"Napakabilis ng panahon, parang kahapon lang ay musmus ka lamang ngunit ngayon ay ikakasal ka na," maluha-luhang saad sa akin ni inay habang yakap niya ako. "Hindi ko akalain na mawawalay ka na sa amin."
"Huwag po kayong mag-alala inay, malapit lang naman ang tirahan ni Danilo pwedeng-pwede po kayong dumalaw roon kahit ano'ng oras," saad ko habang hinahaplos-haplos ko ang kaniyang likod.
"Anak, maging mabuti kang asawa ha dahil mukhang magiging mabuting asawa rin si Danilo." tumango-tango ako sa kaniya bago ako bumitiw sa kaniyang pagkakayakap.
Tinignan ko ang aking sarili sa salamin, maayos na nakakulot ang aking buhok, ang mga pilikmata ko ay makapal at ang labi ko ay katamtaman lamang ang kulay.
Ngayon ang araw ng kasal namin ni Danilo at hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyayari, tila ba panaginip lamang ang lahat ng ito.
Sinalubong namin ang bagong taon habang bumibiyahe kami pabalik dito sa Pangasinan. Pagbalik namin galing sa Maynila noong isang araw ay agad hiningi ni Danilo ang aking kamay kila inay na agad namang sinang-ayunan nila.
Nagtataka lamang sila dahil masyado raw biglaan ang aming kasal. Maski ako ay nabibilisan sa mga pangyayari ngunit nais kong sulitin ang oras habang kasama ko si Danilo dahil sa susunod na dalawang araw ay darating na ang mga sundalong Amerikano at lilisan siya upang lumaban sa digmaan.
"Sige na't isuot mo na itong gwantes mo dahil siguradong naghihintay na sa 'yo ang iyong mapapangasawa," saad niya saka niya ako tinulungan na suotin ang mahabang tela na gwantes sa aking kamay, kulay puti ito na kapares ng kulay puti ko ring suot na bestida.
Simpleng bestida lamang ang suot ko dahil wala naman kaming inimbitahan ni Danilo, tanging sina inay, Cecillia, ate Kristin at ang padre na magbabasbas sa amin ang dadalo dahil hindi rin naman pwedeng magkaroon ng okasyon sa mga simbahan dahil siguradong hindi papayag ang mga Hapon.
Tinulungan ako ni inay na makasakay sa karwahe papuntang kweba ng marilag dahil napagdesisyunan namin ni Danilo na doon gaganapin ang aming kasal.
"Ipinadala ko na ang lahat ng iyong mga gamit sa bahay ni Danilo kaya't wala ka ng poproblemahin pa," saad niya sa akin.
Kagaya ng mga bagong kasal ay napag-usapan din namin ni Danilo na sa bahay niya ako maninirahan dahil mag-asawa na kami.
Mabilis kaming nakarating ni inay sa kweba ng marilag kung saan walang katao-tao. Naunang pumasok si inay sa akin upang sabihin sa kanila na dumating na ako.
Kasalukuyang nasa loob sina Cecillia at ate Kristin upang mag-asikaso sa loob.
Huminga ako ng malalim bago ako humakbang. Nangangatog ang buo kong katawan dahil sa kaba. Ipinikit ko ng panandalian ang aking mata upang maikalma ko ang aking sarili.
Alam ko na kapag pumasok ako sa kweba na ito ay malaking pagbabago ang mangyayari sa aking buhay ngunit handa akong harapin ang lahat ng mga pagbabago lalo na kung kasama ko si Danilo.
Sinumulan ko ng maglakad papasok ng kweba, madilim at makipot ang daan dahilan upang lalong bumilis ang tibok ng aking puso. Tila ba may kumikiliti sa aking sikmura, natatakot ako, nalulungkot at masaya sa parehong pagkakataon.
Pagpasok ko sa loob ay agad na napukaw ng aking mata ang mga rosas na nakakalat sa buong paligid. Ang buong kweba ay nagliliwanag dahil madaming kandilang nakasindi sa gilid at mayroon ding pulang mahabang alpombra (carpet) sa sahig na nagsisilbing pasilyo papunta sa pari. Lumapit sa akin si Cecillia upang iabot ang isang tungkos ng puting rosas.
Pinagmasdan ko ang paligid, maganda at maayos ang lahat. Nakatayo sina inay, Cecillia at ate Kristin sa gilid, samantalang nakatalikod si Danilo sa dulo ng kweba habang kasama niya ang padre.
BINABASA MO ANG
Catastrophe Between Us (COMPLETED)
HistorycznePangarap o pag-ibig? Pamilya o bayan? Sa gitna ng gyera at labanan, dalawang tao ang paghihiwalayin ng kapalaran. Dalawang taong nag-iibigan na kumakapit sa pangakong walang kasiguraduhan. *** Sa ilalim ng pamamalakad ng mga Amerikano sa Pilipinas a...