Kabanata 2

42 3 2
                                    

"Anak, Lester. Malapit na ang iyong kaarawan, mag dadalawampu't isang taong gulang ka na. Ika'y lubos ng binata, aba'y kailan ka magdadala ng magandang dilag dito sa ating tahanan?"

Niyakap ng tumatawang si Lester ang inang nagkakape isang hapon ng linggo. Wala siyang trabaho sa bukid o dagat sapagkat araw ng pahinga.

"Si Ina talaga. Wala pa po akong napupusuan Ina. Ang nais ko po ay iyong titibok ng maigi ang aking puso sa dilag na iyon."

"Subalit napakaraming naggagandahang dilag sa ating nayon, ikaw ba'y walang isa mang naiibigan?" kunot-noong tanong ng ina.

Nagkibit balikat si Lester at bumalik sa upuan niya kanina at hinigop ang sariling kape.

"Marahil ay marami ngang magaganda, Ina, subalit hindi po tumitibok ang puso ko sa kanila. Maaaring hindi ko pa natatagpuan ang aking palad Ina."

"Subalit anak, nalalaman mo bang ilan sa mga dilag na iyun ay nagkakagusto saiyo? Sino nga naman ang hindi eh kay gwapong binata ng Lester ko?"

Humalakhak siya sa papuri ng ina subalit hindi maaaring pabulaanan ang wika nito. Sa paglipas ng mga araw ay lalo siyang gumagandang lalaki. Batid niya ang mga dilag na nagkakagusto sa kanya maging ang ilang binatang naiinggit sa kanyang itsura. Sa kanyang pagkakaalam ay may lahing mestizo ang kanyang ama kaya naman kakaiba din ang kakisigan niya.

Marahil ay hindi pa panahon upang umibig siya.

Nobyembre onse, 2000

Dalawampu't-isang taong gulang na si Lester. Nagdaos sila ng maliit na piging upang ipagdiwang ang kanyang kaarawan. Imbitado ang mga kabinataan at mga kadalagahan sa kanilang nayon. Marami ang handang pagkain at masayang inistima ni Lester ang mga bisita. Masaya ang lahat sa kanyang kaarawan.

Ang hindi maarok ni Lester ay tila baga may kung anong kulang sa kaibutaran ng kanyang puso. Ganuong naroon naman ang magagandang dilag subalit tila may kulang pa rin.

Nag-iinuman at nagkakantahan ang kanyang mga bisita, alas dyes na iyun ng gabi, naisipan ni Lester magpahangin sa papag na kanyang ginawa di kalayuan sa kanilang tahanan. Nais niyang mapag-isa at himayin ang kanyang sistema dahil sa kanyang nararamdaman mula pa kanina.

"Lester."

"Lester."

Nagulat si Lester sa tila bulong na tawag doon mismo sa kanyang tainga. Wala naman siyang nakitang tao sa kanyang paglingon.

"Ako ba'y minamaligno? O minumulto kaya?" Napakurap siya subalit katakatakang wala siyang takot na nararamdaman.

Sa kanyang paglingon sa unahang daan ay naaninag niya ang taong papalapit. May dala itong kung ano. Nakasuot ng puting kamiseta at kupasing maong na pantalon. Salamat sa liwanag ng bilog na buwan, nakilala niya ito.

"Ginoong Lucas! Kayo po ba ay tutungo sa aking piging? Aba'y ginabi na po kayo!" masayang bati ni Lester at patakbong lumapit siya sa matanda.

"Hahaha! Pasensya ka na iho at ako'y nawala sa paghahanap ng iyong tahanan. Hihihi. Nabalitaan ko ang iyong kaarawan kaya naman nagmadali akong gumawa ng regalo para saiyo."

Masayang inabot ni Lester ang dalang basket ng matanda, "Nag-abala pa po kayo Ginoo subalit maraming salamat po!"

Muli, nakita ni Lester ang pagkislap ng tila pilak sa mga mata ng matanda sa pagngiti nito. Ngayon ay tiyak na siya na may kakaiba nga sa mga mata nito!

Tila hinihipnotismong di magawang alisin ni Lester ang titig sa matanda. Napakaganda ng mga mata niya!

"Bakit nga ba andito ka sa labas gayong naroon sa tahanan ang iyong mga bisita?"

Ang Pag-ibig Ni Lester (R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon