33- Riding The Wave

55 20 93
                                    

Marahan kong minulat ang aking mata dahil sa sikat ng araw na tumatama sa akin. Wala sa wisyo akong napangiti nang maalala ko ang mga nangyari.

"Magandang umaga!" halos mapabalikwas ako mula sa aking pagkakahiga nang biglang magsalita si Danilo sa aking tabi.

Nanlaki ang aking mata nang maalala ko na katabi ko nga pala siya. Malapad siyang nakangiti sa akin at tanaw na tanaw ko ang mga lubog sa kaniyang pisngi. Ang liwanag na nanggagaling sa bintana ay bahagyang tumatama sa kaniyang mukha dahilan upang magliwanag ang kulay tsokolateng niyang mata at lalo kong matanaw ang maliliit na pikas sa kaniyang pisngi.

Hindi ko mapigilan ang aking sarili na hindi mapatitig sa kaniya, tila ba isa siyang anghel dahil sa pagkaperpekto ng kaniyang hitsura.

Agad naman akong nahiya dahil pakiramdam ko'y ang gulo-gulo ng aking hitsura. Hinanap ko ang kumot saka ko ito tinalukbong sa aking mukha at tumalikod ako sa kaniya.

"Amalia? Ayos ka lang ba?" narinig kong tanong niya, naramdaman ko ang paggalaw ng kama senyales na lumalapit siya sa akin.

"A-ayos lang ako," saad ko habang pilit kong tinatago ang aking mukha sa kaniya.

Sa ilalim ng kumot ay tinanggal ko ang muta sa aking mata at hinaplos-haplos ko ang magulo kong buhok ngunit natigilan ako dahil sapilitang hinila ni Danilo ang kumot dahilan upang tuluyan niya akong makita.

Hinawakan niya ang magkabilaan kong braso upang magkaharap kami. Napatakip na lamang ako ng aking bibig nang dahan-dahan niyang ilapit ang kaniyang mukha sa akin.

Nakita kong nadismaya siya dahil sa aking ginawa. "B-bakit?" tanong niya.

"H-hindi pa ako nagsisipilyo," saad ko habang patuloy kong hinaharang ang aking kamay sa aking bibig.

Bahagya siya natawa dahil sa aking sinabi. Lalo pa siyang lumapit sa akin dahilan upang manlaki ang aking mga mata.

Hinalikan niya ang aking noo. "Kahit hindi ka magsipilyo ng ilang araw ay hahalikan pa rin kita."

Lumipat ang kaniyang tingin sa aking pisngi saka niya rin iyon hinalikan. "Kahit hindi ka maghilamos ay hahalikan pa rin kita."

Pinagapang niya ang kaniyang halik papunta sa aking ilong. "Kahit na hindi magsuklay ay araw-araw ko pa rin itong gagawin," saad niya pa bago niya pinaulanan ng halik ang aking mukha.

Dahan-dahan niyang nilapit ang kaniyang labi sa kaliwa kong mata dahilan upang napapikit ako. "Araw-araw."

Naramdamaan ko na naman ang nagwawalang pintig ng aking puso na animo'y nais nitong lumabas sa aking dibdib. Hinawakan niya ang kamay ko na nasa aking bibig at tinatanggal niya iyon mula sa aking pagkakatakip.

Nanlambot ako dahil dahan-dahan niyang pinapagapang ang kaniyang mga daliri sa aking kamay dahilan upang sumuko ako sa pagtakip sa aking bibig. Pinagbigkis niya ang aming mga daliri saka niya mabilis na inangkin ang aking mga labi.

Paulit-ulit niyang pinagdidikit ang aming mga labi dahilan upang ako'y napangiti. Hindi ko alam ngunit kahit ilang libong beses niya yata akong halikan ay hindi magbabago ang pakiramdam sa tuwing ginagawa niya iyon, ang damdamin ko ay sumisigaw dahil labis na emosyong kaya niyang iparamdam sa akin.







"HUWAG mong lagyan masyado ng asin, ayoko ng maalat na itlog," saad ko kay Danilo habang iniinit ko ang kawali.

"Opo senyora," tugon niya sa akin habang binabasag niya ang itlog sa mangkok.

Halos mapatalon ako sa gulat nang winaslikan ni Danilo ng tubig ang umiinit na kawali dahilan upang magsiputukan ang mantika.

"Ano ka ba!" galit na saad ko sa kaniya, pinanlakihan ko siya ng mata ngunit tinawanan niya lamang ako.

Catastrophe Between Us (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon