Bahagyang pumapatak ang aking pawis dahil sa liwanag ng araw na tumatama sa aking mukha. Maalinsangan ang paligid ngunit malamig ang simoy ng hangin dahil sa mga punong nasa paligid.
Mabilis na lumilipas ang oras sa tuwing kasama ko si Danilo. Araw ng pasko ngayon ngunit kagaya ng normal na araw ay walang selebrasyon na nangyari. Nakakulong lamang ang lahat ng mga tao sa kani-kanilang bahay upang magtago sa mga Hapon. Mayroon lamang maliit na handaan sa amin kagabi kasama si Danilo.
Mabilis ang oras at hindi ko namalayan na isang buwan na pala simula noong naging kasintahan ko si Danilo. Ang isang buwan na iyon na yata ang pinakamasyang parte ng aking buhay. Masaya ako na kasama sina inag at si Danilo. Wala na akong ibang mahihiling pa kundi ang bumalik sa dati ang lahat na kung saan wala ang mga Hapon at malayang namumuhay ang mga Pilipino.
Kagaya ng lagi kong ginagawa ay naglalakad ako papunta sa tagpuan namin ni Danilo. Binaybay ko ang daan papasok sa kweba at kagaya ng inaasahan ay nandoon si Danilo.
Agad kaming tumakbo palapit sa isa't-isa. Lumundag ako sa kaniya upang mayakap ko siya saka niya binalot ang kaniyang braso sa aking baywang upang mabuhat niya ako habang yakap namin ang isa't-isa
Naramdaman ko ang pag-angat ng aking mga paa sa lupa saka siya nagpa-ikot-ikot dahilan upang sumayaw ang laylayan ng aking bestida.
Dahan-dahan siyang huminto saka niya ako binaba sa kaniyang mga bisig. "Kumusta ka?" tanong niya sa akin saka niya hinalikan ang aking noo.
"Ayos lang ako, medyo mainit lamang sa labas kaya't pinagpapawisan ako."
Hinubad ko ang suot kong balabal saka ako umupo sa malaking bato sa gilid ng sapa.
"Ano nga pala ang mahalaga mong sasabihin sa akin?" tanong ko sa kaniya dahil inabutan niya ako ng sulat kahapon at sinabi niyang may mahalaga siyang sasabihin sa akin.
Napansin ko ang biglaang pagbabago ng kaniyang ekspresyon. Ang kaninang masaya niyang mukha ay napalitan ng kalungkutan.
Lumapit siya sa akin at tumalungko siya sa aking tapat dahilan upang mapatingala siya dahil naka-upo ako sa malaking bato.
Hinawakan niya ang aking mga kamay. "Aalis lamang ako ng panandalian."
"Saan ka tutungo?"
"Sa Maynila, may aasikasuhin lamang akong mga papeles," saad niya habang patuloy niyang hinahaplos-haplos ang aking kamay.
"Papeles? Anong klase ng mga papeles? M-matatagalan ka ba doon?" sunod-sunod kong tanong dahilan upang mapangiti siya.
"Mga papeles para sa tuluyan kong pagtira rito sa Pilipinas at huwag kang mag-alala mabilis lamang ako roon."
"Gaano kabilis? Ang biyahe papunta sa Maynila ay inaabot ng halos isang araw at ang biyahe pabalik ay isang araw rin. Di bale mga isang linggo?"
"Ganoon na nga, mga isang linggo akong mananatili sa Maynila."
"Ngunit delikado sa Maynila. Paniguradong madaming mga Hapon ang nagkalat doon. Paano kung makita ka nila at pahirapan kagaya ng nangyari sa iyo dati? Paano kung---"
"Walang mangyayaring masama sa akin Amalia, madami akong kakilala sa munisipyo na kaibigan ng aking ama noon kaya't makakabalik ako ng maayos. Nag-aral din akong magsalita ng wikang Hapon kaya't madali ko silang makaka-usap."
Kahit na napakamalumanay niyang magsalita ay hindi ko pa rin mapigilan na hindi mag-alala dahil mga halang ang bituka ng mga Hapon at wala silang awa kung pumatay.
"Maniwala ka, makakabalik ako ng buhay. Pangako iyan." dagdag niya pa.
"Hindi ba ako maaring sumama sa iyo?" hindi ko alam kung ano'ng pumasok sa aking isipan ngunit bigla na lamang nabuo ang desisyon na iyon.
BINABASA MO ANG
Catastrophe Between Us (COMPLETED)
Ficción históricaPangarap o pag-ibig? Pamilya o bayan? Sa gitna ng gyera at labanan, dalawang tao ang paghihiwalayin ng kapalaran. Dalawang taong nag-iibigan na kumakapit sa pangakong walang kasiguraduhan. *** Sa ilalim ng pamamalakad ng mga Amerikano sa Pilipinas a...