"Nasisiraan ka na ba? Ano sa tingin mo? Isang kilometro lang ang layo ng Davao?" iritado kong tanong sa kaniya.
"Haaaay, wala na tayong magagawa binibini, hindi naman na ako pwedeng umatras dahil naka-andar na ang barko," saad niya habang komportable siyang naka-upo sa upuan.
Inirapan ko siya bago ako tuluyang lumayo sa kaniya, hindi ko alam kung bakit mainit ang ulo ko ngayon, siguro'y dahil sa pagod at sakit ng katawan. Ang bigat ng aking pakiramdam at wala ako sa kalagayan upang makipag-usap kahit kanino man.
"Sandali Amalia!" narinig kong tawag niya sa akin. "Nag-aalala lang naman ako sayo kaya't sinamahan kita, malayo ang Davao para bumiyahe kang mag-isa," saad niya nang tuluyan niya akong maabutan.
"Kaya ko ang sarili ko Danilo, hindi ko kailangan ng kahit na sino! Naiintindihan mo ba? Nais kong mapag-isa ngayon, ayokong may kasama kaya kung maaari ay layu-layuan mo muna ako!" medyo napagtaasan ko siya ng boses dahilan upang magbago ang emosyon ng kaniyang mukha. Ipinikit ko panandalian ang aking mata upang pigilin ang pagka-inis.
"Dapat hindi mo na ako sinundan pa, ayos lang ako. Kaya ko kahit ako lang ang mag-isa," dagdag ko.
"Hindi 'yan totoo, huwag kang magsinungaling sa sarili mo. Sa pinagdadaanan mo ngayon ay kailangan mo ng kaibigan, kailangan mo ng masasandalan. Aminin mo man o hindi, iyon ang totoo," mahinahon niyang saad. Hindi ko na lamang siya pinansin at tinalikuran ko ulit siya.
"Amalia, tandaan mo na hindi ka nag-iisa sa laban na 'to. Madaming tao ang nagmamalasakit sa 'yo, hindi mo naman kailangan harapin lahat ng pagsubok ng nag-iisa ka lang. Nandito kami na handa kang samahan," dagdag niya pa.
Hinawakan niya ang aking pulsuhan at hinigit niya ako palapit sa kaniya dahilan upang magdikit ang aming mga katawan. Aakma na sana akong lumayo sa kaniya ngunit hinagkan niya ako ng mahigpit dahilan upang hindi ako makaalis sa kaniyang mga bisig. Ang buong mukha ko ay kasalukuyang nakasubsob sa kaniyang dibdib habang nakapulupuot ang kaniyang braso sa akin.
"A-ano bang ginagawa mo?" tanong ko habang sinubukan kong kumalas sa pagkakayakap niya.
"Magiging maayos din ang lahat, magtiwala ka lang," saad niya habang tinatapik-tapik niya ang aking likod. Sa hindi ko malaman na dahilan ay biglang may namuong mga luha sa aking mga mata.
"Kapag naiiyak ka, ayos lang na umiyak, huwag mong pilitin itago ang tunay mong nararamdaman. Mahirap magpanggap na malakas kahit na sa totoo ay pagod ka na..."
"Mahirap ngumiti kung ang nais mo naman talagang gawin ay umiyak," dahil sa sinabi niya ay agad na nag-unahan ang mga luha ko na kahapon pa hindi lumalabas. Napakagat na lamang ako sa aking labi upang pigilan ang aking paghikbi, ang mga luha na matagal kong tinago ay ngayon lang ulit nakalabas.
"Ayos lang na umiyak, huwag mong pigilin ang iyong sarili. Huwag kang mag-alala, wala ni isang tao ang nandito kaya't walang nakakarinig sa 'yo," saad niya dahilan upang mapahagulhol ako sa pag-iyak.
Aaminin ko na para akong mawawalan ng bait simula noong pumanaw si itay dahil palagi kong sinasabi sa sarili ko na kaya ko ito at kakayanin kong makabangon. Palagi kong sinasabi sa aking sarili na ayos lang ako ngunit ang totoo ay hindi. Nasasaktan ako at nahihirapan, alam kong nandyan si Lorena at Danilo upang makinig sa akin ngunit ako mismo ang hindi handang pag-usapan ang nangyari dahil hanggang ngayon ay hindi ko pa matanggap na wala na si itay.
Halos mabasa ko na ng luha ang buo niyang damit pang-itaas, hindi ko alam kung ilang minuto o oras kaming nanatili sa ganoong posisyon. Umiyak lamang ako ng umiyak hanggang sa maubos ang aking luha.
MADILIM at tahimik na ang buong paligid, lahat ng mga pasahero ay matiwasay na natutulog sa kani-kanilang mga higaan. Nilingon ko si Danilo na kasalukuyang nasa tapat ng aking hinihigaan na kama, mahimbing na rin siyang natutulog.
BINABASA MO ANG
Catastrophe Between Us (COMPLETED)
Historical FictionPangarap o pag-ibig? Pamilya o bayan? Sa gitna ng gyera at labanan, dalawang tao ang paghihiwalayin ng kapalaran. Dalawang taong nag-iibigan na kumakapit sa pangakong walang kasiguraduhan. *** Sa ilalim ng pamamalakad ng mga Amerikano sa Pilipinas a...