17- Let's Fall In Love

69 21 38
                                    

"Amalia? Ikaw na ba 'yan?" bungad na tanong sa akin ni lola Valentina nang makarating kami sa kaniyang tahanan.

Makalipas ang tatlong taon ay ganoon pa rin ang hitsura ni lola, ang maputi at mahaba niyang buhok ay walang pinagbago, napansin kong nadagdagan lalo ang mga kulubot sa kaniyang mukha at tumaba rin siya ng kaunti ngunit walang nagbago at masayahin pa rin siya.

"Opo lola, ako na nga ito," saad ko sabay yakap sa kaniya ng mahigpit.

Napatingin ako sa buong paligid, malinis at malamig sa loob ng bahay ni lola. May kalakihan ang bahay dahil mayroong dalawang palapag at may mga balkonahe ang mga silid. Ang buong bahay ay gawa sa kawayan kaya't mas malamig ang pakiramdam dito.

"Napakabilis ng mga pangyayari. Hindi ko akalain na sa ganitong paraan papanaw si Esteban," bulong ni lola habang magkayakap kami, nanginginig ang kaniyang boses senyales na pinipigilan niya ang kaniyang pag-iyak.

"P-patawad po lola! W-wala man lang akong nagawa." tumingala ako upang pigilin ang mga luhang nagbabadyang bumagsak.

"Wala kang kasalanan Amalia! H-hindi ka dapat humihingi ng tawad. Walang may nais sa nangyari." kumalas si lola mula sa pagkakayakap niya sa akin at nagawi ang kaniyang tingin kay Danilo.

"Siya ba ang iyong kasintahan? Magpapakasal na ba kayo?" parehong nanlaki ang mga mata namin ni Danilo sa sinambit ni lola.

"Hindi po lola, kaibigan ko lamang siya."

"Magandang araw po sa inyo lola, ako nga po pala si Danilo Acasia. Matalik na kaibigan ni Amalia," magalang na nagpakilala si Danilo at nagmano siya kay lola.

"Ay pasensiya na, akala ko'y magkasintahan kayo. Magandang araw rin sa iyo Danilo! Napakagalang mong bata."

"Halikayo't kumain muna, galing pa kayo sa Maynila kaya't alam kong pagod kayo," saad ni lola at naglakad siya papunta sa silid kainan.

Inilapag namin ang lahat ng aming mga dala sa sala bago umupo sa hapag-kainan. "Noong isang-araw pa dumating dito ang bangkay ni Esteban," walang emosyong saad ni lola.

"Nasaan po si itay?" tanong ko.

"Nasa likod ng bahay, nandoon din ang isang hukbo ng mga sundalo na nakikiramay sa pagkawala niya. Mabuti't mababait ang mga katrabaho ng iyong ama at sila na ang nag-asikaso ng mga kakailanganin sa pagpapalibing."

Hinainan niya kami ng samu't saring pagkain, kaming dalawa lamang ni Danilo ang nandito ngunit parang isang batalyon ang papakainin ni lola. Nakipagkwentuhan pa sa akin si lola at nagtanong tungkol sa mga pangyayari.

Kinagabihan, nag-ayos kami ng aming mga gamit. Mayroong limang kwarto ang bahay ni lola kaya't pinahiram niya ang isa kay Danilo, samantala ako naman ay nanatili sa kwarto namin ni ate Kristin (nakakatanda kong kapatid).

Pagkatapos kong makapagligpit ay agad kaming tumungo ni Danilo sa likod ng bahay kung saan nakaburol si itay. Malaki ang bakuran sa likod ng bahay ni lola kaya't kasya silang lahat dito.

"Alam mo bang sila lang ang gumawa ng kubo na ito upang kahit papaano'y may masilungan sila." hindi ko napansin na nasa tabi ko pala si lola.

Napatingin ako sa pinagtagpi-tagping malaking kubo dito.

"Nakakatuwang isipin na nag-abala pa silang lumuwas sa Davao upang makiramay sa atin," dagdag ni lola habang tinititigan niya ang mahigit dalawampung sundalo na ngayo'y natutulog. Ang iba ay nakahiga na sa sahig at nagkumot samantalang ang iba ay natutulog habang naka-upo.

"Pumasok na po kayo lola, malamig na ang panahon. Ako na ho ang bahala rito," saad ko kay lola ngunit agad nagsalubong ang kaniyang kilay.

"Kayong dalawa ang pumasok sa loob, alam kong pagod kayo galing sa biyahe kaya't magpahinga na kayo." magrereklamo pa sana ako't sasagot ngunit agad niya akong pinanlakihan ng mata.

Catastrophe Between Us (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon