Third Person Point of View
Enero, 1942"TULUNGAN NIYO ANG AKING KAPATID!" Malakas na sigaw ng lalaki habang pinagsisira niya ang mga gamit sa loob ng ospital. Labis labis ang galit na kaniyang nararamdaman dahil magdadalawang linggo ng hindi nabibigyan ng gamot ang kaniyang kapatid.
Walang magawa ang mga kawani ng ospital kung hindi hayaan ang lalaki sa kaniyang paghihinagpis dahil maski sila ay walang magawa sa mga nangyayari. Ang mga nurse at doktor ay pinapanuod lamang kung paano magwala ang lalaki, nais nilang pigilan ito sa pagsira ng mga gamit ngunit wala na silang lakas upang kumilos pa, isang linggo na silang puro tubig at kapirasong kamote ang kinakain at ngayon ay magdadalawang linggo na silang nalilipasan ng gutom.
"PAPANOORIN NIYO NA LAMANG BA SIYA NA MAMATAY? HINDI BA'T MGA MANGGAGAMOT KAYO? BAKIT PINAPANUOD NIYO LANG MAMATAY ANG LAHAT NG PASYENTE RITO?" Walang tigil ang lalaki sa pagsigaw. May iilang mga nurse ang naluha sa kaniyang mga sinabi. Totoo't mga mangagamot sila ngunit sa mga oras na ito'y wala silang magawa kung hindi panoorin ang mga pasyente na malagutan ng hininga.
Dahil sa ingay na nagagawa ng lalaki ay nabulabog ang pag-iisip ni propesor Barbara mula sa kaniyang opisina.
"TUMIGIL KA SA IYONG PAGWAWALA KUNG AYAW MONG PAALISIN KO KAYO NG KAPATID MO RITO SA OSPITAL!" Umalingawngaw sa buong gusali ang sigaw ni propesor Barbara na nakapagpatigil sa lalaki.
"SA TINGIN MO BA IKAW LANG ANG NAHIHIRAPAN SA SITWASYON NATIN?" Dagdag ni propesor Barbara. Galit na galit na siya ngayon dahil para na siyang mababaliw kaka-isip kung paano sila makakakuha ng pagkain.
Matapos tuluyang masakop ng Hapon ang Maynila noong ika-2 ng enero ay tuluyan ng naglugmok ang lahat ng Pilipino na nakatira sa Maynila. Lampas dalawang linggo na silang hindi lumalabas ng ospital dahil nagkalat sa buong syudad ang mga hapon. Madami na ang mga namatay sa ilalim ng kamay ng mga Hapon, ang kahit na sinong nagrereklamo sa kanilang pamamalakad ay kaagad pinapaslang, kung minsan ay kahit walang ginagawang masama ang mga tao ay walang awa nila itong pinapaslang.
"Sa tingin niyo ba ay madali para sa amin na makitang unti-unting namamatay ang mga tao dahil sa gutom?" nanginginig na ang kaniyang boses dahil pati siya ay nahihirapan sa kanilang sitwasyon. Nais niya mang tulungan ang bawat isa ay wala siyang magawa dahil kapag may lumabas sa kanila ay malaki ang posibilidad na papatayin sila ng mga Hapon o gagawin silang alipin.
"Ginagawa namin ang lahat para sa kapakan ng bawat isa. Pati mga dapat na kakainin namin ay ibinibigay namin sa lahat ng pasyente, kaya't wala kang karapatan na magwala at gumawa ng eksena rito." napatahimik ang lalaki at panandalian siyang kumalma, natauhan siya sa lahat ng sinabi ng ginang na kaniyang kaharap.
Samantala sa kabilang silid ay may maliit na pagpupulong na nangyayari na pinangungunahan ni Amalia at Lorena. Binabalak nila na lumabas ng ospital mamayang gabi upang kumuha ng pagkain sa isang malaking pamilihan malapit lamang sa kanila. Batid nila na delikado ang hakbang na gagawin nila ngunit hindi nila maatim na makita ang lahat ng mga tao sa loob ng ospital na unti-unting mamatay dahil sa gutom.
"Siguraduhin niyo na hindi ito malalaman ng kahit na sinong nakakataas lalong-lalo na ni propesor Barbara," mahinang bulong ni Amalia.
"Ngunit paano kung wala ng mga pagkaing natitira roon," nakakunot noong tanong ni Carmen, isa sa mga kaklase niya at estudyante rin ng nursing.
"Malaking pamilihan iyon kaya't siguradong hindi mauubos ang mga pagkain doon," sabat naman ni Lorena. "Sasama ba kayo o hindi?" tanong niya pa ulit ng may pamimilit sa mga kaklase nila na naki-isa sa maliit na pagpupulong.
"Sasama ako," sagot ni Maria.
"Ako rin sasama ako," dagdag ni Divina.
Palihim na napangiti si Lorena dahil mukhang magtatagumpay sila sa kanilang plano.
BINABASA MO ANG
Catastrophe Between Us (COMPLETED)
Historical FictionPangarap o pag-ibig? Pamilya o bayan? Sa gitna ng gyera at labanan, dalawang tao ang paghihiwalayin ng kapalaran. Dalawang taong nag-iibigan na kumakapit sa pangakong walang kasiguraduhan. *** Sa ilalim ng pamamalakad ng mga Amerikano sa Pilipinas a...