliwanag ang kalangitan ngunit pakiramdam ko ay napakadilim ng paligid. Ang lahat ng mga binitiwan niyang pangako sa akin ay paulit-ulit kong nakikita sa aking isipan.

Catastrophe Between Us (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon