27- All at Once

48 21 66
                                    

"Pagkatapos kaming palakarin mula sa Mariveles hanggang Camp O'donell ay kaunti na lamang ang natirang mga sundalo. Halos kalahati sa aming mga kasamahan ay namatay. Kaya't noong pagdating namin sa Camp O'donell ay binigyan nila kami ng kaunting pagkain," kwento ni Danilo habang nakatingin lamang siya sa aming mga paa na kasalukuyang nakababad sa sapa.

Malamig ang tubig na dumadaloy sa aming mga paa na napakasarap sa pakiramdam.

"Paano ka nakaligtas?"

"Nag-usap kami nila Samuel at nagplano kami kung paano makakatakas. Kaya noong gabi na dumating kami sa Camp O'donell ay sinagawa namin ang pagtakas kasama ang iilang mga sundalo. Nagtagumpay kami dahil karamihan sa mga Hapon ay pagod at nagpapahinga. Nilakad namin mula Camp O'donell hanggang sa makarating kami sa Maynila. Inabot kami ng halos limang araw."

Napansin ko na maluha-luha siya habang kinukwento niya iyon. Ramdam ko ang sakit at pagod na pinagdaanan nila upang mabuhay lamang.

"Noong mga oras na naglalakad kami ay wala na kaming lakas, dumating na nga sa punto na nais ko ng sumuko na lamang at hayaan ang aking sarili na pumanaw ngunit hindi ko ginawa..."

"Dahil may pangako akong iniwan, dahil alam kong may taong naghihintay sa aking pagdating kaya't kahit gaano kahirap ay pinagpatuloy kong lumakad."

Iginawi niya ang kaniyang tingin sa akin. Nag-uumapaw sa emosyon ang kaniyang mga mata habang diretso siyang nakatitig sa akin. Naramdaman ko ang biglaang pagbilis ng pintig ng aking puso dahil alam kong ako ang dahilan kung bakit siya nagpatuloy.

"Nais ko ng sumuko ngunit may isang tao ang nagbibigay inspirasyon sa akin. Noong makarating kami sa Maynila ay parang mga bangkay na lamang kami na naglalakad. Wala kaming mga suot na tsinelas at napakameserable ng aming mga hitsura."

Tila ba dinudurog ang aking puso habang naririnig ko ang kaniyang mga pinagdaanan. Naiinis ako sa aking sarili dahil wala akong ibang ginawa kundi maghintay sa kaniya at ako pa ang may ganang sumama ang loob gayong napakahirap ng kaniyang mga pinagdaanan.

"Mabuti na lamang at pagdating ko sa Maynila ay nandoon ang mga tauhan ng aking ama at tinulungan nila kaming makarating sa mga dapat puntahan ng aking mga kasamahan. Nabalitaan ko rin na pinapahanap ako ng aking ama upang dalhin ako sa U.S dahil nandoon sila kasama ang aking pamilya. Makalipas ng ilang araw na pagdaging namin noon sa Maynila ay lumipad ako papuntang US gamit ang war planes."

Nakahinga ako ng malalim nang marinig ang kaniyang sunod na ikinuwento.

"N-natuloy ba ang kasal ninyo ni Ms.Williams?" hindi ko maiwasan na hindi itanong sa kaniya iyon dahil matagal ng bumbagabag sa aking isipan kung pinakasalan niya ba si Ms.Williams.

"Hindi dahil noong dumating ako sa U.S ay umamin si Marjorie sa aking ama na may iba na siyang iniibig at ayaw niyang ituloy ang kasal sa akin, at dahil nagkaroon kami ng kasunduan ng aking ama na kapag tumulong ako sa digmaan ay hindi niya itutuloy ang kasal namin ni Marjorie kaya tuluyan niya ng pinutol ang kasunduan na iyon."

"Sa pananatili ko doon ay ginugol ko ang aking oras sa pag-aaral kaya't ngayon ay isa na akong ganap na guro," nakangiti niyang saad sa akin.

"Ikinagagalak ko na marinig iyon," tugon ko saka binigyan ko siya ng isang napakatamis na ngiti. Hindi ko akalain na magiging isa siyang guro dahil naalala ko noong sinabi niya sa akin na wala siyang pangarap sa buhay kundi ang makasama ang kaniyang ina. Natutuwa ako dahil kahit papaano'y naging maayos ang kaniyang kalagayan.

"Salamat," sagot niya bago tuluyang kainin ng katahimikan ang buong paligid.

Ilang minuto rin kaming nanatili sa kwebang iyon bago namin napagdesisyunan na umuwi dahil nagdidilim na.







Catastrophe Between Us (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon