Agad akong nakonsensiya sa aking ginawa kaya't lumapit ako sa kaniya.
"P-pasensiya na!" saad ko ngunit hindi niya ako pinansin dahil patuloy lamang siya sa pag-ubo habang naglulumpasay siya sa sahig dahil sa labis na sakit.
"A-ano ba ang nangyari sa iyo?" nanginginig ang aking boses dahil sa nangyayari. Hindi ko naman nais na saktan siya ng ganito.
"M-may nasalubong akong ilang mga sundalong Hapon at napagdeskitahan nila ako na kasanib ng Amerika k-kaya't ikinulong nila ako sa maliit na budega. M-mabuti na lang at nakalaban ako kaya't hindi nila ako napatay." pinilit niyang magsalita kahit na hirap na hirap siya sa kaniyang kalagayan.
Tinulungan ko siyang tumayo, nilagay ko ang kaniyang kamay sa aking balikat saka kami dahan-dahang naglakad pabalik sa loob ng kweba.
"P-patawad kung pinaghintay kita ng matagal..." tumigil siya sandali upang umubo.
Ngayon ko lamang napansin na may namumuong dugo sa gilid ng kaniyang labi at ang puti niyang baro ay puro mantsa.
"M-maaga sana akong makakarating sa tagpuan ngunit hinarang ako ng mga sundalo. P-pasensiya na," saad niya saka niya ako tinitigan, tanaw na tanaw ko sa kaniyang mga mata ang pagsusumamo niya.
"Pasensiya na rin, hindi dapat kita sinaktan. Nadala lang ako ng aking galit kaya kita nasuntok."
Narinig ko na natawa siya sa aking sinabi. "Hindi ka na ba galit sa akin?" tanong niya habang binabaybay namin ang makipot na daan papasok ng kweba.
Nakakapit lamang siya sa aking balikat habang ang kamay ko ay nakahawak sa kaniya balakang.
"Galit ako kanina ngunit hindi na ngayon," saad ko saka inirapan ko siya.
Nang makarating kami sa loob ay binitiwan ko ang kaniyang balakang upang tulungan ko siyang makaupo sa bato.
"May masakit pa ba sa iyo?" tinignan ko siya mula ulo hanggang paa. Mukhang wala naman siyang ibang galos kundi ang mga pasa niya sa mukha.
"Huwag kang mag-alala, ayos lang ako. Hindi naman ganoon kasakit ang ginawa ng mga Hapon sa akin eh. Mas masakit lang talaga ang mga suntok mo," natatawa-tawa niyang saad habang hinahaplos niya ang kaniyang pisngi na sinuntok ko.
Inirapan ko na lamang siya saka ako naglakad-lakad sa loob ng kweba. Panandalian kaming kinain ng katahimikan.
"Ikaw ba ang naglagay ng lahat ng ito?" tanong ko saka tinuro ko ang mga rosas na nakakalat sa paligid.
Tumango siya sa akin bilang sagot.
Kahit nahihirapan siya ay pinilit niyang tumayo saka siya lumapit sa akin.
"M-may nais lamang akong sabihin sa iyo." malumanay at dahan-dahan ang pagkakasabi niya g mga katagang iyon.
Agad akong napatitig sa kaniyang mga mata at tila ba nalulunod ako habang tinitignan ko siya dahil nag-uumapaw ang kaniyang emosyon.
Napakamot siya sa kaniyang batok na animo'y nahihiya siyang sabihin ang kaniyang nasa isip.
"K-kasi..."
"Ano, kasi..." saad niya habang tinatapik-tapik niya ang kaniyang batok.
"M-maari ba akong umakyat ng ligaw sa iyo?" diretso niyang tanong sa akin.
Tila ba napako ako sa aking kinatatayuan, naramdaman ko ang mabilis na pagtibok ng aking puso at ang pag-init ng aking pisngi.
NAIS NIYA AKONG MAGING KASINTAHAN!
Nais kong magsisisigaw sa tuwa at sabihin sa kaniya na oo ngunit walang lumalabas sa aking bibig. Nakatitig lamang ako sa kaniya habang dinadama ko ang mga paro-paro na kumikiliti sa aking sikmura.
BINABASA MO ANG
Catastrophe Between Us (COMPLETED)
Fiction HistoriquePangarap o pag-ibig? Pamilya o bayan? Sa gitna ng gyera at labanan, dalawang tao ang paghihiwalayin ng kapalaran. Dalawang taong nag-iibigan na kumakapit sa pangakong walang kasiguraduhan. *** Sa ilalim ng pamamalakad ng mga Amerikano sa Pilipinas a...