Ang malamig na tubig sa sapa ay dumadaloy sa aking paa. Bahagya kong winawasiwas ang tubig upang mabasa ang binti ni Danilo na nakasawsaw sa sapa. Walang ibang maririnig sa loob ng kweba kundi ang tubig na aking kinukumpas.
"Ano ang nangyari riyan?" tanong ko nang nagawi ang aking tingin sa kaniyang kamay na may malalim na peklat.
Himinga siya ng malalim bago siya sumagot. "Tinamo ko iyan noong sinubukan kong tulungan ang isang sundalo. Bunuhat ko ang nagbabagang bakal upang matulungan siya."
Kinuha ko ang kaniyang palad saka ko hinawakan ang malalim niyang peklat. Ipinadaan ko ang aking mga daliri sa kaniyang kamay saka ako huminto sa kaniyang peklat.
Hindi ko mapigilan na hindi maawa dahil sa mga pinagdaanan niya, ang mga peklat at sugat niya ay senyales na paulit-ulit siyang nasaktan at wala akong alam sa lahat ng iyon.
Inilapit ko ang kaniyang kamay sa aking labi saka ko hinalikan ang kaniyang malalim na peklat. Ramdam ko ang kaniyang mga titig habang ginagawa ko iyon.
Idinikit ko ang kaniyang kamay sa aking pisngi at ipikit ko ang aking mata upang damahin siya. Ilang segundo ako nanatili sa ganoong posisiyon.
Nang buksan ko ang aking mata ay agad akong lumingon sa kaniya ngunit agad din siyang nag-iwas ng tingin sa akin.
"Tinititigan mo ba ako?" pang-aasar ko sa kaniya dahil alam kong kanina pa siya nakatitig.
"H-hindi ah!" nauutal niyang saad sa akin saka siya lalong nag-iwas ng tingin.
Lumapit ako sa kaniya upang tignan siya sa mata ngunit pilit siyang umiiwas sa akin. Inabot ko ang kaniyang pisngi at pilit ko siyang hinarap sa akin.
"Tinititigan mo ako eh!" nakangisi kong saad habang hawak ko ang magkabilaan niyang pisngi upang diretso siyang makatingin sa akin.
"Hindi ko ba maaring gawin iyon?" nakita kong naging seryoso ang kaniyang mukha.
"Maari mo akong titigan kahit gaano pa katagal..." saad ko saka pinagdikit ko ang aming mga noo. "kahit ganito pa kalapit ay ayos lang."
Napangiti siya sa aking sinambit. Nilapag niya ang kaniyang kamay sa aking pisngi saka niya ito hinaplos-haplos.
"Hindi ako makapaniwala na pwede kong gawin ang mga bagay na iyon," mahina niyang saad.
Ipinikit ko ang aking mata at dinama ang bawat haplos niya. "Ang alin?" tanong ko.
"Ang mahawakan ang iyong mukha at masabi ko sa iyo kung gaano ka kahalaga para sa akin." napangiti ako dahil sa kaniyang sinambit. Kahit ako'y hindi makapaniwala na darating kami sa ganitong sitwasyon.
Minulat ko ang aking mata dahilan upang magtagpo ang aming paningin. Hindi ko alam kung ilang segundo o minuto akong nakatitig sa kaniya. Ang alam ko lamang ay para akong nasa ibang mundo sa tuwing nasa akin ang kaniyang paningin.
Unti-unti kong inilapit ang aking mukha sa kaniya dahilan upang magdikit ang aming mga ilong. Ipinikit ni Danilo ang kaniyang mata sa pag-aakala na hahalikan ko siya.
Agad akong napangiti nang masilayan siyang nakapikit. Inilagay ko ang aking kamay sa kaniyang braso at bumwelo ako upang ihulog siya sa sapa. Mabilisang nabasa ang kaniyang katawan dahil medyo malalim ang sapa. Nanlaki ang kaniyang mga mata dahil sa aking ginawa.
Malakas akong tumawa dahil sa kaniyang reaksiyon, mukha na siyang basang sisiw na nahulog sa tubig.
Napatili ako nang lumapit siya sa akin at hinigit niya ang aking balakang dahilan upang pareho na kaming maligo sa sapa.
Ang suot kong bestida ay mabilis na nabasa, at ang malamig na tubig na kanina'y sa paa ko lamang gumagapang ay dumadaloy na ngayon sa buo kong katawan.
BINABASA MO ANG
Catastrophe Between Us (COMPLETED)
Historical FictionPangarap o pag-ibig? Pamilya o bayan? Sa gitna ng gyera at labanan, dalawang tao ang paghihiwalayin ng kapalaran. Dalawang taong nag-iibigan na kumakapit sa pangakong walang kasiguraduhan. *** Sa ilalim ng pamamalakad ng mga Amerikano sa Pilipinas a...