"Allen! Mahal kong Allen! Ikapapahamak mo ang gagawin mong paglalakbay!"
Nagulat na napabangong bigla sa higaan si Allen matapos marinig ang galit na tinig na iyon sa kanyang tainga. Naiidlip pa lamang siya upang magpahinga nang bigla na lamang may nagsalita. Napahilot siya sa sentido.
"Sino ka?" mahina niyang kinausap ang kung sino mang nagsalitang iyon. Subalit, hindi kaya'y panaginip lamang ang kanyang narinig?
Nang walang sumagot ay nahiga siyang muli at wala sa loob na naihaplos ang kamay sa dibdib. Doon ay nasalat niya ang pendant ng suot na kuwintas. Mabilis inapuhap ang suot na damit matapos ay inilabas niya ang pendant at tinignang maigi.
"Zeke, iniwanan nga ba kita sa lugar na iyon? Baka naman kasama kitang naglakbay dahil sa kuwintas na ito. Naririto ka ba sa aking tabi?"
Nang walang marinig na katugunan ay muli siyang pumikit. Subalit sa kanyang pagpikit ay naramdaman niya ang mabining paghaplos sa kanyang pisngi.
Pumunit sa kanyang labi ang pilyong ngiti at napayapa ang kanyang kalooban.
"Huwag mo akong hadlangan sa gagawin naming lakad. Samahan mo na lamang ako at gabayan."
Bakit nga ba hindi niya naisip ang posibilidad na si Zeke ang kasa-kasama niya mula pa noong lisanin niya ang kanilang bansa? Kung pakaiisipin, bakit nga ba hindi siya nahirapan ng husto sa kanyang paglalakbay. Bakit madali lamang siyang makalusot sa mahihigpit na bantay. Maging noong nagkaroon ng delubyo sa karagatan...
Napabangon siyang muli at nanlalaki ang mga matang napatingin sa kawalan.
Naalala niya...
'Sa karagatan noon... Inabot kami ng malakas na bagyo. Subalit bigla na lamang akong nilamon ng kakaibang karimlan at tila naglakbay ako sa isang napakahabang madilim na lagusan. Matapos ay nawalan ako ng malay at nagising sa kubo ng isang matanda...'
Mariing pumikit si Allen at ibinagsak ang katawan sa higaan.
'Iyong kubo, iyong matandang lalaking may kulay pilak na mga mata... Iyong naglahong kubo at ni minsan ay walang nakakita...'
'Subalit hindi ba't bata pa ang Zeke na kaibigan ko? Ang matandang iyon, isa siyang matanda... Katauhan ba iyon ni Zeke o isa sa kanyang aparisyon? Iyong nagbigay sa amin ng mga pagkain sa kagubatan...'
"Zeke, kailanma'y hindi mo ba ako iniwanan?"
Naramdaman niyang muli ang paghaplos sa kanyang pisngi.
"Kailan ba kitang makikita ng totoo? Nasasabik ang puso kong masilayan ka."
"Sa tamang panahon, Allen..."
Napakurap si Allen ng makailang ulit nang marinig ang malamyos na tinig na bumulong sa kanya. Pakiramdam niya ay nasa mismong harapan niya ang hindi nakikitang nilalang at nakayakap sa kanyang katawan.
Doon ay nakatulog siya ng payapa.
Kinahapunan ay nagtungo siyang bayan upang ipagpalit ang kanyang ginto. Matapos ay naghanda na sila sa gagawin nilang paglalakbay kinaumagahan. Bumili sila ng mga suplay na pagkain at ilang kagamitan.
Madilim-dilim pa kinaumagahan ay nilisan na nila ang tahanan at hinabol ang unang byahe ng tren sa bayan patungo sa pakay na lugar. Bakas kay Allen ang kasiglahang matagal niya ng hindi naramdaman.
Ang isiping naroon ang kaibigang hindi nakikita ay nagbibigay sa kanya ng kakaibang tuwa.
"Kaibigang Allen, nagkaroon ka ba ng magandang panaginip sapagkat ang mga ngiti mo'y kakaiba?" hindi naiwasang puna ni Henry.
Sa tatlong kasama ni Allen ay si Henry lamang ang pinakamalapit at mas nakakakilala sa kanya maging sa isang tingin lamang.
Napangiti siya,"Haha, masyadong matalas ang iyong pandama kaibigan. Nanaginip lamang ako ng maganda at magkakaroon na raw ako ng kasintahan. Hahahah!"
BINABASA MO ANG
Ang Pag-ibig Ni Lester (R18)
Fantasy"Mangako ka sa akin Lester, anuman ang mangyari ay mag-iingat ka! Babalik ako, babalikan kita Lester! Tandaan mo, akin ka. Akin ka! Pinakaiibig kita" Si Lester at Ezekiel ay nag-iibigan simula pa noon. Subalit si Ezekiel ay prinsipe ng mga engkanto...