Kabanata 38

6 0 0
                                    

Walang pagpipilian. Sumunod na lamang ang grupo ni Allen. Pinaghiwa-hiwalay sila matapos silang dalhin sa loob ng yungib.

"Mula dito ay magsisimula kayong maghukay. Lahat ng kakailanganin ninyong kagamitan ay naroon sa gilid." Itinuro ng lalake ang isang lugar sa tabi ng yungib na puno ng mga pala, asarol, bareta, at iba pang kagamitan sa pagbubungkal ng lupa.

'Pisti, mukhang mapapasabak kami sa matinding hirap ng katawan!'

May munting pagsisisi sa dibdib ni Allen. Kung sana'y nakinig na lamang siya sa kaibigang hindi nakikita.

"Ano pang tinatayo-tayo niyo riyan?! Mag-umpisa na kayo!" Bulyaw ng lider sa mga bantay.

Walang nagawang nagsipagsunuran silang lahat. Bawal silang magkakatabi kaya naman may ibang kasamahan si Allen sa kanyang gawi. Sa tantiya niya'y hindi lalagpas sa singkwenta ang mga trabahador. Sa ilang sulok ay mayroong bantay na mga lalakeng armado.

'Kainis! Wala yata kaming mahihita dito kahit makakuha pa ng ginto! Kung ganuon, saan kaya nakuha nina ama't ina ang iniwan nila sa akin?'

Puno ng iba't-ibang katanungan ang isipan ni Allen.

Lumipas ang maraming araw na wala silang ibang ginagawa kundi ang magbungkal nang magbungkal ng lupa. Ilang ulit ding may mga pinasabog na bato upang maging lagusan nila at makapasok pa sa pinakagitna ng yungib. Ang iilan kasi sa daanan ay sobrang kipot na halos hindi madadaanan ng tao.

Ang pawis nila ay naghalo-halo na sa amoy ng iba't-ibang taong naroroon maging sa mga hindi maipaliwanag na mga amoy ng singaw mula mismo sa mga lupang kanilang hinuhukay. Mayroon pa ngang pagkakataong bungo at kalansay ang kanilang nakikita. Dahil doon ay mas lalong lumakas ang kutob nilang maaaring mayroon ngang kayamanan sa pusod ng kuweba. Maaaring mga itinago roon ng mga taong nagmula pa sa malayong henerasyon at panahon.

Ilang mga araw, mga linggo, at buwan ang lumipas. Sa ikatlong buwan ay halos wala na silang lakas subalit hindi sila maaaring huminto ni ang umayaw. Nangayayat ng husto sina Allen at halos lahat ng mga nagtatrabaho doon.

Sa kamalasan ay wala pa ring natatagpuan ni anino man ng ginto, kahit man lang isang gabutil sa laki.

Isang gabing namamahinga ay dilat na dilat si Allen sa gitna ng karimlan. Ang pagsisisi sa kanyang dibdib ay huli na upang unawain pa. Tumingala siya sa walang hanggang kadiliman at taimtim na humiling sa isipan.

'Diyos ko, kami'y Iyong gabayan at tulungan sa lugar na ito. Nagkamali ako upang hikayatin sila. Hindi ako nakinig sa mga paalala. Nagsisisi ako subalit wala na akong magagawa kundi ang humiling sa Iyo na kami'y tulungan at makalabas ng ligtas sa lugar na ito.'

May kung anong malamig na hangin ang humaplos sa impis ng pisngi ni Allen. Makalipas ang ilang sandali ay pumailanlang sa kanyang pandinig ang mabining bulong ng awitin...

"...Binago mo ang aking buhay
Kahit 'di ko sinubukan
Ilang beses ng nadapa at
Di pa rin kita susukuan

Sisikat o lulubog man ang araw
Ikaw pa rin ang gusto na mahagkan
Hinahangad na balang araw
Tatanda na makasama

Malayo na pala hindi na naliligaw
Natagpuan na ang sakin tinadhana
Sabihin man nila tayo ay naiiba
Ikaw parin ang sigaw
Hindi na bibitaw

Oooh-oooh-hooo

Kay rami ng dinanas puso'y di na aatras
Di na lang i ibig kung di ikaw
Kay dami ng dinanas puso'y di na aatras
Di na lang i-ibig kung di ikaw

Malayo na pala hindi na naliligaw
Natagpuan na ang sakin tinadhana
Sabihin man nila tayo ay naiiba
Ikaw pa rin ang sigaw
Hindi na bibitaw

Oooh-oooh-hooo...

Hindi na bibitaw..."

Na siyang humila sa kanya sa malalim na pagtulog.

"Kasalanan mo ang lahat! Ang sabi mo sa amin ay magkakaroon tayo ng ginto dito! Tignan mo ang kinahantungan natin!" yamot na tinig ang gumising sa diwa ni Allen.

Napamulat siya ng mga mata. Sa loob ng yungib na iyon ay balewala ang takbo ng oras. Ang katotohanang ni hindi niya mahulaan ang araw at gabi sapagkat purong kadiliman ang tangi nilang kasama. May iilang ilawang de-gas ang tangi nagsisilbing liwanag sa kinalulugaran nila. Nalalaman lamang nila na oras na ng pahinga dahil na rin sa mga nagbabantay na siyang gumigising at nagsasabing oras na ng pamamahinga.

Masakit ang kalamnan ni Allen. Tinamaan iyon ng tadyak kanina.

Teka!

Napalingon siya sa lalakeng galit na gumising sa kanya.

"Larry, bakit ka nananadyak?!"

Dinuro siya ni Larry, "Ikaw! Ikaw ang may kasalanan kung bakit tayo naghihirap ng husto dito?"

Tumakbo sina Henry at Gerold palapit sa kanila at sumaway.

"Anong ginagawa mo Larry?! Hindi ba't wala namang pinilit sa atin si kaibigang Allen? Bakit ka naninisi?!" galit din si Henry nang sitahin si Larry.

"Ikaw!" Dinuro nito si Henry matapos ay lumingon sa kanya, "Ikaw! Kayo ang may kasalanan kung bakit nagkakaganito tayo!"

"Teka lang naman kaibigang Larry, huwag tayong magsisihan dito, hindi ba't lahat naman ay patas na nahihirapan? Isa pa, wala namang pinilit sa atin ang kaibigan natin," malumanay na sinikap ni Gerold umawat sa nagwawalang kaibigan.

"Mga buwisit! Kung alam kong ganito ang kahahantungan natin, hindi na lamang sana ako sumama! Mga sinungaling!" Pagkawika noon ay tinadyakan niyang muli si Allen bago sila nito nilisan.

Hahabulin sana ng suntok ni Henry ang galit na kaibigan subalit mabilis itong hinila ni Allen upang pigilan.

"Hayaan mo na. Kasalanan ko ang lahat, sana hindi ko na lang pinursige ang pagpunta natin dito," malungkot na wika ni Allen. Dumaloy sa kanyang pisngi ang mainit na likidong nagmumula sa namumula niyang mga mata.

"Labis lamang marahil ang nadarama niyang paghihirap at gutom dito kung kaya naman naaapektuhan ang pag-iisip ng ating kaibigan," tugon ni Henry.

"Pasensiya na kayo at patawarin niyo sana ako," puno ng pagsisisi ang tinig ni Allen.

Tinapik siya ni Gerold, "Malalagpasan natin ito. Tiwala lamang."

Makakaligtas pa kaya sila sa lugar na iyon?

"Hoy kayo! Hindi ba't pinagbawalan namin ang magkalapit kayo?!" sigaw ng isang bantay na papalapit sa gawi nina Allen.

"Pasensiya na kaibigan, nananakit kasi ang tiyan ng aming kaibigan kaya naman..."

"Balik! Bumalik kayo sainyong pwesto o parurusahan ko kayo?!" Hindi na natapos ni Henry ang paliwanag dahil sa bulyaw ng bantay kaya naman patakbo silang umalis ni Gerold palayo kay Allen.

"Kumain na kayo at mag-umpisang magtrabaho. Ang mga walang silbi ay ipapatapon!"

Gumapang si Allen sa lupa gamit ang nanghihinang mga tuhod at nanginginig na mga kamay. Kahit nahihirapan dahil sa natamong tadyak sa kalamnan ay sinikap niya pa ring tumayo upang makapagtrabaho. Kung hindi ay baka lalo pa siyang mapahamak sa kamay naman ng mga mahihigpit na bantay.

Kaya naman maghapong wala silang ibang ginawa kundi ang walang humpay na pagbungkal ng lupa. Habang lumalayo sa bukana ng kweba ay nag-iiba rin ang singaw papaloob. Ang makapal na init at paninikip ng dibdib ay halos magpawala na sa ulirat ni Allen at maging sa lahat ng nagtatrabaho doon.

Nang may mapansin siyang maliit na butas sa malaking tipak na batong nakaharang sa ginagawa niyang pagbubungkal ay nagpasya si Allen na humingi ng tulong sa mga bantay upang pasabugin ang harang. Hindi nga nagtagal ay pumailanlang sa loob ng kweba ang pagsabog at pagtalsikan ng mga piraso ng bato. Matapos ay bumungad sa kanila ang malawak na espasyo. Malamig ang loob ng parteng iyon at tila may humihila sa kanyang mga paa upang doon maghukay ng maghukay.

Nagsipagsunuran ang ilang mga kasamahan upang doon din magbungkal ng lupa. Kalaunan ay tahimik silang nagtrabaho doon. Hanggang sa mayroon siyang mahukay na kumikinang na piraso ng bato sa ilalim ng halos mahigit isang metrong lalim.

'Huh! Ginto?!'

Napamulagat si Allen sa nakita kasabay ng pagtambol ng malakas ng kanyang dibdib.

Ang Pag-ibig Ni Lester (R18)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon