Kabanata 34

9 1 0
                                    

Malas.

Hindi pa tapos ang kamalasan.

"Narinig mo ba ang usapan sa isang grupo ng kalalakihan kanina? Iyong mga nakaupo sa bandang kanan?"

Inakbayan ni Henry si Allen nang pauwi na sila ng gabing iyon matapos maisara ang kainan. Sina Larry at Gerold naman ay humiwalay upang bumili ng serbesa sa kabilang tindahan. Linggo kasi kinabukasan kaya naman oras iyon ng kanilang inuman!

"Abala ako sa kusina kanina. Ano ba ang iyong narinig?"

Lumingon si Henry sa likuran na tila ba sinisigurong walang makaririnig sa kanyang sasabihin matapos ay lumapit kay Allen at pabulong na sumagot, "Sabi nila, mayroon daw gagawing pagmimina sa dulong bayan nitong ating siyudad. May natuklasan raw kasing mga ginto roon na may tinatayang malaking halaga kapag nagkataon."

Ginto?!

Kumabog ang dibdib ni Allen sa narinig. Batid niya kung gaano kahalaga ang mga bagay na iyon!

"Hindi ba't ipinagbabawal ang mga pagmimina?" napapalunok na tanong niya.

"Ano ka ba naman. Kapag napatunayang malaking halaga nga ang mga gintong naroroon, maaaring may mga nakatataas na opisyales ng gobyerno pa ang paniguradong nasa likod niyan. Syempre, hindi basta maitatago ang ganyan kalaking aktibidades kung walang magtatagong mga opisyal sa mata ng publiko!"

"May punto ka. Subalit paanong naging pabaya ang mga taong iyon at narinig mo ang kanilang mga pag-uusap?"

Napakamot sa ulo si Henry at mahinang tumawa. "Aksidente lamang ang pagkakarinig ko kanina. Naroon kasi ako sa kabilang panig ng pader, alam mo namang manipis lamang ang nakapader na lawanit doon, kumukuha kasi ako ng mga sangkap sa niluluto ko sa stante doon kaya naman hindi sinasadyang narinig ko ang kanilang usapan. May kalakasan din pati ang kanilang tinig sapagkat sila lamang naman ang naroon sa bandang pwesto nila. Maaga pa kasi iyon sa pananghalian."

"Nauunawaan ko na. Nalaman mo ba kung saan at kaylan mag-uumpisa ang gagawing pagmimina?" tanong niya. Interesado siya.

"Ang narinig ko lamang ay malapit na raw. May hinihintay lamang na amo. Iyon lang matapos ay umalis na ako upang magluto."

Hindi na sumagot pa si Allen subalit nakuha ng nabalitaan ang kanyang interes. Alam niya kasi kung gaano kahalaga ang mga ginto. Hindi nga ba't doon siya kumuha ng ipinatayo sa kanyang negosyo? Iyon nga lamang ay lingid ito sa kaalaman ng lahat.

Lumipas ang mga oras hanggang sa lumalim na ang gabi habang sila ay nag-iinuman at kwentuhan. Subalit ang katahimikan sa labas ay napukaw ng malalakas na katok sa kanilang pintuan.

"May kumakatok sa pintuan! Sino kayang lapastangan ang mang-iistorbo sa ganito kalaliman ng gabi?" tanong ni Henry.

Sa tantiya nila ay nasa ala-una na ng madaling araw. Napasarap pala ang kanilang pagkukwentuhan at inuman. May tama na nga rin ang alak sa kanila.

Tok. Tok. Tok. Tok.

"Tao po!!!"

Dahil sa malakas na sigaw ay tinatamad na tumayo si Gerold upang pagbuksan ang pintuan. Sa umpisa ay wala silang balak sapagkat sino nga naman ang mangangatok sa dis-oras ng gabi?

"Mga kaibigan! Ang inyong kainan ay nasusunog! Sa tagal niyong pagbuksan ako ay baka wala na kayong abutang anu pa man sa tindahan niyo!" Kaagad na bungad ng isang lalakeng pinagbuksan ni Gerold. Sa lakas ng tinig nito ay rinig na rinig nila doon sa kusina.

"Ano???!" panabay nilang tanong.

Nabigla silang lahat na napatayo at nagtakbuhan patungo sa kainan. Ang kanilang kalasingan ay tila nahulasang bigla dahil sa biglaang pagtaas ng adrenaline sa kanilang katawan. Tila mga sibat sa bilis na sila ay nakarating sa kainan at magkakasabay na nanlumo. Sapagkat kagaya nga ng sinabi nung nangatok sa kanila ay baka wala na silang abutan. Hindi ito nagkamali sapagkat tanging liwanag na lamang ng dambuhalang apoy na kumakain sa gusali ang nasaksihan nila.

May mangilan-ngilang nagtangkang supilin ang naglalagablab na apoy subalit nabigo sila. Higit sa lahat ang panlulumong nadarama ni Allen.

"Paano na?" Tahimik siyang lumuha sa isang tabi habang tinitingnan ang unti-unting pagkawala ng kanyang pangarap.

Si Henry, higit kaninuman ang nakakaalam ng pinagdaanang sakripisyo at hirap upang mapalago ang ipinundar nilang munting kainan ay humagulhol ng iyak sa tabi ni Allen. Ang hinagpis na kanyang nadarama ay labis-labis upang maramdaman ng kanyang puso. Tila siya mababaliw sa isiping babalik siya sa kawalan.

Paano na?

Hungkag.

Walang pagsidlang kalungkutan.

Nakakabaliw.

Paano na sila mabubuhay?

Walang lakas na napahiga si Allen sa damuhan. Ang mga luha sa kanyang mga mata'y nangagsituyo na dahil sa matinding init na buhat sa naglalagablab na apoy.

Ang lahat ng kanyang lakas ay tumakas sa kanyang katawan. Nakakabaliw ang mag-isip.

"Malakas ang aking kutob na ang mga maniningil ng buwis ang may pakana sa nangyaring ito! Pagbayarin natin sila!" Galit na galit si Henry.

"Pagbayarin? Sa paanong paraan? Ito ba ang ganti sa ginawa sa kanila ng isang pangyayaring wala tayong kinalaman?! Hindi ba't wala naman tayong ginawang masama sa kanila?"

Puno ng hinanakit ang tinig ni Allen sapagkat totoo nga namang wala silang kinalaman sa nangyaring pananakit sa mga hangal na iyon. Hindi nga ba't saksi silang lahat sa kakatwang naganap?! Kung ganun ay bakit kailangang sila ang paghigantihan?!

Nakaramdam ng hinanakit si Allen maging sa kung sino mang tampalasang nagpahamak sa kanila. Kung ang nangyari sa mga maniningil na iyon ay upang tulungan sila, puwes, nagkamali ang tampalasang iyon sapagkat tuluyan silang nawalan ng kabuhayan.

Dapat niya bang sisihin ang mga taong hindi nakikita na tanging siya lamang kanyang pinaghihinalaan? Bakit nga ba hindi kung ilang ulit niya nang naranasan ang mga kakatwang kaganapan sa buong buhay niya? Subalit paano naman kung hindi naman talaga nila ninanais na mawalan siya? Hindi nga ba't makailang ulit siya nitong tinulungan?

Napakamalas na kaganapan!

Wala sa loob na ipinikit niya ang mga mata at tahimik na lamang na lumuha habang patuloy pa rin siya sa pagkakahiga sa damuhan.

"Wala na tayong magagawa pa. Umuwi na lamang tayo at magpahinga. Mag-isip na lamang tayo ng magandang gagawin upang lampasan ang mga pagsubok natin," mungkahi ni Gerold.

"Mabuti pa nga. Kailangan nating makapag-isip ng solusyon sa lalong madaling panahon." Buo ang loob ni Henry. Habang magkakasama silang lahat ay natitiyak niyang magkakaroon pa rin sila ng bagong pag-asa.

Hindi sumagot si Allen na patuloy lamang na nakapikit subalit naririnig niya ang usapan ng mga kasama. Sadyang wala lamang talaga siyang lakas.

"Tara na kaibigan," mahinang wika ni Henry kay Allen kasabay ng mabagal na pag-akay nito sa kanya upang makabangon siya buhat sa kinahihigaan.

Wala sa loob na sumunod na lamang siya sa mga kaibigan. Pagdating sa tahanan nila'y tila sila mga walang lakas at walang kabuhay-buhay na tahimik na nahulog sa matinding pag-iisip.

"Mapapatay ko ang mga hayop na iyon!"

Ang galit na tinig ni Larry Han ang pumukaw sa nakabibinging katahimikang bumabalot sa kanila sa nagdaang maraming minuto.

"Sa palagay mo ba ay iyon ang solusyon? Mag-isip ka nga! Kahit malakas ang kutob natin na sila ang may sala ay wala pa rin tayong ebidensiya at mga testigo. Kung magsasayang naman tayo ng oras upang alamin ang salarin, paano ang ating pamumuhay?" mahabang litanya ni Henry.

Tama ang kaibigan. Naisip ni Allen. Magsasayang lamang sila ng panahon at ano ang kanilang mapapala? Kung poot ang paiiralin, isang malaking katangahan iyon upang mapabayaan ang sariling mga mithiin sa buhay upang magtagumpay.

"Magpahinga na tayong lahat. Maghanap tayo ng panibagong pagsisimulaan sa lalong madaling panahon. Kalimutan niyo ang paghihiganti sapagkat malalason lamang ng poot ang inyong mga puso. Magandang gabi."

Iyon lamang at nagtungo na si Allen sa kanyang silid. Subalit may kakatwang bagay siyang napansin doon.

Ang Pag-ibig Ni Lester (R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon