12- Nevermore

86 25 27
                                    

Malamig ang simoy ng hangin na dumadampi sa aking balat, ang liwanag na nanggagaling sa buwan ay nagsisilbing ilaw sa buong paligid. Ang kuliglig at ang tunog ng musika ay parehong kong naririnig. Kahit na medyo madumi ang sahig ay walang alintana akong nakaupo rito, ang kulay puti kong bestida ay tiyak na may mantsa na ngayon.

"Anak, bakit nandito ka't nag-iisa?" agad akong napalingon sa aking likuran kung saan nakatayo ngayon si itay.

"Ah... Eh... Nagpapahangin lang po ako rito itay, masyado kasing maingay sa loob," sagot ko sa kaniya.

Lumapit siya sa akin at tumabi sa aking tabi, hindi niya rin alintana kung madudumihan ang kaniyang magarbong suot.

"Pumasok muna tayo sa loob dahil nais kang makilala ni Señor Acasia," tugon niya sa akin. "Saka, sayang naman iyang maganda mong suot kung walang makakakita sa'yo," dagdag niya pa sabay ngiti ng pagkahaba-haba.

Tinignan ko ang aking sarili, totoo nga't napakagarbo ng suot ko ngayon. Binili ito sa akin ni itay para sa kaarawan ng lolo ni Danilo. Isa itong puting mahabang bestida na may disenyong kulay itim na bilog-bilog (polka dots) na may habang hanggang tuhod.

Lumolobo ang aking bandang balakang dahil makapal ang tela pang-ibaba na nagbibigay ng buhay sa bestida dahil sa tuwing kumikilos ako ay agad itong sumasabay. May kulay itim din itong sinturon na may malaking bulaklak na kulay pula na nagbibigay-diin sa kurba ng aking katawan. Ang aking gantsilyong sumbrero (crochet hat) ay may kaparehas na bulaklak sa aking sinturon, idagdag pa ang aking suot na kulay puting gwantes na hanggang pulsuhan lamang at ang mapupula kong labi na kakulay ng aking sapatos na may takong. Kung titignan ay mukha akong señorita na galing sa mayamang pamilya.

"Si Lorena ba ang nag-ayos ng iyong buhok?" tanong niya habang nakatingin sa buhok ko na nakahati sa gitna at nakatirintas. "Opo," maikli kong sagot.

"Tayo na't gumawi sa loob, may sayawan na nagaganap roon. Alam kong hindi mo 'yon matatanggihan," saad niya pa sabay ngiti ng nakakaloko.

Umalis lang naman ako sa loob ng kanilang mansyon dahil wala naman akong kakilala bukod kay Danilo at kay Cecillia na andito rin.

"Halika na't pumasok tayo sa loob, anak!" pagpipilit niya pa sa akin.

Wala na akong nagawa kung hindi ngumiti na lang at tumayo. "Tara na nga ho! Ang kulit niyo kasi," saad ko sabay irap sa kaniya.

Tumayo rin siya at naglakad kami pabalik sa mansyon ng mga Acasia. Nang makapasok kami sa loob ay agad na bumungad sa akin ang malakas na tugtugin. Malawak ang unang palapag ng kanilang mansyon kaya't nagkasya ang mahigit isang-daang bisita. Ang mataas na kisame at malalaki't maliwanag na aranya (chandelier) ay kapansin-pansin.

Lahat ng mga bisita ay may mga magagarbong suot, karamihan sa mga kababaihan ay naka-bestida at nakasuot ng mataas na takong. Napansin ko rin na halos mga Amerikano at Amerikana ang mga nandirito, bilang lamang sa kamay ang Pilipino.

Dumiretso kami sa pasilyo ng ikalawang palapag kung saan naka-upo si señor Acasia, may mga Amerikanong nakapaligid sa kaniya ngunit agad siyang tumayo at lumapit sa amin nang kami'y makita niya.

Nahagip ng aking mata si Cecillia na nakatayo sa gilid kasama ang kaniyang ama. Naka-suot siya ng isang napakagarbong bestida, kulay berde ito na may mga gintong nakadisenyo sa laylayan, may suot din siya napakalaki at makinang na kwintas. Mukha siyang prinsesa dahil sa kaniyang suot ngunit hindi dahil sa kaniyang pag-uugali.

"Happy 70th birthday señor Eleonor," saad ni itay sa matandang lalaki na mas makapal pa ang balbas at bigote kaysa sa kaniyang buhok. Nahahawigan ko siya kay Santa Klaws dahil kulay puti ang kaniyang mga buhok at naka-pula siyang damit idagdag pa ang medyo malaki niyang tiyan. Gayon pa man, ang napaka-tangos niyang ilong at natural na pamumula ng buo niyang mukha ay nagsasabi na isa siyang matipunong lalaki noong nasa kabataan niya pa siya.

Catastrophe Between Us (COMPLETED)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon