31- Forever, Everyday

53 21 79
                                    

Pinapanood ko kung paanong mabilis na bumagsak ang ulan na nanggagaling sa madilim na kalangitan. Wala akong ibang naririnig kundi ang tunog ng kidlat na naglalaro sa langit.

Naka-ilang buntong hininga na ako habang nakatayo dito sa balkonahe ng aming silid. Alas-onse na ng gabi ngunit gising na gising pa rin ang aking diwa. Ilang araw na ang nakalipas simula noong natanggap ko ang dolyar na binigay ng babae ngunit hanggang ngayon ay nasa isip ko pa rin kung bakit at paano niya nakilala si Danilo.

Hindi ko na nagawang matanong kay Danilo ang mga nais kong tanungin dahil naging abala siya sa kung ano-anong mga bagay. Mag-iisang linggo na akong nakakulong dito sa silid at mag-iisang linggo na rin kaming hindi nagkakapag-usap ni Danilo dahil tuwing pagising ko ay wala na siya rito. Nag-iiwan lamang siya ng sulat at pagkain sa sala kaya't kahit papaano'y nabubuhay pa ako.

Napapitlag ako ng biglang may kumatok sa pinto. Dali-dali akong tumakbo at binuksan iyon sa pag-aakalang si Danilo na ang kumakatok.

Kumunot ang aking noo nang makita ang isang pamilyar na lalaki ang nasa tapat ng aming pinto Nakayuko siya at nakatakip ang kaniyang mukha kaya't hindi ko matandaan kung sino siya.

"Ano hong kailangan nila---" hindi ko naituloy ang aking sasabihin dahil bigla siyang pumasok sa aming silid saka niya sinara ang pinto.

Sisigaw na sana ako dahil sa lubos na pagkatakot ngunit tinanggal niya ang telang nakaharang sa kaniyang mukha dahilan upang maalala ko kung sino siya.

Siya ang lalaking kausap ni Danilo noong nakaraang linggo. Sa pagkakatanda ko ay siya si Samuel ngunit bakit siya nandito?

"Nasaan si Danilo?" diretsong tanong niya sa akin.

"H-hindi ko alam. Kanina pa siya umalis at hanggang ngayon ay wala pa rin siya dito."

"Kapag dumating siya, pakisabi na sa darating na enero ay dadating ang mga Amerikanong sundalo sa Lingayen, Pangasinan upang iligtas ang buong bayan. Pinadala na ng American Embassy ang mga kailangan naming gamit at mga armas," saad niya sa akin saka siya tumalikod upang lumabas ngunit agad ko ring hinila ang kaniyang braso dahilan upang mapatingin siya sa akin.

"A-anong Amerikanong sundalo ang pinagsasabi mo? Bakit may mga armas na k-kailangan at bakit sangkot si Danilo rito?" sunod-sunod na tanong ko sa kaniya. Nanginginig ang aking boses dahil sa takot na marinig ang mga sagot sa aking tanong.

Bahagyang nanlaki ang kaniyang mata dahil sa aking tanong. "Hindi pa ba sa 'yo sinasabi ni Danilo?"

Lalong lumakas ang tibok ng aking puso dahil alam ko na may mga bagay na hindi sinabi sa akin si Danilo at kinakabahan ako na baka'y tungkol na naman ito sa isang digmaan.

"Ang alin? Sabihin mo nga sa akin, alin ang hindi niya sinasabi sa akin." lumapit ako sa kaniya saka ko hinawakan ang magkabilaan niyang balikat.

Huminga muna siya ng malalim bago magsalita. "Sa darating na enero ay darating ang mga Amerikanong sundalo rito sa Lingayen, Pangasinan kasama si Heneral Douglas MacArthur upang makipagdigmaan sa mga Hapon upang makalaya ang Pilipinas... May ilang mga pinadalang espiya ang American Embassy upang palihim na maghatid ng impormasyon sa Amerika... at isa kami ni Danilo sa mga espiya na iyon, at sa enero sasama kami sa mga sundalong darating sa Pangasinan upang lumaban sa padating na digmaan."

Tila ba binuhusan ng malamig na tubig ang buo kong katawan. Panandalian akong hindi nakagalaw dahil sa aking mga narinig. Bumitiw ako mula sa pagkakahawak ko sa kaniyang balikat at naramdaman ko ang biglaang paglambot ng aking tuhod dahilan upang mapa-upo ako sa sahig.

Yumuko siya sa aking harapan at tinignan niya ako diretso sa aking mata. "Amalia, sana'y maunawaan mo na ginagawa ito ni Danilo hindi para sa kaniyang sarili kundi para sa iyo at para sa bayan. Naiintindahan kong mahal mo si Danilo ngunit sana'y intindihin mo rin na kailangan ng Pilipinas ang kagaya niya upang mawala na itong paghihirap na nararanasan ng buong bansa."

Catastrophe Between Us (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon